Para sa mga magulang, lubos na importante ang pagtulog. Siyempre, nakakapagod ang magtrabaho at mag-alaga ng iyong mga anak, kaya’t well-deserved dapat ang mahimbing na pagtulog. Ngunit alam niyo ba na mayroong ilang mga sleep myths na inaakala ng karamihan ay nakabubuti, ngunit nakakasama pala sa iyong pagtulog.
Heto ang 6 sa mga pinakakaraniwang pinapaniwalaang myths na ito, at ang dahilan kung bakit hindi ito totoo.
6 sleep myths na nakakasama sa iyong pagtulog
1. Okay lang kahit kulang ang tulog
May mga pagkakataon na talagang mahirap makakuha ng good night’s sleep. At kung tutuusin, okay lang naman ito, basta hindi araw-arawin. Ito ay dahil kapag mas kaunti sa 5 oras ang iyong tulog gabi-gabi, magkakaroon ito ng masamang epekto sa iyong katawan.
Makakaramdam ka ng panghihina, pagod, antok, at magiging vulnerable sa sakit ang iyong katawan. Ang ideal na haba ng tulog ay nasa 7-8 oras ng tuloy-tuloy na tulog.
2. Kapag uminom ng alak, magiging mas mahimbing ang tulog
Marami siguro ang naniniwala na ang pag-inom ng kaunting alak bago matulog ay nagpapahimbing sa kanila. Ngunit ang katotohanan ay bagama’t mas mabilis kang makakatulog, hindi magiging maganda ang quality ng tulog mo.
Ibig sabihin, kahit makatulog ka ng 8 oras, hindi mo mararamdaman na ikaw ay refreshed at energized dahil sa alak na ininom mo.
3. Nakakatulong ang panonood ng TV para ma-relax bago matulog
Karamihan sa atin ang guilty dito. Madalas nga, hindi TV kundi mga tablet o smartphone ang ginagamit natin na pampatulog.
Alam niyo ba na baliktad ang nagiging epekto nito sa ating katawan? Sa halip na makatulog ay lalong nagiging active ang ating mga utak dahil sa stimulation.
Ang ilaw rin nito ay nakakaapekto sa paggawa ng melatonin ng ating utak. Ang melatonin ay isang hormone na nakakatulong para tayo ay antukin.
4. Kapag nahihirapang makatulog, humiga lang sa kama
Ito ang madalas na payo ng mga magulang sa kanilang mga anak na nahihirapang makatulog. Ngunit alam niyo ba na okay lang naman na bumangon muna saglit at magpaantok?
Ito ay dahil kapag humiga lang sa kama kahit hindi inaantok, kayang i-associate ng ating mga utak ang insomnia sa ating mga kama. At hindi ito mabuting bagay.
Kung nahihirapang matulog ang iyong anak, puwede mo silang paupuin muna sa upuan, at kantahan para makatulog. Puwede rin kayong magbasa ng bedtime story para dahan-dahan siyang antukin.
Para naman sa mga mommy at daddy na mayroong insomnia, nakakatulong ang paggawa ng mga gawaing bahay tulad ng pagtutupi ng damit upang kayo ay antukin.
5. Ok lang mag-snooze ng alarm
Para sa mga nahihirapang bumangon, alam niyo ba na mas makakabuti sa inyong katawan ang hindi pag-snooze ng alarm?
Karamihan siguro sa atin ay nag-snooze ng alarm kapag umaga, at sinasabing iidlip lang ng ilang minuto. Ngunit ang quality ng tulog na ito ay hindi maganda, at posible pang lalong maging sanhi ng pagod.
Kaya mas mabuting pilitin ang sarili na bumangon sa alarm upang magkaroon ng magandang gising.
6. Normal lang ang paghilik
Marami sa atin ang humihilik kapag natutulog. Kadalasan nga ay iniisip natin na normal lang ito. Ngunit alam niyo ba na mayroong mga pagkakaton na ito ay posibleng maging mapanganib?
Ito ay kapag umabot na sa pagiging sleep apnea ang paghihilik. Ang mga mayroong sleep apnea ay posibleng tumigil ng paghinga sa pagtulog, kaya ito nakakatakot na kondisyon.
Bukod dito, mas posible ring magkaroon ng mataas na blood pressure, at sakit sa puso ang mga mayroong sleep apnea. Kaya kung sumosobra na ang paghilik mo o ng iyong asawa, mabuting magpatingin na sa doktor.
Source: BBC
Basahin: Benepisyo ng sex: Masarap na tulog!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!