Dapat nang maghanda ang parents para sa parating na school year sa Philippines dahil magbabalik na ang face-to-face classes. Ayon ‘yan sa nilabas na order ng Department of Education.
Mababasa sa artikulong ito ang mga sumusunod:
- Opening of School Year 2022-2023
- Pagbabalik ng face-to-face classes
- Iba pang dapat malaman sa balik-eskuwela
Opening of School Year 2022-2023 in the Philippines
Inanunsyo na ng Department of Education (DepEd) ang school calendar para sa parating na School Year 2022-2023 sa Philippines.
Sa nilabas na DepEd Order No. 34, series of 2022 nitong Martes, idineklara na ang pagbubukas ng klase ay magsisimula sa August 22, 2022.
Ang huling araw naman para sa naturang school year sa Philippines ay sa July 7, 2023. Naglalaman ng 203 school days ang parating na school year, na posible pang magbago depende sa iba’t ibang kondisyon.
Ayon pa sa announcement ng DepEd, ang kanilang order tungkol sa pagbubukas ng klase ay mangyayari kahit pa anong ipatupad na COVID-19 alert level sa isang lugar.
“This DepEd Order shall apply regardless of the COVID-19 alert level that the Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases or the Department of Health may impose in the areas where schools are situated.”
Para naman sa mga nasa ilalim ng Alternative Learning System (ALS). Ang pagbubukas ng klase ay gaganapin din sa August 22.
“The program duration will be dependent on the learner’s educational background or existing knowledge level prior to enrollment in the ALS program.”
Samantala, may choice naman ang mga private school at mga state and local universities and colleges kung susundin nila ang nilabas na school calendar ng DepEd.
Maarin silang magsimula ng klase noong unang araw ng June hanggang sa huling araw ng Agosto, batay sa batas.
Larawan mula sa official Facebook account ng DepEd Philippines
Pagbabalik ng face-to-face classes
Isa sa kapansin-pansin sa inilabas na order ng DepEd ay ang tungkol sa full distance learning.
Ayon sa Kagawaran ng Edukasyon, simula November 2, 2022 ay dapat na magsimula na ang bawat paaralan ng in-person o face-to-face class.
Base sa announcement ng DepEd, ang pagbabalik ng in-person classes ay magiging limang araw na kumpara sa pinatupad na limited face-to-face class buhat nang mangyari ang COVID-19 pandemic. Ito ay para sa lahat ng paaralan, public man o private.
“After the said date (November 2, 2022), no school shall be allowed to implement purely distance learning or blended learning except for those that are implementing Alternative Delivery Modes…”
Base sa inilabas na guidelines ng Department of Education tungkol sa papasok na school year sa Philippines.
Bago naman sumapit ang November 2, maaaring mamili ang mga paaralan sa dalawang option tungkol sa kanilang magiging set-up.
Ito ay ang limang araw ng face-to-face classes, o blended learning modality na may tatlong hanggang apat na araw na in-person class, at isa hanggang dalawang araw na distance learning.
Para sa mga public school na nagpapatupad na ng 5 day in-person classes, dapat na raw itong ituloy, ayon sa DepEd.
Larawan mula sa official Facebook account ng DepEd Philippines
Iba pang dapat malaman sa balik-eskuwela
Sa mga balak ipasok ang kanilang anak sa public schools, magsisimula ang kanilang enrollment mula July 25, 2022 hanggang August 22, 2022.
Oobserbahan pa rin ang COVID-19 protocols sa pagbubukas ng klase.
Larawan mula sa official Facebook account ng DepEd Philippines
Heto ang ilan sa mga ipapatupad sa mga paaralan para maging ligtas ang mga estudyante:
- Mandatory ang pagsusuot ng face mask. Posibleng maging alternative ang face shield kapag may mga activity na kailangang makita ang mukha ng estudyante.
- Physical distancing ay dapat masunod
- Ibubukas ang pintuan at bintana ng classroom para sa ventilation
- Bawal kumain nang magkaharap ang mga estudyante, guro at mga non-teaching personnel. Kung kulang sa space sa paaralan, dapat na nakatapat lang sa iisang direksyon ang mga estudyante habang kumakain. Bawal ring mag-usap habang nakababa ang face mask.
- Ang mga paaralan ay dapat makipag-coordinate sa Department of Health tungkol sa counselling para sa benepisyo ng COVID-19 vaccination. Magsasagawa ng mobile vaccination para sa mga estudyante na pinapayagang magpabakuna.
- Inabisuhan din ang pamunuan ng mga eskuwelahan na makipagkasundo sa mga mental health associations. Ito ay para mapangalagaan ang mental wellness ng mga estudyante, teachers at non-teaching personnel sa gaganaping transition perod.
- Ang mga estudyante na magpapakita ng COVID-19 symptom ay kaagad na ie-excuse sa in-person class. Ililipat muna sila sa distance learning kung pakiramdam nila ay kaya nilang sagutan ang modules habang naka-isolate.
- Dapat na magkaroon ang bawat paaralan ng infection control plan and containment strategy. Ito ay para maging handa sakaling kumalat ang COVID-19 sa kanilang lugar.
Ayon naman sa DepEd, hindi mapapanagot ang mga paaralan sakaling magkaroon ng COVID-19 positive sa kanilang estudyante o personnel. Hindi rin ire-require ng DepEd na magkaroon ng guardian’s consent para sa pagbabalik-klase ng isang estudyante.
Ang Christmas break naman ay magsisimula sa December 19, 2022. Magbabalik klase sa January 4, 2023.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!