Sakit na nakukuha sa halik ang naging dahilan ng maagang pagkawala ng bagong silang na sanggol sa kaniyang mga magulang. Dahil sa nangyari may babala ang kaniyang ina para sa ibang mga magulang pagdating sa pag-aalaga sa newborn baby nila.
Sanggol na nasawi dahil sa sakit na nakukuha sa halik
Sa pamamagitan ng isang Facebook post ay ibinahagi ng isang ina ang malungkot at hindi niya inaakalang mangyayari sa bagong silang niyang sanggol.
Pagkukwento ng ina, 1 day and half old palang ang kaniyang baby girl na si Aliza na magkasakit ito. Bigla nalang umano itong nilagnat at walang ganang sumuso. Noong una ay hindi nila maintindihan bakit ito nangyayari sa kanilang anak. Hanggang sa lumipas ang araw at siya ay na-diagnose na may HSV-1 o herpes simplex virus.
“She was a day and a half old before she started getting sick. She stopped eating, she want to nap constantly, her sugar wouldn’t stay up, and she started running a fever. No one could tell us what was wrong, just that she was being transferred for better care and I couldn’t go with her yet. Days went by before they finally found out that it was HSV-1, the common cold sore virus.”
Ito ang pag-aalala ng ina sa mga unang araw na kasama niya ang kaniyang anak na asi Baby Aliza.
Dagdag pa niya, madaling kumalat ang virus sa mahina pang katawan ni Baby Aliza. Mula sa kaniyang spine ay dumaloy ang virus sa kaniyang dugo. At ng umabot sa kaniyang utak ay nagdulot na agad ito sa kaniya ng brain death. Dahilan upang tanging machines nalang ang sumusuporta o bumubuhay sa kaniya.
At dumating nga ang oras na kailangan ng magdesisyon ng mga magulang ni Baby Aliza na tanggalin na ang machine na sumusuporta sa kaniya. Sa kaniyang napakamurang edad ay iniwan agad ni Baby Aliza ang mga magulang niya. Ito ay dahil sa isang sakit na nakukuha sa halik. O mula sa isang tao dala-dala ang virus sa mga kamay niya.
Babala ng isang ina
Kaya naman dahil sa naging karanasan ay may babala ang ina ni Baby Aliza sa iba pang mga magulang. Dahil ang sakit na kumuha sa buhay ng kaniyang anak ay maiiwasan. Ito ay sa pamamagitan ng hindi paghalik sa mga sanggol na mahina pa ang katawan laban sa mga germs at viruses. Pati narin ang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at maligamgam na tubig bago humawak sa kanila. Ito ay para masiguradong hindi maililipat sa kanila ang mga virus na maaring maging banta sa kanilang buhay.
“Please don’t kiss babies on the head, face, or hands and ALWAYS wash your hands with soap and warm/hot water before touching them. Protect the babies, they have no immune system to protect them from the germs yet. Parents, you can also give this to your child, be so cautious.”
Ito ang babala ng ina ni Baby Aliza sa iba pang mga magulang.
HSV-1 o type-1 herpes
Ang HSV-1, or type 1 herpes ay isang uri ng sakit na dulot ng herpes simplex virus. Ito ang uri ng herpes na nagdudulot ng mga sores o sugat sa paligid ng bibig at labi ng isang tao. Ngunit, maari rin itong magdulot ng type-2 herpes o genital herpes kung maikakalat sa mga maseselang parte ng katawan sa pamamagitan ng oral sex.
Ito ay napapasa o nakukuha sa pamamagitan ng paghalik. O paggamit ng kahit anong bagay na may taglay ng virus na ito.
Samantala, ang HSV-2, o type 2 herpes ay ang uri ng herpes na nakakapekto naman sa genital area o maselang bahagi ng katawan ng isang tao. Ito rin ay maaring kumalat hanggang sa hita at puwit. Naipapasa o nakukuha ito sa pamamagitan ng pakikipagtalik o sexual contact. At sa pamamagitan rin ng pagbibigay silang sa isang sanggol through vaginal delivery ng isang babaeng infected ng virus.
Ang sinumang infected ng herpes ay maaring hindi magpakita ng sintomas. Ngunit madalas ang ilan sa mga palatandaan ng herpes ay sugat sa bibig o genital area. Sasabayan ito ng flu-like symptoms tulad ng lagnat at sakit ng ulo.
Paano natutukoy ang HSV-1
Maliban sa palatandaan ng herpes, ito ay maaring ma-diagnose sa pamamagitan ng mga laboratory tests gaya ng DNA, PCR (Polymerase chain reaction) blood test, antibody test at virus cultures.
Para sa mga babaeng nagdadalang-tao napakaimportanteng dumaan sa mga test na ito upang matukoy kung positibo sila sa herpes o hindi. Dahil ang sakit na ito ay maaring mailipat sa kanilang sanggol sa pamamagitan ng panganganak o vaginal delivery lalo na sa mga kaso ng may genital herpes.
Ang mga katawan ng mga bagong silang na sanggol ay mahina pa kaya naman hindi nila kakayanin ang virus na dala ng herpes na maaring magdulot ng banta sa kanilang kalusugan at buhay.
Lunas at paano makakaiwas sa herpes
Sa ngayon ay wala pang gamot sa herpes. Kapag ang isang tao ay nagkaroon nito, mananatili na ito sa kaniyang katawan. Pero para makaiwas sa sakit na nakukuha sa halik na ito ay may bagay na maaring gawin. Ito ay ang sumusunod:
- Kilalaning lubos ang sex partner
- Huwag basta pahahalikan ang mga bata sa kung kani-kanino
- Huwag makikigamit ng mga kubyertos o ibang gamit sa bibig ng ibang tao
- Ugaliing maghugas ng kamay
- Ang mga bababeng nagdadalang-tao na infected ng virus ay dapat sumailalim sa medication habang buntis upang hindi mahawaan ang sanggol na dinadala nito.
Source: Healthline, WebMD
Basahin: Inakalang sore eyes ng baby, herpes na pala
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!