Hindi natin maiwasan na minsan ay makumpara natin ang ating mga anak. Oo, maaaring lahat sila ay importante sa iyo. Pero madalas ay may mga bagay na hindi natin napapansin na nagagawa natin. Ang second child syndrome ay ang hindi masyadong pagpansin sa mga achievements ng iyong second child. O ang pagkukumpara sa kanya sa panganay mong anak.
Second child syndrome
Image from Freepik
Sa iyong panganay na anak, madalas ay mas may excitement dahil lahat ay bago pa sa iyo. Pagdating kasi sa pangalawang anak, madalas ay gamay mo na ang gagawin. Hindi ka na sumusubok ng ibang parenting techniques dahil alam mo na kung ano ang gumagana para sa’yo at hindi. Pero dapat mong tandaan na lahat ng bata ay unique. May mga bagay na maaaring puwede sa panganay mo pero hindi effective para sa pangalawa.
Mahalaga na alamin mo pa rin ang ispesyal na paraan ng pagpapalaki sa iyong second child at huwag kang tumigil sa pag-experiment dahil lang siya ay second child mo na. Dahil din kasi dito, maaaring maramdaman nila na hindi mo sila binibigyan ng equal attention o care.
Paano sila bibigyan ng equal treatment
Image from Freepik
Totoo nga ba na mayroong favorites ang mga magulang? Hindi dapat, pero kadalasan ay hindi ito naiiwasan. Kung ayaw mong maramdaman ng mga anak mo na ikaw ay may paborito, narito ang ilang bagay na puwede mong gawin.
1. Siguraduhing pareho silang mayroon
Kung may bibilhin ka para sa isa mong anak, dapat ay mayroon din sa isa. ‘Wag mo ring hayaan na may naiiwan sa tuwing kayo ay aalis bilang pamilya. Madalas kasi, dahil tingin natin ay hindi naman kailangan ng isa mong anak iyong gamit na binili mo, praktikal lang na huwag na silang bilhan pareho. Kadalasan din ay ang mga hand-me-downs na lang ng iyong panganay ang nagagamit ng second child mo.
2. ‘Wag balewalain kapag sila ay may sinasabi
Makinig ka sa mga sinasabi nila. Iba pa rin ang atensyon kumpara sa mga materyal na bagay na kaya mong ibigay sa kanila. Huwag mo ring i-invalidate ang feelings ng iyong second child dahil lang ginagawa mong basehan ang iyong panganay. Hindi man mahirap para sa isa ay maaaring mahirap para sa kanya.
3. Ipaintindi sa kanila na sila ay magkakampi
Upang maiwasan na sila mismo ang magka-inggitan, ipaintindi mo sa kanilang magkapatid na magkakampi sila. Kahit bata pa sila, sanayin mo na silang parating magkasama at magkasangga. Kapag lumaking close ang iyong mga anak, ito rin ay magiging rewarding para sa iyo na kanilang magulang.
Bakit mahalagang i-celebrate ang achievements ng iyong anak
Image from Freepik
Ang mga bata o kahit matatanda ay mas na-e-encourage gumawa ng mabuti kapag may natatanggap silang reward. Hindi man ito materyal na bagay. Ang simpleng pagsasabi na natutuwa ka sa kanila ay matuturing na ring reward. Mahalaga lang na i-acknowledge ang kanilang mga nagagawa dahil dito nila mararamdaman na may halaga sila sa iyo.
Kasing-halaga rin ng pagce-celebrate ng achievements ang pagsasabi sa kanila na ayos lang ang lahat kahit sila ay makaranas ng pagkatalo. Ipakita mo lang palagi ang iyong suporta at iparamdam sa kanila na andiyan ka lang palagi para gumabay at umalalay.
SOURCE: Psychology Today
BASAHIN: 15 Things to expect with your second child
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!