Akala mo ay magaling ka na pero hindi pa pala? Narito ang mga kailangan mong malaman tungkol sa sintomas ng binat sa trangkaso.
Naranasan mo na bang mabinat dahil sa trangkaso? ‘Yong akala mong magaling ka na pero hindi pa pala. Maaaring sintomas na iyan ng binat sa trangkaso.
Mahirap magkasakit, lalo na kapag isa ka nang magulang. Gusto mong gumaling agad para maalagaan mo na ang iyong mga anak. At gustuhin mo mang magpahinga, minsan ay tila imposible ito dahil sinong mag-aasikaso sa mga bata?
Pero alam mo ba na mahalagang alagaan mo ang iyong sarili lalo na kapag mayroon kang sakit? Para gumaling ka agad at hindi na makaranas ng binat.
Ano ang binat?
Ang binat 0 bughat, o sa ingles ay “relapse” ay isang medikal na kondisyon kung saan hindi ka pa rin tuluyan gumaling sa iyong sakit. Kadalasan itong nangyayari kapag ikaw ay nagpapagaling o nasa iyong recovery period.
Puwede ring dumapo ito bilang isa sa alinman o kombinasyon ng pagsakit ng ulo, pananakit ng katawan, lagnat, at iba pa.
Maaaring nawala na ang mga sintomas ng sakit at pagkatapos ng ilang araw ay bigla na lamang bumabalik ka ulit sa iyong pagkakasakit.
Larawan mula sa Pexels
Ano nga ba ang mga klase ng binat? Ang binat ang maaaring mangyari sa:
1. Karaniwang may sakit
Ang isang taong may sakit na hindi nakapagpagaling ng maigi ay maaaring makaranas ng binat. Kapag napuwersa ang katawan at hindi nabigyan ng pagkakataong maibalik ang lakas, maaring kang magkaroon ng senyales ng binat.
Maaari itong maranasan ng mga taong sumailalaim sa surgery o operasyon at kalalabas lang ng ospital, o maging mga sakit na nagagamot sa bahay tulad ng flu o trangkaso.
2. Bagong panganak
Ang mga nanay na bagong panganak ay maaari ring makaranas ng binat. Ang panganganak (lalo na kung cesarean delivery) ay isang major na operasyon kung kaya kinakailangan ng labis na pahinga upang maghilom ang mga sugat at manumbalik ang lakas nito. Dahil sa pwersa ng operasyon, maaring hindi maka-recover agad ang bagong kapapanganak at magdulot ng binat.
Mga sanhi ng pagkabinat
Gumaling ka na pero may sakit ka na naman?
Ang binat sa lagnat o trangkaso ay sanhi ng pagkakapuwersa ng katawan mula sa iyong pagkilos o paggalaw ng higit pa sa kayang gawin. Ang pangunahing sanhi talaga nito ay kapag hindi pa tuluyang nakaka-recover ang iyong katawan mula sa iyong pagkakasakit.
Pero bakit ka nga ba mabibinat mula sa pagkakatoon ng trangkaso? Narito ang ilang posibleng dahilan:
Ang pagpapagod habang may sakit ay isang malaking dahilan ng iyong binat. Ito ay dahil sa hindi nabibigyan ang katawan ng sapat na pagkakataon upang makapagpahinga.
Ang natitirang lakas sa katawan ay labis na nagagamit kung kaya hindi nito nabibigyan ng pagkakataon na makapag-recharge.
Hindi lang pisikal na pagpapagod ang maaaring maging sanhi ng binat. Ang emotional o mental stress din ay maaari maka-binat sa isang taong nagpapagaling sa sakit.
Kapag hindi lubos na nakapagpapahinga ang isip, lumilikha ang katawan ng stress hormones na nakaka-apekto sa ating kalusugan.
Larawan mula sa iStock
Ang kakulangan ng nutrisyon ay isa ring dahilan ng binat. Hindi nabibigyan ng sapat na sustansya ang katawan na tutulong sa pagpapanumbalik ng lakas at kalusugan ng ating katawan. Ang sapat na sustansya rin ang nagpoprotekta sa katawan laban sa maaaring maging komplikasyon ng sakit.
Kapag ang isang taong nagpapagaling sa sakit ay walang sapat na tulog, malaki ang posibilidad na siya ay mabinat dahil sa puyat. Sa pamamagitan kasi ng tulog at pahinga, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga tissues ng ating katawan na maghilom at maayos. Ang pagpupuyat ay kakulangan din sa pagkakataon na maisa-ayos ang kalusugan.
7 mga sintomas ng binat mula sa trangkaso
Taliwas sa akala ng iba na hindi ito seryoso at kusang gagaling lamang, kailangan pa ring bigyan ng pansin kapag nakaranas ng binat ang isang tao. Ito ay dahil maaaring hindi lang ito basta-bastang pananakit ng katawan kundi komplikasyon na pala ng naunang sakit.
Pagkatapos magkaroon ng trangkaso, posibleng sumunod ang mga mild infections gaya ng sinusitis at ear infections. Pero ang mga sakit na bronchitis at myocarditis ay mga seryosong komplikasyon naman na mula rin sa karaniwang trangkaso.
Kaya naman dapat ay bantayan at bigyang-pansin pa rin ang mga sintomas ng binat sa trangkaso. Narito ang ilang sa kanila:
1. Panlalamig
Isa sa mga bagay na madalas mong mapansin sa mga taong tinatrangkaso ay parang nilalamig sila at balot na balot ng kumot ang mga katawan.
Ang pagkakaroon ng chills o panlalamig ay paraan ng katawan upang itaas ang pangunahing temperatura ng ating katawan. Samantala, ang mga malamig na temperatura, mga virus, impeksyon at iba pang mga sakit ay maaaring magdulot ng panginginig at panlalamig. Ang panlalamig ng katawan at lagnat ay madalas na magkakasama.
2. Pananakit ng katawan
Ang pananakit ng katawan ay maaaring tanda ng infection o iba pang karamdaman. Nangyayari rin ang sakit ng katawan kapag nasaktan ang iyong mga kalamnan, litid, kasukasuan, at iba pang mga nag-uugnay na body tissues. Maaari ka ring magkaroon ng kirot sa iyong fascia, ang malambot na tissue sa pagitan ng iyong mga kalamnan, buto, at organs.
3. Pananakit ng ulo
Ang sakit ng ulo ay isang pangunahing sintomas ng trangkaso. Ito ay maaaring mangyari sa isa o magkabilang panig ng ating ulo. Maaari kang makaramdam ng banayad na sakit, pumipigting sakit o matindi at tumutusok na sakit sa iyong ulo.
4. Lagnat
Ang lagnat ay isang malawak na kondisyon na naglalarawan sa pagtaas o pag-init ng temperatura ng katawan. Ito ay isang tanda ng likas na paglaban sa impeksyon ng iyong katawan. Para sa mga matatanda, maaari kang magkalagnat kapag ang iyong temperatura ay 37.8 degrees Celsius pataas.
5. Pagod o panghihina
Ang pagod o panghihina ay isa rin sa mga sintomas ng binat sa trangkaso. Ang iyong immune system ay abala sa paglaban sa impeksyon na mayroon ka, at nakikipaglaban din ito laban sa anumang mga bagong potensyal na karamdaman. Senyales din ito na hindi ka pa lubusang magaling at nangangailangan ng sapat na pahinga.
6. Pagpapawis
Kadalasan kapag ikaw ay may sakit, ang thermostat ng iyong katawan ay tumaas ng ilang degrees. Manlalamig ka at magkakaroon ng panginginig habang sinusubukan ng iyong katawan na labanan ang bakterya at impeksyon. Matapos ang iyong lagnat at ang iyong thermostat ay bumalik sa normal, ikaw ay maiinitan at magsisimula nang pawisan.
Ang dehydration ay nangangahulugang ang iyong katawan ay nawawalan ng tubig. Kung hindi ito malulunasan agad, maaari itong lumala at maging isang seryosong problema. Isa rin itong sa mga sintomas na mararamdaman kapag ikaw ay may binat.
Iba pang mga sintomas ng binat
Halimbawa, gumaling ka na o nasa recovery period ka na ng isang sakit pero pagkagising mo ay biglang sumakit ang iyong ulo. Ito ay maaaring isa sa mga sintomas ng tinatawag na binat, maaaring galing sa lagnat, o sakit sa ngipin.
Tulad sa sintomas ng binat sa trangkaso, may iba pang sakit na kung saan posibleng magkaroon ng sintomas ng binat.
Kadalasan, ang iba pang mga sintomas ng binat ay maaaring maramdaman bilang:
- pananakit ng ulo
- lagnat
- pagsakit ng katawan
Sintomas ng binat sa lagnat
Maaaring naranasan mo na ng ilang beses ang binat sa lagnat. Ito ang sinasabi sa ating mga Pilipino na kapag tayo ay may lagnat, pinagpapahinga ka lamang upang hindi magkaroon ng binat.
Kapag may lagnat ang isang tao, may mga sintomas ng binat sa lagnat na maaring mangyari. Ang mga sintomas na ito ay indikasyon ng ating compromised immune system. Puwede ring kombinasyon ito ng mga salik na internal at environmental.
Sa pag-recover galing sa lagnat, mainam na i-check lagi ang body temperature gamit ang thermometer. Ang pagtaas ng body temp sa normal temperature na 37 degrees Celsius ay maaaring sintomas ng binat sa lagnat.
Narito ang iba pang sintomas ng binat sa lagnat:
- pagsakit ng katawan
- panlalamig o chills
- pagpapawis
- dehydration
- pagiging iritable
Sintomas ng binat sa ngipin
Kapag ang isang tao ay nakakaranas ng pananakit ng ngipin, o matapos mabunutan ng ngipin, hindi maiiwasan ang lagnatin. Ito ay bunga ng paglaban ng immune system sa impeksyon o pagbabago sa ating katawan.
Kasabay ng lagnat dulot ng sakit ng ngipin, ay ang posibleng sintomas ng binat sa ngipin.
Ilan sa mga sintomas ng binat sa ngipin na kailangan ikonsulta sa dentista pagkatapos mabunutan o kapag sumasakit ang ngipin ay ang mga sumusunod:
- lagnat, panlalamig o panginginig, at iba pang sintomas ng impeksyon
- pagkahilo at pagsusuka
- pamumula, pamamaga, at sobrang pagdurugo sa masakit na bahagi
- pag-uubo, pagkahingal, at paninikip ng dibdib
Paano maiiwasan ang binat?
Ano ano nga ba ang dapat mong gawin upang maiwasan ang sintomas ng binat sa trangkaso? Narito ang mga sumusunod,
Habang ikaw ay nagpapagaling sa iyong sakit, siguruhin na kumakain ka ng masusustansyang pagkain. Maraming pagkain ang nagbibigay ng benepisyo sa ating katawan.
Ang ilan sa mga pagkaing ito ay maaaring makatulong sa pagpapalakas ng iyong katawan, maging hydrated at makaiwas sa iba pang impeksyon na dulot ng binat.
Marahil kapag ikaw ay may trangkaso, nakakawala ng gana kumain. Dahil dito, kailangan pilitin na kumain kahit kaunti dahil ang pagkain ein ang isa sa pinagkukunan ng ating lakas.
Huwag ding kalimutang uminom ng maraming tubig upang maiwasan ang dehydration at mapabilis ang paglabas ng mga toxins sa katawan.
“Huwag ka munang magkikikilos, baka mabinat ka!”
Madalas nating marinig ang paalalang ‘yan mula sa matatanda. Ito ay dahil ang pagpapagod ay maaari lamang makalala sa iyong sakit. Mas mahihirapan na maka recover ang isang tao dahil wala silang kakayanan dulot ng matinding pagod. Maaari lamang kumilos o magtrabaho ulit kapag gumaling na sa sakit.
Ito ang dahilan kung bakit bawal rin agad sumabak sa pag-eehersisyo ang isang taong kagagaling lang sa sakit.
Kung sa tingin mo ay maayos na iyong lagay, maglaan ng isang araw upang obserbahan ang inyong katawan at kakayahan na kumilos. Magdahan-dahan mula ng ilang araw, wala namang mawawala kung mag-iingat ka.
Ang pagtulog kapag may sakit ka ay mahalaga para sa iyong paggaling. Ang pagkakaroon ng sapat na pahinga ay nakakatulong upang mapalakas ang iyong immune system.
Maaari mong labanan ang iyong sakit nang mas epektibo. Ang hindi pagtulog nang maayos ay isa rin sa sanhi kung bakit napapagod ang ating mga katawan.
Alam ng iyong katawan kung ano ang kailangan nito, kaya huwag mag-alala kung nakita mo ang iyong sarili na natutulog nang marami kapag may sakit ka, lalo na sa mga unang araw.
Maaaring uminom ng gamot na para sa lagnat o pain reliever kung kinakailangan. Mayroong mga mabibiling gamot sa mga malalapit na pharmacy at tindahan tulad ng mga paracetamol.
Pero bago uminom ng ibang gamot, siguruhin munang kumonsulta sa iyong doktor upang maiwasan ang iba pang komplikasyon.
Tandaan, ang sintomas ng binat ay dapat siniseryoso upang magtuluy-tuloy na ang paggaling at makaiwas sa mas malalang komplikasyon. Maaring magpakonsulta na sa iyong doktor kung matagal mo nang nararamdaman ang sintomas nito.
Kapag nakaranas ng binat pagkagaling sa isang sakit, makakaramdam ka ng sobrang panghihina ng katawan. Pinakahamalagang dapat gawin kapag nakaranas ng mga sintomas ng binat ay ipahinga ang sarili at uminom ng maraming tubig.
Dagdag pa, kailangan ding mag-isolate kapag nakaranas ng binat at mga sintomas nito, para panatilihing hindi mahahawa ang mga kasama sa bahay. Maaari ding agapan ito ng mga gamot sa binat at ilang mga home remedy.
Narito ang ilang gamot sa binat at home remedy na maaari mong gawin:
- Mag-adapt ng soft food na diet
- mag-suot ng komportableng damit para maiwasan ang panlalamig o chills
- kung advisable, uminom ng paracetamol para maibsan ang mga sintomas ng binat
- maglagay ng medyo basang tuwalya sa iyong noo
- iwasan muna ang sobrang pagbubuhat at paggalaw
Kung sa tingin mo ay hindi pa rin epektibo ang mga gamot sa binat at home remedy na ito, pumunta na agad sa doktor para malaman ang sanhi ng binat.
Karagdagang ulat mula kay Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!