Nag-iisip ng bagong lulutin ngayong quarantine? Subukan mo ang napakadaling Shakeys mojos recipe na ito galing mismo sa Shakey’s Japan.
Mababasa sa artikulong ito:
- Bakit hinahanap-hanap ng mga Pinoy ang Shakey’s
- 5 Sangkap na Kailangan sa Paggawa ng Shakey’s Mojos
- Napakadaling Shakey’s Mojos recipe na pwede mong subukan
Miss mo na ba ang Shakey’s?
Isa sa mga paboritong bonding na ginagawa ng mga pamilyang Pilipino ay kumain sa labas. Hilig kasi natin ang magsalu-salo sa masasarap na pagkain na bihira nating lutuin sa ating bahay.
Gaya ng ibang fastfood chain na parte na ng buhay natin, napamahal na rin atin ang restaurant na Shakey’s. Gustung-gusto nating mga Pinoy ang kanilang pagkain na patok sa ating panlasa pati na rin sa bulsa.
Ngayong may pandemya, nagpatupad ng ilang guidelines ang ating pamahalaan sa pagkain sa labas, mapa-dine in o takeout man ito. Di tulad dati na pwedeng kumain sa labas ang buong pamilya, ngayon ay mahigpit na ang mga kainan at hindi muna maaring magdine-in sa mga paborito nating restaurant gaya ng Shakey’s.
Shakey’s Mojos recipe na ginagaya ng marami
Bagama’t ang pangunahing produkto ng Shakey’s ay ang kanilang thin-crust pizzas, gustung-gusto rin natin ang timpla ng kanilang fried chicken at mojo potatoes o mojos.
Ang maninipis na piniritong patatas ay bagay na bagay sa ketchup, gravy, o ranch dip. Pero kahit walang sawsawan, masarap pa rin ito.
Dahil halos lahat ng tao ngayon sa iba’t ibang parte ng mundo ay naka-quarantine sa kani-kanilang bahay, maraming nag-iisip na gayahin ang mga pagkain na namimiss nila sa mga sikat na restaurant. Isa na nga rito ang mojos recipe ng Shakey’s.
Marami na ring recipe ng mojos ang naglabasan sa internet, pero ang ibabahagi namin ngayon ay napakadaling sundan, kaunti lang ang kailangang sangkap, at higit sa lahat, mula ito mismo sa Shakey’s Japan na inilathala sa website na SoraNews 24.
Ibinahagi ng Shakey’s Japan ang recipe ng mojos para pasayahin ang kanilang mga customer na hindi makakakain sa kanilang restaurant habang may quarantine.
Ito ay naka-post sa kanilang official Twitter account at nai-translate naman kaagad ng mga netizens.
BASAHIN:
Pinoy quarantine recipes na may murang ingredients at madaling gawin
Shakey’s Mojos recipe na pwede mong gawin sa bahay
Ngayon, pwede mo nang subukang gumawa ng mojos a la Shakey’s sa loob ng iyong tahanan.
Pwede mo itong ihain kasabay ng fried chicken o kaya naman sa merienda ng buong pamilya.
Ano pang hinihintay mo? Simulan mo na!
Narito ang mga sangkap na kailangan para sa Shakey’s mojos recipe:
- Fried chicken breading mix (100 grams/3.5 ounces)
- 30 grams asin
- 10 grams paminta (ground white pepper kung mayroon)
- Mantika pang-prito
- At syempre, patatas!
Narito ang naman ang mga hakbang sa pagluluto ng mojos na ibinahagi ng SoraNews24 sa Japan. Sinubukan nilang sundan ang mismong Shakey’s mojos recipe.
Step 1: Hiwain ang mga patatas sa maninipis na piraso.
Hindi naman nilagay ng Shakey’s ang eksaktong dami ng patatas na gagamitin sa recipe kaya tantsahin mo na lang ayon sa dami ng kakain. Ayon sa recipe, hiwain ito ng maninipis (nasa 9 millimeters o 1/4 inch ang kapal) pero siguruhin ring hindi ito agad madudurog kapag pinirito. Iwasan din naman na maging masyado itong makapal dahil hindi na ito magiging katulad ng sa original na recipe.
Step 2: Initin ito sa microwave ito ng 5 minuto.
Ang recommended na temperature ng microwave ay 700 watts o 160 degrees celcius. Siguraduhin na 5 minuto mo lang itong ilalagay sa microwave dahil kailangan lamang nitong lumambot nang bahagya.
Step 3: Haluin ang fried chicken breading, asin at paminta sa isang bowl saka ilagay ang mga patatas na galing sa microwave.
Maglaan ng kahit 2 hanggang 3 minuto para lumamig ang mga patatas na mula sa microwave. Habang hinihintay itong lumamig, paghaluin sa isang malaking mangkok ang fried chicken breading, asin at paminta. Ilagay sa breading mixture na ito ang mga patatas siguraduhin na nababalot ang bawat isa ng breading.
Step 4: Prituhin na ang mga patatas!
Ngayon, para sa huling step. I-deep fry (ibig-sabihin maraming mantika ang gagamitin kapag pinirito) ang patatas pagkatapos itong ilubog sa breading. Siguraduhin na tama lang ang init ng kawali at mantika dahil maaring madurog ang patatas. Tantyahin din kung gaano kalutong ang gusto mong mojos.
Matapos ang mga hakbang na ito, ready-to-eat na ang iyong mojos!
Pagkatapos i-prito, ilagay muna ang mga patatas sa isang platong may tissue para mabawasan ang mantika. Hayaan rin muna itong lumamig ng mga ilang minuto, tapos ready to eat na ang Shakey’s mojos mo!
Maari kang gumawa ng sawsawan o gravy para ipares sa napakasarap na meriendang ito.
Hindi natin alam kung kailan tayo makakapag-dine in ulit, pero habang nasa bahay, subukan mo na ang Shakey’s mojos recipe na ito! Siguradong matutuwa ang buong pamilya.
Balitaan niyo kami kung kasing-lasa nga ng Shakey’s mojos ang niluto niyo!
Source: