Pamimigay ng tablets para sa public school students, ito ang naisip na paraan ng Pasig Government upang matulungan ang mga mag-aaral sa lungsod sa darating na pagbubukas ng klase ngayong Agosto.
Pasig mamimigay ng tablets para sa public school students
“Ano man ang mangyari, hindi natin puwedeng hayaan na mahuli ang mga mag-aaral natin sa mga pampublikong paaralan.”
Ito ang pahayag ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa isa niyang Facebook post noong May 26. Kaugnay ito sa pabago-bagong desisyon ng pamahalaan kung magbubukas ba ang klase o hindi ngayong Agosto.
Ayon sa kaniya ang local na pamahalaan ng Pasig ay handa anuman ang maging final na desisyon ng national government. At ginagawa nila ang lahat upang matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante sa lungsod. Partikular na sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan na lubhang mahihirapan sa isinusulong na online learning o virtual classes ngayong pasukan.
Kaugnay nito, ayon parin kay Mayor Vico Sotto ay pinaghahandaan na nilang mapabilis ang internet connection sa bawat barangay sa Pasig. Pinag-aaralan narin nilang paglaanan ng pondo ang pagbibigay ng personal learning devices tulad ng tablet computers sa kada estudyanteng walang kakayahang bumili.
Laptop computers naman ang ipamimigay sa mga guro
At nito nga lamang Miyerkules, May 27, ay inihayag ni Pasig City Representative Roman Romulo sa isang panayam na sila ay may inilaan ng P1 billion budget sa proyektong ito. Ito ay gagamitin upang makapamigay ng tablets para sa public school students sa Pasig na may kabuuang bilang na aabot sa 140,000. Ang pondong kanilang ginamit ay nagmula umano sa Special Education Fund ng kanilang local government.
Dagdag na pahayag naman mula kay Pasig City Councilor Corazon Raymundo at chairman ng Committee on Education sa lungsod makakatanggap ng tablet computers na nagkakahalagang P6,000 to P7,000 bawat isa ang kada public school student sa Pasig. Habang mabibigyan naman ng laptop computers ang mga guro para maisakatuparan ng maayos ang mga virtual classes na kanilang gagawin.
Kailangang sumagot sa isang survey ang mga magulang ngayong enrollment
Base naman sa isang news report mula sa GMA 7 program na 24 Oras, ang pagsasagawa ng virtual classes ay isa lamang sa maaring pagpilian ng mga magulang na paraan kung paano makakapag-aral ang kanilang mga anak ngayong pasukan. Dahil bahagi ng gagawing enrollment ngayong Lunes, June 1 ay ang pagsagot nila ng Learner Enrollment and Survey Form o LESF. Ito ay isang form na kung saan maaring mamili ang isang magulang kung anong modes of learning ang gusto niya para sa kaniyang anak. Ito ba ay sa pamamagitan ng TV, radio, online o face-to-face.
Ayon naman sa DepEd, sa enrollment ay hindi naman kailangang magpunta ng personal ng mga magulang sa mga eskwelahan upang ito ay gawin. Maari namang tumawag lang sila sa telepono upang ipa-enroll ang kanilang anak at sumagot sa survey.
Hindi rin umano kailangang bumili ng laptop o tablet computers para makapag-aral ang kanilang anak ngayong pasukan. Dahil magbibigay sila ng printed modules at gagawin nila ang lahat ng paraan para maiabot ito sa bawat estudyante sa bansa.
Mayroon paring face-to-face classes ngayong pasukan
Paliwanag naman ni Monina Javier Cruz, principal ng Bambang Elementary School sa Pasig, hindi parin mawawala ang face-to-face learning o ang tradisyonal na pagpasok ng mga bata sa eskwelahan ngayong darating na pasukan.
“Mayroon po tayong face-to-face ‘yong papasok ‘yong mga bata at mayroon naman through online gamit ang gadget. Mayroon ding gamit ang television or other medium.”
Ito ang pahayag ni Cruz sa isang panayam. Dagdag pa niya sa face-to-face learning ay i-observe parin ang mga precautionary measures laban sa COVID-19. Tulad ng one seat apart na distansya sa mga estudyante para sa pagsunod na physical o social distancing. Maghahanda narin ang mga eskwelahan ng mga stock ng alcohol, sabon, disinfectant, thermal gun, masks, gloves, boots at PPE para sa dagdag na proteksyon at pag-iingat laban sa sakit.
Opinyon ng mga magulang
Hanggang ngayon ay hati parin naman ang opinyon ng mga magulang sa pagbubukas ng klase. May ilang ayaw paring papasukin ang kanilang anak. Dahil sa takot na mahawa sa sakit at mas ninanais na ipagpaliban na muna ang klase. O kaya naman ay gawing online o thru internet ang klase.
“Yong gusto ko nga walang pasukan eh kasi para sa kaligtasan ng mga bata, lalong-lalo na noong apo ko. Tutal bata pa naman, isang taon lang naman titigil ng pagpasok eh hindi naman matagal eh. Basta gusto ko lang may bakuna kagaya ng sinasabi ni presidente,”
Ito ang pahayag ni Theodora Javal may apong estudyante.
“Hindi po ako pumapabor sa face-to-face. Okay lang po sa akin na through internet para ma-secure pa rin po ang mga bata kasi baka makakuha pa sila ng virus. ‘Yong anak ko kasi mahina talaga ang kalusugan niya.”
Image from Freepik
Ito ang pahayag ng isang magulang na nagngangalang si Ivy Alba.
May ilang magulang naman na pabor na sa pagbabalik-eskwela ng mga bata. Dahil iba daw talaga ang pagtuturo ng aktwal sa eskwelahan at ayaw nilang mahuli sa mga aralin ang kanilang anak.
“Pabor po ako na papasukin ang mga bata sa eskwelahan kasi katulad ko po, nagtatrabaho po ako, hindi ko matutukan ‘yong anak ko sa bahay. Hindi ko naman po alam ‘yong ibang lesson na ituturo ko po sa mga bata. Mas maganda pa rin po na nasa school kasi may teacher pa ring nakaagapay sa kanila.”
Ito ang pahayag naman ng isang ina na nagngangalang Elena Lopez.
Reaksyon ng mga opisyal ng gobyerno
Samantala, sa survey naman na ginawa ng League of Cities of the Philippines o LCP ay marami sa mga alkade sa bansa ang tutol parin sa pagbubukas ng klase ngayong Agosto. At umaasa sila na mabibigyang konsiderasyon ang pag-popostpone muna ng klase ngayong darating na pasukan.
Ganito rin ang hinaing ng ilang governors sa bansa. Tulad nalang ni Quirino Province Governor Dakila Cua.
“How can you expect that to happen na for our children know na walang tapikan, walang hawakan ng kamay, walang playtime. So napakahirap po talagang i-regulate. Mas mahalaga ang kalusugan at kapakanan, ang buhay ng ating mga anak.”
Ito ang pahayag ni Cua.
Ayon naman kay Marinduque Governor Presbitero Velasco, mas malaki ang risk ng pagkalat ng sakit sa ngayon. Ito ay dahil sa pag-uwi ng mga OFW at locally stranded individuals sa kani-kanilang tinitirhang lugar. Kaya hangga’t maari kung pupuwede ay ipagpaliban muna ang klase hanggang wala pang bakuna laban sa sakit.
Pahayag naman ni Sen. Sherwin Gatchalian, bago pa magsimula ang klase dapat ay makipag-ugnayan na ang DepEd sa PTA ng bawat eskwelahan. Ito ay upang mabigyang linaw ang tanong at pangamba ng mga magulang at guro sa pagbubukas ng klase ngayong Agosto. Si Sen. Gatchalian ay Chairman ng Committee on Basic Education sa senado
Source:
GMA News, ABS-CBN News
Basahin:
School year 2020-2021 magbubukas sa August ayon sa DepEd
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!