Mababasa sa artikulong ito:
- Dahilan kung bakit ang anak mo ay sinasaktan ang kapatid niya.
- Ang mga dapat mong gawin upang ito ay matigil na.
Dahilan kung bakit ang anak mo ay sinasaktan ang kapatid niya
Magugulat ka na lang ba kung minsan na ang panganay mong anak ay bigla nalang hahampasin ang baby sister o brother niya? O kaya naman babatuhin ng kung anumang bagay na mahawakan niya?
Kahit na minsan ay nawawala ka sa iyong sarili at agad na gustong disiplinahin ang nanakit na kapatid. Ayon sa psychologist na si Laura Markham, imbis na unahin ang batang nanakit ay una na munang asikasuhin ag anak mong nasaktan.
Sapagkat ang anak mong nanakit ay kailangan ng mas malalim na approach upang ma-address ang kaniyang naging actions o tinuran.
Paliwanag ni Markham, ang dahilan kung bakit ang anak mo ay sinasaktan ang kapatid niya ay dahil hindi niya kaya pang kontrolin ang kaniyang emosyon.
Ang takot na nararamdaman niya dahil may iba ka ng inaasikaso. O hindi niya matanggap na may bago ng nakakuha ng espesyal na atensyon mula sa inyong pamilya na dati ay sa kaniya napupunta.
Kung ang pananakit ay nangyari ng isa o dalawang beses ay makakatulong na bigyan ng dagdag na atensyon ang anak mong nananakit ng kapatid niya.
Pero kung ang pananakit ay paulit-ulit na, kailangan ng mas malalim na approach para matigil na ito ng iyong anak. Sapagkat ang pananakit nang paulit-ulit sa kaniyang kapatid ay nagpapakita ng mas malalim ding epekto sa kaniya.
Ang paraan lang para matigil ito ay ang iparamdam sa kaniya na ikaw o kayong mga magulang niya ay maaari niyang pagkatiwalaan.
Higit sa lahat ay safe o ligtas siya sa tuwing kayo ay kasama. Ayon kay Markham, magagawa ito sa pamamagitan ng mga sumusunod.
Paano matitigil ang pananakit ng anak mo sa kapatid niya?
Baby photo created by jcomp – www.freepik.com
1. Maglaan ng oras sa araw-araw na ang atensyon mo ay sa kaniya lang nakatutok.
Mahalaga ito upang muling buuin ang trust at connection niya sa ‘yo. Maging present lang sa kaniya at hayaan siyang mamili sa kung anong gusto niyang gawin.
Maaaring maglaro lang kayo o kaya naman ay manood ng paborito niyang palabas ng magkatabi. Basta sa oras na iyon ay siya lang ang asikasuhin mo. Ito ay para maramdaman niya na siya ay may worth o halaga pa rin sa ‘yo.
2. Hayaan siyang humagikhik sa katatawa sa tuwing kasama ka.
Ayon kay Markham, ang pagtawa o paghalakhak ng isang batang nananakit ay isang paraan upang mailabas niya ang emosyon niya. Gawin ito sa pamamagitan ng isang laro na makakapagpaintindi sa kaniya ng kaniyang nararamdaman.
Tulad halimbawa, ng pillow fight na kung saan mailalabas niya sa ‘yo ang mga fears at worries na nararamdaman niya. O kaya naman ay isang role-playing game gamit ang mga stuffed toys.
Sa laro, maglagay ng kuwento o adventure na kung saan ang anak mo ang bida at magiging responsable sa bawat consequences na mangyayari sa mga choices niya.
Makakatulong din na mai-discuss sa laro at iba’t ibang uri ng emosyon at kung kailan niya ito dapat nararamdaman.
Magagawa rin ito sa tulong ng pagbabasa ng libro sa kaniya. Pero huwag magulat kung hindi niya ito magustuhan. Sa ganitong pagkakataon ay i-acknowledge ang kaniyang nararamdaman.
Ito ay para malaman niya kung anong emosyon ang kaniyang isinasalarawan. Tulad nito halimbawa: “Mukhang masama ang loob mo at ayaw mong magbasa ng libro.”
3. Sa tuwing sinasaktan ang kapatid niya ay unahin mong puntahan ang anak mong nasaktan.
Imbis na pagalitan ang anak mong nanakit ay unahin mong puntahan ang anak mong nasaktan.
Una, mas kailangan niya. Pangalawa, upang maipakita sa iyong anak kung paano niya nasaktan ang kapatid dahil sa ginawa niya.
Sa ganitong paraan ay natuturo mo pa rin sa kaniya ang iba’t ibang uri ng emosyon at kung kailan ito nararanasan.
BASAHIN:
Ayon sa isang psychologist, narito ang maaaring gawin para maging close ang magkapatid
People photo created by shurkin_son – www.freepik.com
4. Saka kausapin ng kalmado ang iyong anak na nanakit.
Pagtapos asikasuhin ang anak mong nasaktan ay saka kausapin ang anak mong nanakit. Gawin ito ng kalmado at kayong dalawa lang.
Muli i-acknowledge ang kaniyang nararamdaman tulad nito halimbawa: “Umiyak ang kapatid mo dahil nasaktan siya sa ginawa mo. Mukhang galit ka. Puwede mo bang sabihin sa akin kung bakit?”
Habang tinitingnan siya sa mga mata niya ay hayaan siyang magsalita. Kung ayaw niyang magsalita ay saka isa-isahin sa kaniya ang posibleng dahilan kung bakit niya ito nagagawa.
Ito ang halimbawang binigay ni Markham:
“I wonder, mahirap ba para sayo na may bago tayong baby?”
Mapapansin mong magkakaroon ng pagbabago sa kaniyang mukha sa oras na matumbok mo ang dahilan kung bakit siya nanakit. Ito ang tamang oras para tanungin pa siya ng tanungin. Hanggang siya ay magsalita at ilabas ang tunay niyang nararamdaman.
Muli manatiling kalmado at i-acknowledge ang kaniyang nararamdaman. Humingi rin ng tawad sa kaniya dahil hindi mo agad ito napansin.
Hayaan siyang umiyak at iparamdam sa kaniya na siya ay iyong naiintindihan. Sa piling mo o sa tabi mo ay safe siya at wala siyang dapat ipag-alala sa kung anuman ang kaniyang nararamdaman.
5. Pansinin o i-recognize ang lahat ng magagandang bagay na ginagawa niya sa kaniyang kapatid.
Matapos siyang kausapin ay hayaan siyang maging malapit sa kaniyang kapatid. I-recognize ang mga nagagawa niya dito. Tulad ng nagiging masaya ito sa tuwing naglalaro sila o sa paano ito ngumingiti sa tuwing nakikita siya.
People photo created by pch.vector – www.freepik.com
6. I-encourage ang sibling bond.
Ayon sa mga pag-aaral, ang pagpapakalong sa isang bata ng kaniyang baby sister o brother ay isang paraan para ma-encourage ang sibling bond. Lalo na kung aamuyin niya ang ulo nito na may pheromones.
Ito ay isang uri ng hormone na sinasabing maaaring makaapekto sa magiging behavior ng makakaamoy nito. Base pa rin sa pag-aaral, ang hormone na ito kapag naamoy ng nakakatandang kapatid sa kaniyang baby sister o brother ay nagiging dahilan para mas maging protective siya rito.
Para mas ma-encourage pa ang kanilang sibling bond ay hayaan silang maglaro o gumawa ng activities na magkasama. Hayaan ang iyong anak na maging mahalaga sa buhay ng nakakabatang kapatid niya.
Siyempre, ito ay dapat ginagawa parin nila na kasama o nakabantay ka. Ito ay para makasigurado na pareho silang safe. At upang maipaliwanag mo ang anumang bagay na maaaring gumulo sa relasyon nila.
Source:
Psychology Today, Medical News Today