Pakiramdam namin ay gumuho ang mundo namin
Nung malaman namin ng iyong ama na kami ay magiging magulang na, sobrang natakot kami. Pakiramdam namin biglang gumuho ang mundo namin. Mga bata pa kami, walang muwang sa buhay, takot at hindi handang mag-alaga ng bata.
Nagdadalaga pa lang ako nang ipagbuntis kita. Magiging tapat ako sayo, sumagi sa isipan namin na ipalaglag ka, pero naramdaman kong may mali. Hindi tamang pagkaitan ng buhay ang isang sanggol dahil sa pagiging iresponsable namin ng iyong ama. Magiging magulang na kami at kailangan naming magsimula at maging responsible sa mga bagay na ginawa namin.
Nahirapan kaming ipagtapat ang lahat sa lolo at lola mo. Naalala ko pa na muntik nang masapak sa panga ng lolo mo ang iyong ama nung malaman niya ang balita. Buti na lang inawat siya ng lola mo kahit na hindi rin siya masaya sa ginawa namin. Madalas siyang umiiyak pero alam ko na sa isang banda,excited na siyang maging lola.
Naging maayos ang lahat dahil sayo
Malaki ang ginawang sakripisyo ng iyong ama. Mas matanda lang siya sa akin ng isang taon, hindi pa siya tapos ng college, pero kinailangan niyang tumigil ng pagaaral at maghanap ng trabaho para matustusan ang pangangailangan natin. Ilang beses naming naisip na baka mas mabuting maghiwalay nalang kami, madalas kaming magaway nung mga unang taon ng pagsasama namin. Pero naging maayos ang lahat; dahil sayo, natuto kaming ayusin ang mga problema namin- naging pamilya tayo.
Malinaw pa sa aking memorya ang reaksyon ng lolo at lola mo nang una ka nilang makita. Yun ang unang pagkakataon na makita kong umiiyak ang lolo mo, nakakatawa ang kaniyang itsura (‘wag mong sabihing sinabi ko yun). Ang lola mo naman, iyak lang nang iyak kahit sa pinakamasayang sandali sa buhay niya.
Tinulungan mo akong makabangon sa lahat ng hindi magandang nangyari sa buhay ko
Ang weird ‘di ba? kasi ako yung ina, pero gusto kong malaman mo na malaki ang utang na loob ko sayo. Binigyan mo ng saysay ang buhay namin ng iyong ama, at ikaw ang dahilan kung bakit nananatiling masaya at buo ang ating pamilya. Dumating ka noong mga panahong hinahanap ko ang saysay ng buhay ko, at ngayon alam ko na, na ikaw pala yon.
Tinulungan mo akong makabangon sa lahat ng hindi magandang nangyari sa akin, at bahagi ka ng lahat ng masasayang pangyayayari sa buhay ko. Hindi man planado ang pagsilang mo, pero ikaw ang pinakamagandang sorpresa na natanggap namin sa buong buhay namin, at wala na kaming gustong baguhin pa. Mahal ka namin, at masaya kami na ikaw ay aming anak.
BASAHIN: Para sa’yo na matagal nang nagnanais na magka-anak. Naiintindihan kita, kagaya mo ako noon.
Be sure to check out theAsianparent Community for more insightful stories, questions, and answers from parents and experts alike. If you have any insights, questions or comments regarding the topic, please share them in our Comment box below. Like us on Facebook and follow us on Google+ to stay up-to-date on the latest from theAsianparent.com Philippines!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!