8 sintomas ng sakit sa puso at mga dapat gawin para maiwasan ang sakit na ito
Kinakailangan ng matinding pag-aalaga para mapanatili na safe ang ating katawan, isa na diyan na kailangang tutukan ay ang anumang sintomas ng sakit sa puso.
Nakakaramdam ng hingal at matagal na ubo? Alam mo ba na ito ay maaring sintomas ng sakit sa puso o heart disease? Anu-ano pa ba ang ibang sintomas ng sakit na ito at kailan ba dapat na kumonsulta sa doktor?
Talaan ng Nilalaman
Ano ang sintomas ng sakit sa puso? Alamin dito!
Sa ating pagtanda, rito na paunti-unting nagsisilabasan ang mga sakit na maaaring makapagpabago sa ating buhay. Kinakailangan ng matinding pag-aalaga para mapanatiling ligtas ang ating katawan sa anumang seryosong komplikasiyon. Isa sa mga kailangang bantayan ang anumang sintomas ng sakit sa puso.
Paano mo malalaman kung mayroon kang problema sa puso? Hindi ito tungkol sa love life kundi sa bahagi ng katawan na nagsu-supply ng dugo at oxygen para mabuhay tayo.
Sa kasamaang palad, hindi lahat ng sakit sa puso ay nagbibigay ng malinaw na warning signs. Hindi ito tulad ng napapanood mo sa pelikula kung saan sisikip ang iyong dibdib at hihimatayin ka na lang bigla. Kadalasan, kapag ganito na ang ipinapakitang sintomas, maaring malala na ang iyong karamdaman. Kaya hindi talaga madaling malaman kung kailan nagsisimula ang sakit sa puso.
Kadalasan ang mga sintomas ng hypertension o altapresyon ang matutukoy na maagang senyales ng sakit sa puso. Pero ano ba ang kinalaman nito?
Hypertension at sakit sa puso
Ang high blood pressure o hypertension ay ang masyadong mabilis na pagdaloy ng dugo sa iyong blood vessels. Sa pamamagitan ng isang device, maari mong malaman kung ako ang iyong blood pressure. Kapag umabot ito ng 140/90, masasabing ikaw ay may altapresyon o hypertensive.
Masyadong mapaglaro ang high blood o hypertension dahil kadalasan, walang nakikitang sintomas ang mga taong mayroon nito. Kaya naman tinatawag ang sakit na ito na “silent killer.”
Ayon kay Dr. Eduardo Tin Hay, isang cardiologist at eksperto sa internal medicine, 50 porsyento ng mga taong may hypertension ay nagkakaroon ng sakit sa puso. At sa bawat taas ng blood pressure, tumataas ang posibilidad na maging nakamamatay ang sakit na ito.
Dagdag ni Dr. Tin Hay, karamihan sa mga taong may high blood pressure ay asymptomatic o walang nararamdamang sintomas. Kadalasan, kapag nakaramdam sila ng sintomas, posibleng malala na ito.
Narito ang ilang sintomas ng hypertension na dapat mong bantayan:
- Panlalabo ng mata
- Pananakit ng ulo
- Pananakit ng batok
- Mabilis na tibok ng puso
- Pananakit ng dibdib
- Hirap sa paghinga
- Pagkabalisa
8 sintomas na maaaring dulot na pala ng sakit sa puso
Kagaya ng hypertension, hindi rin madaling matukoy kung ang isang tao ay may sakit sa puso. Kaya naman mas mabuting magpatingin na sa doktor kapag nararanasan ang mga sumusunod na sintomas sa pagkakaroon ng heart disease.
1. Sintomas ng sakit sa puso: Pagkahilo
Isa sa maaaring maranasan at posibleng sintomas ng sakit sa puso ay ang pagkahilo. Ito ay nangyayari kapag bigla mo na lang mararamdaman na umiikot ang iyong paligid at samahan pa ng paninikip ng dibdib o hirap sa paghinga.
Maraming posibleng dahilan ang pagkahilo, kaya naman mas mabuting kumonsulta sa doktor kapag naranasan mo ito.
2. Paninikit ng dibdib o discomfort: Karaniwang sintomas ng sakit sa puso
Ayon kay Dr. Charles Chambers ng Penn State Hershey Heart and Vascular Institute, iba-iba ang nararanasang discomfort ng mga taong may sakit sa puso. Pwedeng naninikip ang dibdib o parang mabigat ang pakiramdam nito.
“Some people say it’s like an elephant is sitting on them. Other people say it’s like a pinching or burning.”
Ang pananakit ng dibdib ay pangunahing senyales ng sakit sa puso. Tumatagal ito ng ilang minuto hanggang sa mawala. Maaaring mong maranasan kapag gumagalaw o nagpapahinga.
3. Ang pananakit ay umaabot sa kamay
Dagdag ni Dr. Chamber, una itong nagsisimula sa dibdib at tutungo na kung saan-saan. May mga pasyenteng nakakaranas ng pananakit din ng kanilang braso o kamay.
“But I have had some patients who have mainly arm pain that turned out to be heart attacks.”
4. Matagal na ubo posibleng sintomas ng sakit sa puso
Kadalasan, hindi naman senyales ng seryosong komplikasyon sa puso ang matagal na ubo. Maari kasing dulot lang ito ng isang viral infection na hindi naagapan.
Subalit kung alam mong ikaw ay high-risk, bantayan ang matagal na ubong bumabagabag sa’yo. Maaaring senyales ng sakit sa puso ang iyong ubo kapag mayroon kang inilalabas na plema na kulay puti o pink.
5. Paghihilik o sleep apnea maaaring sintomas na ng sakit sa puso
Pamilyar ba ang sleep apnea sa’yo? Isa itong kondisyon kung saan ibang klase ang hilik ng isang tao. Ang hilik ay tila nabibilaukan o nawawalan ng hininga.
May pagkakataon pa na kusang titigil ang hininga dahil sa kondisyon na ito. Kung pansin mong ganito humilik ang iyong asawa, magpasuri agad sa doktor.
6. Pananakit ng tiyan, indigestion o nausea
Ayon kay Dr. Chamber, may ibang tao na nakakaranas nito kapag sila ay inaatake sa puso. Kadalasang mga babae ang nakakaramdam nito. Kaya naman kung alam mong ikaw ay high-risk na magkaroon ng sakit sa puso, ‘wag mag dalawang isip na magpatingin sa doktor.
7. Mabilis kang mapagod
Kung nakakaramdam ka ng pagod matapos mag-ehersisyo o gumawa ng isang physical activity, walang dapat ikabahala. Subalit kung wala ka naman ginagawang nakakapagod pero napapagod ka pa rin, dapat mong bantayan ang sintomas na ito, lalo na kung tumatagal na ito ng ilang araw.
Ayon kay Dr. Vincent Bufalino, spokesperson ng American Heart Association, “These types of significant changes are more important to us than every little ache and pain you might be feeling,”
Nangyayari ito kapag mabilis ka nang mapagod sa gawain na dati ay madali lamang para sa’yo. Magpatingin agad sa doktor kung nararanasan ang mga sintomas na ito.
8. Biglaang pagpapawis
Isang sintomas ng sakit sa puso ay kapag bigla ka na lang pinagpawisan ng malamig ng walang dahilan. Tumawag agad ng tutulong sa’yo at magpadala sa ospital.
Sino ang mga dapat magpatingin sa doktor?
Hindi biro ang magkaroon ng sakit sa puso. Kaya naman agad na kumonsulta sa isang cardiologist kung nakakaramdam ka ng mga nabanggit na sintomas.
Bukod sa mga taong may hypertension, mas mataas rin ang posibilidad na magkaroon ng ganitong karamdaman ang mga taong:
- edad 60 pataas
- may family history ng sakit sa puso
- may diabetes
- overweight o mataas ang timbang
- walang sapat na physical activity
- may bisyo tulad ng paninigarilyo at pag-inom ng alak
- laging stressed
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa high blood pressure at sakit sa puso, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong doktor.
Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng sakit sa puso
Silent killer o World’s biggest killer nga kung tawagin ang sakit sa puso. Malaki ang trabahong ibinibigay ng puso sa ating kalusugan, 24-oras ang pagtatrabahong ginagawa nito. Kaya’t nararapat ang tamang pag-aalaga rito. Walang pinipiling kasarian at edad ang heart disease. Malaki ang panganib o peligrong dala nito kung hindi ito maaagapan o maiiwasan man lang.
Kaya naman, narito ang mga paraan kung paano maiiwasan ang sakit sa puso.
1. Paggawa ng diet plan.
Ang paggawa ng diet plan ay mainam upang malaman ang mga pagkaing dapat kainin. Piliin ang mga prutas at gulay na mayaman sa bitamina at mineral. Ganoon din ang mga pagkain na kayang kontrolin ang presyon ng dugo, tulad ng mga leafy veggies, avocado, whole grains, saging, kamote, kalabasa at maraming pang iba.
2. Paglilimita sa sarili sa mga pagkaing may saturated fats o hindi masusustansiyang taba.
Tumataas ang lebel ng pagkakaroon ng sakit sa puso kung madalas din ang pagkonsumo ng pagkaing mayroong saturated fats, dahil ang mga bad cholesterol sa katawan ay bumabara sa ating mga ugat. Kaya’t maganda rin ang pagsangguni sa mga doktor upang makita at masuri ang level ng cholesterol sa katawan.
3. Bawasan ang pagkain ng matatamis at maaalat na pagkain at inumin.
Ang labis na pagkonsumo ng matatamis at maaalat na pagkain at inumin ay nagdudulot ng mataas na blood pressure at high blood sugar levels, na maaaring magresulta sa pagtaas ng tsansa ng pagkakaroon ng sakit sa puso. Mahalaga ang pagkontrol sa intake ng mga ito upang mapanatiling malusog ang puso.
4. Mag-ehersisyo.
Ang pag-eehersisyo sa isang araw mula 3 hanggang 4 na beses ay may mahalagang papel upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit sa puso, nadadagdagan niyo ang produksyon ng enerhiya ng katawan, name-maintain ang maayos at balanseng timbang at nababawasan ang tsansa ng pagkakaroon ng sakit sa puso. Importante ang pagiging physically active ng katawan para makadaloy nang maayos ang dugo.
5. Iwasan ang paninigarilyo.
Ang paninigarilyo ay nagdudulot ng masamang epekto sa kalusugan ng puso. Ang mga kemikal na nasa sigarilyo ay maaaring magdulot ng pagkasira sa mga blood vessels at pagpapataas ng blood pressure.
6. Panatilihin ang malusog na timbang.
Ang sobrang timbang o obesity ay isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng sakit sa puso. Ang pagpapanatili ng tamang timbang ay nakakatulong upang mabawasan ang stress sa puso at maiwasan ang mga kondisyon na nagdudulot ng heart disease, tulad ng high blood pressure at diabetes.
7. Gawing abala at stress-free ang utak at katawan.
Ang stress ay may kakayahan na pataasin ang adrenaline sa ating katawan na magiging dahilan ng pagkapagod ng ating puso. Maging abala sa i-tuon ang focus sa mga bagay na mag-iiwas sayo sa stress, tulad ng pagkakaroon ng mga hobbies, meditation, at pagkakaroon ng quality time kasama ang pamilya at mga kaibigan.
8. Maayos na sleeping habits at sleeping schedule.
Hindi lang katawan ang makapagpapahinga kung maayos ang sleeping habits at schedule, kundi maging ang puso. Hindi lamang ito ang benepisyong tulong ng maayos na pagpapahinga, kundi natutulungan at napoprotektahan din ang cells ng ating katawan.
9. Pagkonsulta sa doktor.
Hindi biro ang pagkakaroon ng sakit sa puso. Kaya’t mas maganda ang pagsangguni sa doktor upang mabigyan ng rekomendasyon sa tamang paggawa ng diet plan, mga tips sa pag-ehersisyo, at mga gamot na mainam na inumin sa pag-iwas dito.
Gamot at halamang herbal para sa heart disease
Bukod sa tamang disiplina, mayroong gamot na nirereseta at ibinibigay ng mga doktor sa iba’t ibang klase ng sakit sa puso at depende sa sitwasyon at nararamdaman.
Ilan sa mga yan ay ang mga sumusunod:
- Aspirin upang hindi mamuo at magsanhi ng pagkabara ng dugo.
- Beta blockers
- Cholesterol medicine
- Para sa pag-iwas sa pananakit o paninikip ng dibidb, nirereseta ng mga doktor ang anti-anginal medicines.
- Clopidogel at Prasugrel para sa sa anti-platelet.
- Bilang alternatibong medisina, pinapayo din ng mga doktor ang pagkakaroon ng counterpulsation at occupational therapy para sa maayos na pamamahala sa sakit sa puso.
Ilan lamang iyan sa mga gamot na maaaring irekomenda ng doktor matapos ang kanilang pagsusuri. Kung ang sakit sa puso ay sadyang malubha na, maaaring sumailalim ang pasyente sa isang operasyon o pamamaraang medikal.
Herbal na gamot para sa sakit sa puso
Mayroong mga alternatibong panlunas din ang maaaring makatulong sa paggamot ng sakit sa puso. Pero tandaan na ang mga ito ay makatutulong lamang para maiwasan ang sakit sa puso at hindi ito gamot na clinically tested at may sapat na ebidensya na nakagagaling nga ng sakit sa puso.
-
Bawang
Nakatutulong sa pagbaba ng kolesterol at blood pressure. Pinatataas din nito ang blood antioxidant potential ng katawan. Maaaring prituhin at durugin ang dalawa hanggang tatlong pirasong bawang bago ito kainin.
-
Tanglad
Mayaman ang tanglad sa Vitamins C at A, sa calcium, potassium, vitamin B at iron. Ang pag-inom ng pinakuluang tanglad ay makapipigil sa mga bad cholesterol sa pagbabara sa mga daluyan ng dugo.
-
Serpentina
Mainam ito sa panlabas sa mga dugong bumabara sa ugat-ugat at muscles ng puso. Nakatutulong din ito sa paglilinis ng ating dugo laban sa pagkalason nito, at higit sa lahat, nakokontrol nito ang presyon ng dugo para makaiwas sa mga atake sa puso at stroke.
Karagdagang ulat mula kay Jasmin Polmo at Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.