Nakaranas ng walang tigil na pag-iyak, pagsinok, at pagtawa ang isang 2-taong gulang na bata dahil sa isang bihirang uri ng epilepsy. Noong una ay hindi inakala ng kaniyang mga magulang na sintomas ng epilepsy ang kaniyang nararanasan. Ngunit matapos magpatingin sa mga espesyalista ay nalaman nilang isa itong uri ng epilepsy na kung tawagin ay Pyridoxine Dependent Epilepsy (PDE).
Paano nagkakaroon ng ganitong kondisyon ang mga bata? May lunas ba sa ganitong klaseng karamdaman?
Walang tigil na pag-iyak, isa na palang sintomas ng epilepsy
Ang 2 taong gulang na batang si Jack Trotter, mula sa Atlanta, Georgia, sa USA, ay tulad lang ng ibang mga bata. Mahilig siyang maglaro, at napakamasayahin.
Ngunit sa ilalim ng kaniyang mga ngiti ay may nakatagong isang karamdaman na hindi kaagad napansin ng kaniyang mga magulang.
Isang araw matapos ipanganak si Jack, ay nakauwi na sila ng kaniyang ina sa kanilang tahanan. Ngunit laking gulat na lang ng kaniyang inang si Leah nang biglang umiyak nang walang tahan si Jack.
Noong una ay inakala niyang mas sensitibo lamang si Jack. Kung tutuusin, normal lang naman sa ibang mga bata ang maging iyakin. Sinabi rin ng mga doktor na wala naman daw problema kay Jack, at sadyang iritable lamang siya.
Ngunit sa loob ni Leah, alam niyang may problema ang kaniyang anak. Kaya’t dinala nila si Jack sa iba-ibang mga doktor doktor. Noong una ay natakot sila nang malaman na posible raw terminal Mitochondrial disease ang sakit ng bata; isang nakamamatay na sakit.
Pero nalaman rin nila na sintomas ng epilepsy pala ang nararanasan ni Jack. Isa itong uri ng epilepsy na kung mapabayaan ay posibleng maging nakamamatay. Ngunit sa kabutihang palad, nagagamot naman ang ganitong kondisyon.
Walang tigil raw minsan ang kaniyang pagtawa at pagsinok
Napag-alaman nila na ang walang tigil na pag-iyak, pagtawa, at pagsinok ni Jack ay mga epileptic seizures na pala.
Hindi rin daw nakatulong kay Jack ang mga maling diagnosis mula sa mga doktor. Ito ay dahil hindi madaling mapansin ang mga sintomas ng epilepsy, lalong-lalo na sa mga bagong panganak na sanggol.
Minsan raw ay umaabot ng 15 oras ang kaniyang pag-iyak. At may mga panahon din na bigla na lang daw siyang sinisinok, o kaya tumatawa. At kapag nangyayari raw ito ay masakit ito para kay Jack, dahil seizure na pala ang nagaganap.
Sa kasalukuyan ay sumasailalim sa iba’t-ibang therapy si Jack upang matulungan ang kaniyang karamdaman. Sa kabutihang palad ay nakahanap ng magaling na mga doktor ang kaniyang magulang, kaya’t natututukan nila ang kaniyang kondisyon.
Bagama’t mayroong ilang developmental delays si Jack, hindi naman daw ito dapat ikabahala. Bukod dito, malaki na ang ikinabuti ng kaniyang kalagayan nang magsimula ang paggamot sa kaniyang epilepsy.
Dahil sa pinagdaanan ng anak, gusto ni Leah na ipaalam sa ibang mga magulang ang tungkol sa Pyridoxine Dependent Epilepsy. Mahalaga raw na magpa-test para sa kondisyong ito ang mga bagong panganak, upang agad ay matulungan ang mga batang mayroong ganitong karamdaman.
Source: Daily Mail
Basahin: Pagtawa ng isang sanggol, epekto pala ng brain tumor
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!