14 na sintomas ng pulmonya sa bata na dapat mong bantayan

undefined

Maaring mapagkamalang karaniwang ubo't sipon, pero pulmonya na pala.

Mommies, dapat mong alamin dito ang mga sintomas ng pulmonya sa bata na dapat mong bantayan at obserbahan. Hindi biro ang pulmonya sa bata dahil kadalasan, napagkakamalan lamang itong simpleng ubo at sipon.

Isang dahilan kung bakit nahihirapan ang mga magulang kapag nagkakasakit ang kanilang anak ay dahil hindi pa sila gaanong nakakapagsabi ng kanilang nararamdaman. Minsan, hindi mo alam kung simpleng ubo’t sipon lang ba ang sakit niya o mas malubha na gaya ng pulmonya.

Pagdating sa mga respiratory infections ng bata, isa sa mga sakit na kinatatakutan ng mga magulang ay ang pulmonya. Mabilis kasi itong lumala at maaaring magdulot ng komplikasyon kapag hindi naagapan.

Subalit paano mo ba malalaman kung mayroong pulmonya ang iyong anak? Anu-ano ba ang mga sintomas ng pulmonya sa bata na dapat mong bantayan?

Tinanong namin si Dr. Romina Gerolaga, isang pediatrician at eksperto sa pediatric pulmonology sa Makati Medical Center, tungkol sa sakit na ito at kung ano ang mga senyales na may pulmonya ang bata.

sintomas ng pulmonya sa bata

Larawan mula sa Freepik

Ano ang pulmonya?

Ang pulmonya o pneumonia ay isang impeksyon sa baga na karaniwang sanhi ng virus, bacteria o fungi at nagdudulot ng pamamaga nito.

Ayon kay Dr. Gerolaga, kapag mayroong mikrobyo na nalanghap ang isang tao, nilalabanan ng katawan ito sa pamamagitan ng paglabas ng mga inflammatory cells (kaya namamaga). Ito ang dahilan kung bakit nagbabara o sumisikip ang daluyan ng hangin o airways.

“Ang lung tissue ay may laman na air sac. Kapag may mikrobyo, lalabanan ng katawan kaya namamaga. Dahil doon, puwedeng magkaroon ng bara at pamamaga (ang baga).” aniya.

Maaari ring magkaroon ng fluid (tubig o plema) ang loob ng air sacs. Paliwanag ng doktora, ang pamamaga o pagliit ng daluyan ng hangin ang dahilan kung bakit nahihirapan huminga ang taong may pulmonya. “Liliit ito, hindi makakapasok ng maayos ‘yong hangin kaya ‘yong ibang may pulmonya, nahihirapang huminga.”

Sa simula, maaaring mild lang ang sintomas ng pulmonya sa isang bata, at mapagkamalan pa ito bilang simpleng ubo at sipon lang. Subalit kung hindi maaagapan ito, maaari itong lumala at magdulot ng mga komplikasyon.

Nakakahawa ba ang pulmonya?

Ang viral at bacterial na uri ng pneumonia o pulmonya ay lubhang nakakahawa, dahil madaling kumalat ang virus at bacteria na sanhi nito. Maaari itong mapasa sa pamamagitan ng droplets mula sa taong may pneumonia na kumakalat sa hangin (kapag umubo o bumahing) o kaya naman sa pamamagitan ng skin-to-skin contact.

Ang pneumonia mula sa fungal infection ay hindi naman nakakahawa.

Mas mataas ang posibilidad na mahawa o magkaroon ng pneumonia ang isang bata kapag siya ay may:

  • mahinang immune system
  • karamdaman gaya ng asthma o cystic fibrosis
  • problema sa kaniyang baga o airways.

Kapag ang virus na may dalang pulmonya ay nakapasok na sa katawan ng batang may mahinang immune system, maaaring magkaroon na rin ng bacterial infection ang baga at maging mas malala ang kondisyon ng pulmonya.

Pulmonya sa bata

Ang pulmonya ay isang makapaminsalang impeksyon sa respiratory system, at tiyak na matatamaan nito ang baga. Binubuo ng maliliit na sacs na tinatawag na alveoli ang baga. Ang alveoli ay napupuno ng hangin kapag humihinga ang isang malusog na tao.

Kapag naman mayroong pulmonya sa bata, napupuno ang alveoli ng nana at fluid, na nagdudulot ng mahirap na paghinga at nalilimitahan ang intake ng oxygen.

Ang pulmonya sa bata ang nag-iisang pinakamalaking sanhi ng pagkamatay ng bata. Ayon sa World Health Org, humigit kumulang 700,000 bilang ng bata ang namatay dahil sa pulmonya.

Bagaman may nakakabahalang bilang ang naitala ng mga namatay dahil sa pulmonya sa bata, maaari pa ring maproteksyunan ang mga bata mula rito. Kailangan rin mabigyan sila ng gamot sa pulmonya sa bata. Maaari ring maiwasan ang pulmonya sa pamamagitan ng pag-alam ng mga sintomas at sanhi ng pulmonya sa bata.

sintomas ng pulmonya sa bata

Larawan mula sa Freepik

14 na sintomas ng pulmonya sa bata na dapat mong bantayan

Ayon kay Dr. Gerolaga, mayroong tatlong sintomas ng pneumonia o pulmonya sa bata na dapat mong bantayan sa iyong anak.

  • Lagnat na hindi nawawala

Sa mga simpleng viral infection gaya ng sipon at ubo, maaaring magkaroon ang bata ng lagnat. Karaniwan, tumatagal ito ng 2 hanggang 3 araw.

Subalit kung pabalik-balik ang lagnat ng bata o tumatagal ng higit 3 araw, maaaring senyales ito ng mas seryosong sakit gaya ng pulmonya.

  • Ubo na hindi nawawala at nagiging malubha

Isa sa mga sintomas na pinakamatagal mawala maging sa viral infection ay ang ubo. May mga kaso ng ubo na sanhi ng virus na nagtatagal ng mahigit 2 linggo.

Pero kung ang ubo ng iyong anak ay parang hindi bumubuti at sa halip ay lalong lumalala, maaaring sintomas na ito ng pulmonya.

Kapag pinakinggan ng doktor ang baga ng iyong anak gamit ang stethoscope, maaari siyang makarinig ng crackling sound.

  • Hingal

Isa sa mga pangunahing sintomas na dapat mong bantayan para malaman kung may pulmonya ang bata ay ang bilis ng kaniyang paghinga.

Kung malaki na ang iyong anak, masasabi nila kung hinihingal sila o nahihirapang huminga.

Pero para sa mga sanggol at maliliit na bata, maaari mong bilangin ang kanilang paghinga (pagtaas-baba ng kanilang tiyan) at alamin kung nasa normal na bilang lang ito.

Subalit kung nalilito ka sa paraang ito, puwede mo na lang pansinin kung ang paghinga ba ng iyong anak ay mas mabilis kaysa sa nakasanayan (tulad ng napapansin mo kapag pinapanood mo siyang matulog).

“Kung hindi ka sigurado sa bilang mo, tingnan na lang kung ang paghinga ng bata ay the usual na nakikita mo,” ani Dr. Gerolaga.

Maaari mo mo ring pansinin ang retractions ng bata o ang lalim ng kaniyang paghinga. Dagdag pa ni Doc,

“Ang importante talaga is tingnan kung hingal o hirap sa paghinga, at lagnat at ubong hindi nawawala.” ani Dr. Gerolaga. “Kasi kung virus lang ito, dapat hindi siya hingal o kaya naman ay hindi nagpapatuloy ang sakit ng matagal.” 

Kung virus ang sanhi ng pulmonya, karaniwang nagsisimula ng banayad lang ang mga sintomas na parang trangkaso, pero lumalala habang tumatagal. Pero kung bacterial pneumonia ito, agad nagkakaroon ang bata ng mataas na lagnat, ubo at mabilis na paghinga kaya importante na maagapan ito agad.

Maaari ring pansinin kung lumalaki ang butas ng ilong ng bata kapag humihinga o kaya ay nag-iiba ang kulay ng kaniyang mga labi o kuko dahil sa kakulangan ng oxygen. Ito ang maaaring maging sintomas din ng pulmonya sa bata.

Bakit parang wala namang sakit ang anak ko?

Mayroon ding mga pagkakataon na hindi lumalabas lahat ng sintomas ng pulmonya sa bata at parang wala naman siyang sakit. Tinatawag rin itong walking pneumonia.

“Kaya tinatawag na walking pneumonia kasi ang bata ay inuubo lang, o kung may lagnat man, low-grade fever. Pero nakikipaglaro, hindi naman hingal. Pero kapag na-x-ray, makikita na may pneumonia.” paliwanag ni Dr. Gerolaga.

Kung hindi matamlay at parang walang sakit ang iyong anak maliban sa pag-ubo, maaaring mayroon siyang walking pneumonia. Subalit ito ay isa pa ring uri ng bacterial pneumonia at kailangang gamutin sa pamamagitan ng antibiotic.

“Nevertheless, ang mga batang may walking pneumonia, may kaakibat na antibiotic para diyan,” ani Dr. Gerolaga.

Iba pang mga sintomas ng pulmonya sa bata

Dahil ang pulmonya ay matinding sakit na nagdudulot ng impeksyon sa baga ng bata, madalas na ipagkibit balikat ang simpleng sipon, lagnat, at ubo bilang mga karaniwang sintomas ng trangkaso.

Ngunit, may mga sintomas ng pulmonya sa bata ang katulad nito. Mas delikado kung hindi mapapansin kaagad ang mga senyales at sintomas na ito ng hindi binibigyan ng gamot sa pulmonya ng bata.

Narito ang ilan pang mga sintomas ng pulmonya sa bata na dapat nating malaman:

  • pagkakaroon ng lagnat
  • pag-ubo
  • panlalamig o chills
  • mabilis na paghinga
  • paghinga na may kasamang wheezing o singhal
  • nahihirapan sa paghinga
  • pagsusuka
  • pananakit ng dibdib
  • pananakit ng tiyan
  • nagiging matamlay
  • pagkawala ng appetite (sa mas may edad na bata) at poor feeding  (sa baby)

Kapag naobserbahan ang inyong anak na may dalawa o higit pang kombinasyon ng mga sintomas na ito ng pulmonya sa bata, huwag mag-atubiling pumunta sa doktor para makita ang pinanggagalingan ng mga senyales na ito.

Sanhi ng pulmonya sa bata

Ang mga virus, tulad ng flu o respiratory syncytial virus (RSV), ang karaniwang nagiging sanhi ng pulmonya sa bata. Dagdag pa, ang mga bata na may pulmonya na may sanhi na virus ay karaniwang nagkakaroon ng mga sintomas nito. Lumilitaw ang mga sintomas na ito sa maikling panahon at mas mild kumpara sa ibang edad.

Sa ibang pagkakataon naman, maaari ring maging sanhi ng pulmonya sa bata ang bacteria. Kapag nangyari ito, mas magiging masakitin ang bata sa mabilis na pagkakataon. Nagsisimula ito sa mga sintoams tulad ng biglang pagkakaroon ng mataas na lagnat, pag-uubo, at minsan, ay pagkahingal.

Ang iba pang tipo ng pulmonya sa bata na may sanhi na bacteria ay pneumococcal pneumonia, mycoplasma pneumonia o walking pneuomonia at pertussis o whooping cough.

Gamot sa pulmonya ng bata

Paalala ng doktora, mas mabuting maagapan ang pneumonia kapag nagsimula ito para hindi na umabot sa mga komplikasyon na maaaring maging delikado sa kalusugan ng iyong anak. Pahayag niya,

“Dapat tandaan na ang pulmonya, may komplikasyon ‘yan. Kung napabayaan, puwedeng magkaroon ng tubig sa baga. Kaya kung matagal ang ubo at hindi gumagaling sa karaniwang gamot na rekomendasyon ng doktor, pinapa-x-ray.”

Kapag kumonsulta sa pediatrician ng iyong anak, maaari siyang magbigay ng lunas at gamot depende sa kung gaano katindi ang mga sintomas ng pulmonya sa bata.

Kung virus lang ang sanhi ng pneumonia, hindi naman kailangan ng gamot, bagamat kailangan pa ring makita ng doktor upang maagapan ang paglala ng sakit, lalo na kung nahihirapang huminga ang bata.

Kung bacterial pneumonia naman, magrereseta ang doktor ng antibiotics. Dapat tapusin ang nireseta ng iyong pediatrician o pulmonologist para maiwasang bumalik ang impeksyon. Depende sa sintomas kung kailangang obserbahan ang bata sa ospital o puwedeng magpagaling sa bahay.

Gamot at mga pwedeng gawin bilang lunas sa pulmonya sa bata

Narito ang ilan sa mga pwedeng gawin maliban sa pag-inom ng gamot para malunasan ang pulmonya sa bata:

  • pagpapahinga ng mabuti
  • pag-inom ng maraming fluids, lalo na ang tubig at natural fruit juice
  • paglalagay ng cool mist humidifier sa kwarto ng bata
  • acetaminophen para sa discomfort at lagnat ng bata
  • gamot na para sa ubo

Tiyakin munang safe na painumin ng gamot sa pulmonya sa bata ang inyong anak at magpakonsulta muna sa doktor.

 

Mga paraan para maiwasan sa pneumonia

Ayon sa rekomendasyon ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC), dapat mabigyan ng pneumonia vaccine ang mga sanggol (2 buwan pataas), mga bata at matatandang may edad na 65 pataas.

Narito pa ang ilang paraan para makaiwas sa pulmonya ang iyong anak:

  • Ugaliing maghugas ng kamay, at turuan din ang iyong anak ng tamang paraan ng paghuhugas ng kamay.
  • Palakasin ang immune system – ugaliing kumain nang tama, uminom ng maraming tubig at mag-ehersisyo
  • Huwag ilapit ang iyong mga anak sa mga taong may sakit upang hindi sila mahawa. Kung ikaw naman ang may sakit at kailangan mo silang lapitan, magsuot ng face mask.
  • Huwag magdalawang-isip na dalhin ang iyong anak sa ospital kung may napapansing kakaiba sa kanilang paghinga o kaya kapag hindi gumagaling ang kanilang lagnat.

Laging magtanong sa doktor at kung nangangambang may mga sintomas na ng pulmonya sa bata ang inyong anak, magpa-check na upang maiwasan ang paglala pa ng sakit.

 

Karagdagang ulat mula kay Nathanielle Torre

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!