Narito ang 11 senyales ng verbal abuse na maaaring ginagawa na sayo ng iyong mister at ang mga dapat mong gawin.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga senyales ng verbal abuse.
- Ang mga dapat gawin kung ikaw ay nakakaranas ng verbal abuse.
Mga senyales ng verbal abuse
Madalas ba kayong mag-talo ni mister? O siya lang ang lagi kang nasisigawan at nasasabihan ng masasakit na salita? Maaaring ang mga ginagawa niya sayo ay senyales ng verbal abuse na. Lalo na kung ang mga sumusunod ay ginagawa niya sa ‘yo.
1. Name-calling.
Ang name-calling o pagtawag sa ‘yo ng ibang pangalan ng iyong asawa na lubhang nakakasakit o nakakainsulto ay hindi maganda.
Tulad na lang ng pagtawag sa ‘yo ng salitang “tanga” o “bobo” kapag hindi mo nasunod ang inutos niya. Ang mga ito ay senyales ng verbal abuse na.
2. Pag-underestimate sa iyong kakayahan.
Ang pagtingin ng iyong asawa sa kaniyang sarili na mas mataas o karesperespeto kumpara sa ‘yo ay maaaring mauwi rin sa verbal na abuso.
Partikular na kung ito ay naipaparamdam niya sa ‘yo sa pamamagitan ng pagsasalita. Halimbawa: “Kahit maghapon mong basahin iyan ay hindi mo ‘yan maiitindihan at hindi ‘yan papasok sa maliit na kokote mo.”
Woman photo created by stockking – www.freepik.com
3. Kritisismo.
Ang kritisismo lalo na para i-improve mo ang sarili mo ay hindi masama. Pero kung ang kritisismo ay may halong pang-iinsulto, ito ay hindi katanggap-tanggap lalo na kung ito ay nagmumula sa asawa mo.
Halimbawa kung ito ay sinasabi niya sa ‘yo: “Ang pangit pangit naman ng lasa ng niluto mo. Wala ka bang alam gawin na magagawa mo ng tama?” Ito ay isang malinaw na verbal na pang-aabuso dahil sa nada-damage nito ang self-esteem mo.
4. Degradation.
Isa pang senyales ng verbal abuse ay ang degradation. Ito ay ang pagpapahiya sa ‘yo ng asawa mo na ang goal ay alisin ang tiwala mo sa sarili.
Halimbawa nito ay ang pagsasabi niya na kung mawawala siya sa buhay mo ay wala kang mapupuntahan at wala ng iba pang taong magkaka-gusto sa ‘yo.
5. Manipulation.
Kung ang iyong asawa ay minamanipula ka o kinokontrol ang bawat kilos mo ay maaari rin itong mauwi sa verbal na pang-aabuso. Lalo na kung ginagamitan ka niya ng pananakot para sundin mo ang mga sinasabi niya.
6. Paninisi.
Maituturing din na verbal na pang-aabuso ang paulit-ulit na paninisi ng asawa mo sa ‘yo. Lalo na sa mga mali niyang ginagawa o behavior na sinasabi niyang kaniyang nagagawa dahil sa ‘yo.
Halimbawa: “Kung hindi dahil sa ‘yo, hindi ko sana nasigawan ‘yong crew doon. Tatanga-tanga ka kasi mag-order!”
7. Accusations.
Kung madalas ka ring paratangan ng iyong asawa ng mga bagay na hindi mo naman ginagawa, ito ay senyales rin ng verbal abuse. Lalo na kung ito ay tungkol sa isyu na mayroon kang iba na sinasabayan niya ng pagsasabi sa ‘yo ng masasakit na salita.
Halimbawa: “Alam ko may lalaki ka. Napakalandi mo!”
8. Hindi ka niya kinakausap.
Ang hindi pakikipag-usap sa ‘yo ng iyong asawa lalo na harap ng ibang tao ay maituturing na verbal abuse. Lalo na kung ikaw ay deretsong nakikipag-usap sa kaniya.
Dahil sa pamamagitan nito ay ipinararamdam niya na hindi importante ang sinasabi mo at hindi karapat-dapat pakinggan ito.
Woman photo created by stockking – www.freepik.com
9. Gaslighting
Ang gaslighting ay tumutukoy sa pagpapaniwala sa ‘yo ng iyong asawa na ikaw ay nagha-hallucinate o nag-i-imagine sa mga bagay na hindi naman nangyari.
Ipinalalabas niya na nagsisinungaling ka o ang mga sinasabi mo ay walang basehan. Sa paggawa nito ay maaaring kuwestyunin mo ang iyong katinuan o isipin na maaring nababaliw ka na.
10. Circular arguments
Ang pagbabalik sa mga maling bagay na nagawa mo noon ay maaaring maging senyales din ng verbal abuse. Lalo na kung ang bagay o isyu na ito ay nagpapasama sa loob mo at una ng na-discuss o inakala mong na-solusyonan ninyo ng mag-asawa.
11. Pananakot
Ang pananakot sayo ng iyong asawa ay malinaw na verbal na pang-aabuso. Dahil bilang asawa ay hindi ka niya dapat binabantaan o tinatakot para masunod lang ang gusto niya. Bilang iyong karelasyon ang lagi niya lang dapat inaasam ay ang ikabubuti mo at ng inyong relasyon.
BASAHIN:
10 senyales na hindi healthy ang relationship niyong mag-asawa
Ano ang dapat gawin kung nakakaranas ng verbal na pang-aabuso?
Madalas ang mga verbal abuser ay hindi napipigilan ang kanilang ugali kahit sa harap ng ibang tao. Kaya naman, kung pakiramdam mo ikaw ay biktima na ng isang abusado, marapat na malaman mo ang gagawin sa tuwing ginagawa niya ito sa harap ng ibang tao. Ito ay ang sumusunod:
- Huwag kang umiyak at gumawa ng eksena. Sa halip, manatili kang kalmado, at kung maaari ay umalis na lang at umuwi sa inyong bahay.
- Sa inyong bahay, manatili pa ring kalmado at huwag patulan ang galit niya.
- Bigyan siya ng oras na ma-realize na may mali siyang ginawa at kausapin siya sa oras na humingi na siya ng tawad sa ‘yo.
- Ipakita sa kaniya na ikaw ay mature at marunong makitungo sa immaturity na ipinapakita niya.
- Mag-set ka rin ng boundaries sa ipinapakita niyang pang-aabuso. Sa oras na ito ay mauwi na sa pisikalan ay agad ka ng umalis ng inyong bahay.
- Kailangan mong maging malakas para maipaalam sa kaniya ang immaturity niya.
- Huwag kang iiyak at huwag ipakita sa kaniya ang iyong kahinaan. Kailagan mong iparamdam sa kaniya na hindi mo deserve ang pang-aabuso niyang ginawa. At bilang kaniyang asawa, ikaw ay dapat na ginagalang at nirerespeto rin niya.
- Tanungin ang iyong sarili kung tama pa bang manatili sa inyong pagsasama kung patuloy ang pang-aabuso na ito.
Maaari rin i-report sa mga ikauukulan ang mga nararanasang verbal abuse na ito. Ayon sa batas may kaukulang itong parusa. Sapagkat bilang mag-partner at mag-asawa kahit hindi ka man sinasaktan ng pisikal ay hindi tama na lagi kang sinisigawan at nakakaranas ng verbal abuse.
People photo created by wayhomestudio – www.freepik.com
Saan maaaring tumawag o humingi ng tulong kung nakakaranas ng verbal abuse?
Kung nakakaranas ng verbal abuse, ay maaring makipag-ugnayan at humingi ng tulong sa mga sumusunod na opisina at numero.
PNP Hotline: 177
Aleng Pulis Hotline: 0919 777 7377
PNP Women and Children Protection Center
24/7 AVAWCD Office: (02) 8532-6690
Email address: wcpc_pnp@yahoo.com / wcpc_vawcd@yahoo.com / avawcd.wcpc@pnp.gov.ph
O kaya tumawag sa Inter-Agency Council ng Violence Against Women and Their Children Secretariat sa mga sumusunod na contact details:
iacvawc@pcw.gov.ph
(632) 8733-6611 / 8735-1654 loc.122
0917-867-1907
Source:
Healthline, PCW, Very Well Mind