Karaniwan na nagkakaroon ng urinary tract infection ang mga babae. Ngunit ano nga ba ang sintomas ng UTI sa lalaki? Nagkakaroon nga ba sila nito?
Sintomas ng UTI sa lalaki
Ang urinary tract ay binubuo ng kidneys, ureters, bladder at urethra—lahat ng may kinalaman sa pag-ihi. Ang urinary tract infection (UTI) ay impeksiyon sanhi ng mga napakaliliit na microbes, na naapektuhan ng bacteria, fungi at viruses. Ang UTI ang pinakakaraniwang impeksiyon na nakakaapekto sa mga tao, ayon kay Dr. Carlo Palarca, isang internist.
Karaniwang dinadale ng impeksyon ang urethra at bladder na nasa lower tract, pero alinman sa mga bahagi ng urinary tract ay puwede ring maapektuhan. Bihirang maimpeksiyon ang kidney at ureter na nasa upper tract, pero kapag ito ang inabot ng UTI, mas malala ang kondisyon, paliwanag ni Dr. Palarca.
Ayon sa mga pag-aaral, ang UTI ay mas karaniwang nakakaapekto sa mga babae kaysa sa mga lalaki: sa bawat 8 babaeng may UTI ay isang lalaki lang ang nagkakaro’n. Dagdag dito, mas karaniwan daw ito sa mga sanggol na lalaki sa unang taon pagkapanganak.
Para mas madaling maintindihan, narito ang 10 bagay na dapat malaman tungkol sa UTI sa mga lalaki.
1. Ang mga sintomas ng UTI sa lalaki ay halos pareho din ng sa babae, maliban sa isang bagay: rectal pain. Ang mga sintomas ng UTI sa upper tract ay pareho lamang sa babae at lalaki. Ngunit kapag ang lower tract ang naapektuhan sa lalaki, may kasamang rectal pain o pananakit ng puwit, dagdag sa mga karaniwang sintomas.
2. Ang mga sintomas ng UTI sa lalaki ay depende sa bahagi ng urinary tract na may impeksiyon.
Kapag lower tract ang may impeksiyon:
- mahapdi kapag umiihi
- madalas na pag-ihi, pero hindi marami ang lumalabas
- may dugo sa ihi
- malabo ang kulay ng ihi, o minsan ay kulang tsaa o kulay kape
- malakas ang amoy ng ihi
- sa babae: pelvic pain, sa lalaki: rectal pain
Kapag upper tract ang may impeksiyon:
- labis na pananakit sa likod at tagiliran
- nanginginig
- mataas na lagnat
- pagkahilo
- pagsusuka
Kapag pinasok ng bacteria ang kidney, at mapunta ito sa dugo, delikado ito at maaaring maging sanhi ng mababang presyon (low blood pressure), shock, at pagkamatay.
3. Kahit na bihirang magkaro’n ng UTI ang mga lalaki, mas malaki ang posibilidad na maulit ito, dahil may mga uri ng bacteria na nagtatago sa loob ng prostate, paliwanag ni Dr. Palarca.
4. Maraming maaaring maging sanhi ng UTI. Ilang maaaring dahilang ay: pagkabara ng urinary tract tulad ng lumalaking prostate, kidney stones, mahina ang immune system, may sakit na diabetes, abnormal o makitid na urethra o di kaya ay hindi lumalabas nang mabuti ang ihi sa katawan kaya naman bumabalik ito sa urethra—may panganib na magkaron ng UTI. Dagdag pa ang mga lalaking galing sa anumang operasyon, at gumamit ng catheter, o di kaya ay nakahiga ng matagal at hindi regular ang pag-ihi.
5. Ang mga lalaking hindi tuli ay mas malaki din ang posibilidad na magkaron ng UTI. Ayon sa pagsasaliksik sa Australia na inilathala ng Reuters Health, New York (The Journal of Urology, online, November 28, 2012), ang UTI ay mas nangyayari sa mga batang lalaking hindi tuli ng sampung beses kaysa sa mga natuling bata, at gayunin sa mga adult males na hindi tuli.
Ang circumcision daw kasi ay nagbibigay ng proteksiyon sa mga lalaki, para hindi maipon ang bacteria sa ari, na nangyayari kapag hindi nalilinis ito ng mabuti dahil nga hindi tuli. Ito rin ang inilathalang public health preventive sa buong mundo para sa HIV at iba pang sexually transmitted diseases.
6. Ayon sa mga pag-aaral, mas delikado ang UTI sa mga sanggol. Inilathala ng American Pediatric Society sa Journal of Urology na sa mga sanggol, ang UTI ay maaaring maging sanhi ng kidney scarring, lagnat, pananakit ng ari at puwit, at impeksiyon sa dugo. Tandaan na mas nakakaapekto ito sa mga sanggol na lalaki.
7. Ayon sa mga pagsasaliksik, naapektuhan ng UTI ang mga lalaking nasa edad 50 pataas, at karaniwang sanhi ito ng bacterium na Escherichia coli. Bihira ngang magkaron ng UTI ang mga lalaki—kung wala pang edad 50. Pero paglagpas daw ng edad na ito, mas mataas na ang posibilidad na maapektuhan nito dahil sa mga sakit tulad ng prostatitis, epididymitis, orchitis, pyelonephritis, cystitis, urethritis, at paggamit ng urinary catheters. Bagamat madalang nga, mas malala at komplikado naman daw ang mga kaso ng UTI sa mga lalaki.
8. Nakakahawa ba ang UTI? Hindi naipapasa o nakakahawa ang UTI sa pamamagitan ng pagtatalik. Ang pagkalat ng impeksiyon at pagpasa sa iba ay depende pa din kung anong uri ng mikrobyo o bacteria ang nakapasok sa sistema ng may sakit. Maliban na lang kung higit sa karaniwan ang pagiging aktibo sa sex ng isang babae, at kung ang may sakit, babae man o lalaki, ay nakikibahagi sa anal intercourse, ayon kay Dr. John L Brusch, MD, FACP, sa kaniyang artikulo sa emedicine.medscape.com.
Ang UTI ay nagsisimula sa mga organismong namamahay sa gastrointestinal tract at/o sa bukana ng urethra. Ang mga bacteria tulad ng E. coli o Pseudomonas ang nakakai-mpeksiyon sa urinary tract at napupunta sa kidneys. Ito ay hindi nakakahawa o kumakalat sa ibang tao o “host”. Lalong hindi nakukuha ang UTI sa paggamit ng toilet seat, dahil hindi naman dumadampi ang urethra sa toilet seat.
9. Ang bawat kaso ng UTI ay may partikular na paggamot o treatment dahil iba-iba ang uri ng bacteria na naging sanhi ng impeksiyon. Tanging ang doktor lang ang makakapagbigay ng dapat na gamot pagkatapos niyang ma-kompirma ang diagnosis, sa pamamagitan ng mga tests para dito. Pinakakaraniwang gamot ang antibiotics.
Kapag nasa lower tract ang UTI, oral antibiotics ang ibinibigay; kung ang kaso ay nasa upper tract, kailangan ng intravenous antibiotics.
Para sa mga viral at fungal na kaso ng UTI, mga gamot na antiviral at antifungal.
10. May mga home remedies para sa paggamot ng UTI, kung ayaw ng antibiotics. May negatibong side effects ang labis na pag-inom ng antibiotics, kaya naman para mapahinga sa gamot na ito, may mga home remedies na nakaantabay. Para ito sa mga UTI sa lower tract, at hindi sa mga komplikadong kaso, bagamat makakatulong ito na maibsan ang sintomas kahit pa sa malalang uri.
- Payo ni Dr. Palarca, uminom ng 6 hanggang 8 baso ng tubig kada araw para maiwasan ang pagkakaron ng UTI. Ito ang pinakamabisang paraan para makaiwas sa UTI, at para din magamot ito. Kapag umiinom ng tubig, nahuhugas ang mga mikrobyo na nasa urinary tract, at naiihi ng maysakit, habang nananatili ang vital nutrients at electrolytes. Iwasan ang pagpigil ng ihi, at siguraduhing makaihi sa buong maghapon.
- May mga halamang gamot sa UTI na puwedeng gamitin. Hindi nakakaalis ng impeksiyon ang pag-inom cranberries o uminom ng cranberry juice, pero makakatulong ito na labanan ang mga uri ng bacteria na sanhi ng bacterial UTI.
- Ang mga pagkaing may probiotics tulad ng yogurt, ilang uri ng keso at sauerkraut ay mabuti ring panlaban sa mga masasamang bacteria. Lumalaban ito sa pagkapit ng mga mikrobyo sa urinary tract, at nagbibigay din ng hydrogen peroxide sa ihi, na isang mabisang antibacterial.
- Kailangan mo ng Vitamin C na magsisilbing antioxidant para mas matibay ang immune system. Natutupok din ng Vitamin C ang mga masasamang bacteria. Kung naninigarilyo, mas maraming Vitamin C pa ang kailangan ng katawan.
- Linisin mabuti ang pwet pagkatapos dumumi o umihi. Magpunas at maghugas sa paraan na maiiwasang mapunta ang mikrobyo sa ari.
- Ugaliin ang paggamit ng condom kung makikipagtalik, lalo na kung anal sex.
- Ugaliing umihi pagkatapos makipagtalik para mailabas ang anumang mikrobyong maaaring nakuha sa pakikipagtalik.
Mahalagang magamot agad ang sakit na ito, dahil ang paglala nito ay may kasunod na pagkalat at posibleng komplikasyon, lalo kapag nasa upper tract ang impeksiyon.
Ang recurrent o paulit-ulit na UTI sa lalaki ay hindi karaniwan, kaya’t kailangang magpatingin agad sa doktor.
Sa unang sintomas ng UTI sa lalaki, magpatingin agad sa doktor at magpa-eksamin ng ihi at dugo para malaman kung UTI nga, at mabigyan ng karampatang paggamot.
Basahin:
Preventing UTI in infants, toddlers and preschoolers
Sintomas ng UTI sa baby: Paano mo malalaman at maaagapan?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!