Mga magulang, narito ang mga sintomas ng meningococcemia na dapat niyong bantayan sa inyong mga anak, at mga iba pang impormasyon tungkol sa sakit na ito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang meningococcemia?
- Nakakahawa ba ito?
- Mga sintomas ng meningococcemia
Mga kaso ng meningococcemia sa bansa
Noong 2019, naibalita ang pagkamatay ng isang 4-taong gulang na bata mula sa Davao dahil sa sakit na meningococcemia.
Ayon sa doktor na tumingin sa pasyente na si Dr. Jack Estuart, umaga ng August 30 noong taong iyon nang itakbo sa kanilang ospital ang bata. Ito umano ay may mataas na lagnat at nagsusuka subalit, ilang oras matapos maisugod sa ospital ay binawian na ng buhay ang bata.
Sinundan pa ito ng tatlong kaso ng meningococcemia sa Batangas kung saan may 1-taong gulang na bata ang namatay dahil sa sakit.
Maaaring narinig niyo na rin dati ang sakit na meningococcemia, pero wala pa kayong kilalang nagkaroon nito. Pero bilang magulang, dapat pa lang alamin din natin ang tungkol sa sakit na ito dahil lubha itong delikado sa mga bata.
Ano ang meningococcemia?
Ang meningococcemia ay isang uri ng rare bloodstream infection na dulot ng bacteria na Neisseria meningitides. Ito ang parehong bacteria na nagdudulot ng sakit na meningitis.
Kapag ang isang tao ay may meningococcemia, ang bacteria ay pumapasok sa daluyan ng dugo at dumarami kaya nasisira ang mga wall ng blood vessels. Ito ay nagdudulot ng pagdurugo ng balat at maging ang internal organs.
Kahit sino ay maaring magkaroon ng sakit na meningococcemia. Bagama’t mas madalas itong tumatama sa mga batang apat na taong gulang pababa.
Ang meningococcemia ay nakakahawa. Ito ay maaring maipasa sa pamamagitan ng pagbahing at pag-ubo. Pati na rin ang pagkakaroon ng direct contact o paggamit ng mga bagay na nahawakan o ginamit ng taong may taglay ng sakit.
Kung hindi agad maagapan ang meningococcemia ay nagdudulot ng seryosong banta sa buhay ng isang tao na maaring mauwi sa mga komplikasyon at pagkamatay.
Mga sintomas ng meningococcemia
Sa simula, maaaring banayad lang ang mga sintomas ng meningococcemia. Subalit kapag tumagal at hindi naagapan ay nagpapakita rin ng mas matitinding sintomas.
Narito ang ilan sa mga sintomas ng meningococcemia na maaaring maranasan sa pag-uumpisa ng sakit:
- lagnat
- pananakit ng ulo
- rashes o maliliit na butlig sa bata
- pagkahilo at pagsusuka
- pagtatae
- panlalamig ng mga kamay at paa
- stiff neck
- pananakit ng katawan na parang trangkaso
- pagiging iritable
- nawawalan ng ganang magdede o kumain
- anxiety o sa mga bata, madalas matakot at kabahan
Kapag nakakaranas ng mga ganitong sintomas ang iyong anak, mabuting kumonsulta na sa kaniyang pediatrician para makumpirma kung mayroon ba siyang meningococcemia.
Bukod dito, kapag nagsimulang magpakita ang mga sintomas, nagiging mabilis ang pagtindi ng sakit kaya mas maiging maagapan ito kaagad.
Kapag hindi naagapan, maaaring makaramdam ang bata ng mga sumusunod na sintomas:
- blood clot
- pagdurugo sa ilalim ng balat (nagiging kulay purple ang rashes)
- pananamlay
- shock o pagkawalan ng malay
BASAHIN:
#AskDok: Meningitis; sakit na kayang kumitil ng buhay sa loob ng 24 hours
3 hinihinilang kaso ng meningococcemia naitala sa Batangas, 1 kumpirmadong nasawi dahil sa sakit
Mga komplikasyon ng meningococcemia
Gaya ng nabanggit, ang meningococcemia ay isang sakit na tumatama sa dugo ng isang tao. Kaya naman kapag hindi naagapan ay maaaring magdulot ng matinding komplikasyon at karamdaman.
Ilan sa mga sinasabing komplikasyong ng meningococcemia ay pagkawala ng pandinig, pagbaba ng blood pressure, at gangrene, isang malubhang sugat na nangyayari kapag hindi nakakakuha ng sapat na dugo ang isang bahagi ng katawan. Pwede ring mauwi sa pag-amputate o pagputol ng isang bahagi ng katawan upang hindi na kumalat ang sakit.
Maaari ring magkaroon ng brain damage, o pagkasira ng internal organs gaya ng ating kidneys, baga, atay at maging myocarditis o pamamaga ng puso.
Mayroon din namang mga kaso na mula sa pagkakaroon ng septic shock ay bigla na lang namamatay ang pasyente. Sa katunayan, isa ito sa mga sakit na may shortest hospital stay ayon kay Dr. Ferdinand De Guzman, spokesperson ng San Lazaro Hospital.
Ito ay dahil maaring mamatay agad ang pasyenteng may meningococcemia ilang oras lang matapos lumabas ang sintomas ng sakit.
Lubhang nakakatakot talaga kaya mas mabuti kung maaagapan o maiiwasan ang sakit na ito.
Sa mga unang sintomas pa lang ng meningococcemia ay mas mabuting dalhin na ang bata sa doktor para malaman kung ito nga ang kaniyang sakit. Para makumpirma, kailangang magsagawa ang doktor ng blood test para malaman kung mayroon ngang bacteria sa kaniyang dugo.
Lunas sa meningococcemia
Kapag nakumpirma ito ng doktor, kailangang simulan agad ang paggamot para malabanan ang impeksyon at maiwasan ang mga komplikasyon. Agad na magbibigay ng intravenous antibiotics sa para labanan ang bacteriang nagsasanhi nito.
Posible rin na i-isolate ang pasyente upang hindi na kumalat pa ito sa iba.
Depende rin sa sintomas na nararamdaman ng bata, maaaring magbigay ng iba pang lunas at gamot ang mga doktor. Kung nahihirapang huminga ang pasyente, bibigyan siya ng oxygen. Kapag mababa naman ang blood pressure, posible rin siyang bigyan ng gamot para makontrol ito.
Sa oras naman na ang meningococcemia ay nagdulot na ng bleeding disorders sa pasyente ay kailangan ng sumailalim nito ng platelet replacement therapy.
Paano maiiwasan ang sakit na ito?
Para masigurong hindi mahahawaan ang mga tao sa paligid ng pasyenteng may meningococcemia, maari silang resetahan ng prophylactic antibiotics ng doktor bilang kanilang proteksyon mula sa sakit.
Bagama’t nakakatakot ang sakit na ito, tandaan na ang meningococcemia ay maiiwasan. At magagawa ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng proper hygiene at pagpapanatiling malinis ng iyong kapaligiran.
Ugaliing maghugas ng mga kamay, lalo na sa mga batang mahilig magsubo ng kanilang mga kamay at iba pang kagamitan. Hugasan rin nang maigi ang mga kagamitan sa inyong bahay para maiwasan ang pagkakalat ng mga bacteria.
Huwag ring lumapit sa mga taong may-sakit at kung ikaw naman ang may-sakit, ugaliing magtakip ng iyong ilong at bibig kapag uubo o babahing. Magsuot ng surgical mask lalo na kung mayroong bata sa inyong tahanan.
Makakatulong rin ang pagkain ng mga masusustansiyang pagkain, pag-eexercise, pagkaroon ng maayos na tulog at pahinga at para lumakas ang immune system at magkaroon ng sapat na resistensya laban sa sakit.
Kapag nabalitaan na may outbreak ng meningococcemia sa inyong lugar, iwasan ang paglabas at pagpunta sa matataong lugar, lalo na ang mga bata at sanggol na may mahinang immune system.
Tanungin rin ang iyong doktor o health center sa inyong barangay kung mayroong meningococcal vaccine na pwedeng ibigay sa bata para makaiwas sa sakit na ito.
Tandaan, ang meningococcemia ay isang seryosong sakit na kayang kumitil ng buhay ng isang tao sa loob ng ilang oras.
Kaya naman sa oras na nakaramdam ng sintomas ng meningococcemia, huwag nang magdalawang-isip. Agad na magpunta sa iyong doktor para matingnan at mabigyan ng kaukulang medikal na atensyon laban sa sakit.
Source:
Philippine News Agency, Healthline, Medicine Net, CDC, Emedicine Health
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.