Ikaw ba ay nakaranas na ng maraming namumula, pabalik-balik na pantal at makating kondisyon sa iyong balat? Maaaring Tagulabay o Urticaria ang mayroon ka.
Tagulabay, o urticaria sa wikang Ingles—pamilyar na ba kayo sa kondisyong ito? Sa pagtagal-tagal ng panahon, unti-unti nang dumarami ang nakakakilala sa tagulabay. Ito ay dahil na rin sa tuloy-tuloy na pagdami ng kaso ng mga naaapektuhan ng kondisyong ito.
Talaan ng Nilalaman
Tagulabay meaning
Ang tagulabay o hives sa wikang Ingles ay isang kondisyon kung saan lumalabas ang mapupula, makakapal at mauumbok na pantal sa balat. Ito rin ay may iba’t ibang laki at makati. Maaaring kalat-kalat ito sa iba’t ibang bahagi ng iyong katawan. Tinatawag rin itong talagubay o supot-supot ng iba.
Pangkaraniwang tumatama ag tagulabay sa mga bata at kanilang iniinda nang matagal na panahon. Subalit sinasabi ding prone sa pagkakaroon nito ang matatanda at mahihina ang resistensya ng katawan.
Hindi man ito itinuturing na seryosong karamdaman o malaking banta sa pamumuhay ng isang tao, maaari pa rin naman itong magdulot ng pamamaga (angioedema) sa mga bahaging may pamamantal.
Ito rin ay maaaring pagmulan ng mga hindi kanais-nais na karanasan, lalo na kung magiging sagabal ito sa konsentrasyon, pagkain, at mahimbing na pagtulog ng pasyente.
Ngunit wag ipag-alala dahil ang Tagulabay ay hindi nakakahawa.
Tagulabay causes
Ano ang sanhi ng tagulabay o madalas at pabalik-balik na pamamantal ng balat?
Ang sanhi ng tagulabay ay hindi pare-pareho sa pag-atake sa mga pasyente. Dahil itinuturing itong isang uri ng allergy.
Ayon kay Dr. Jean Marquez, lumalabas ang tagulabay nang biglaan kapag na-expose ang isang tao sa allergen. Dahil dito, tatagas ang tubig o fluid sa blood vessel kung saan pupunta ito sa balat at magsasanhi ng pag-alsa at pamumula. May katangian ang tagulabay na nakadepende ang sanhi ng pag-atake sa iba’t ibang factors na maaaring nakapagti-trigger ng allergy ng pasyente.
Iniuugnay sa pagkakaroon ng tagulabay ang mahinang immune system ng pasyenteng tinamaan ng pag-atake nito.
Kabilang rin sa iba pang maaaring sanhi ng pag-atake ng tagulabay ang mga sumusunod:
- food allergy
- pag-inom ng gamot o pagsailalim sa gamutan
- environmental (sobrang init o lamig, biglaan at pabago-bagong panahon, alikabok, mga insekto, halaman at hayop sa paligid)
- pag-eehersisyo
- sariling pawis
- emotional stress
- impeksyon
Gayundin, ang mahinang immune system ng pasyenteng minsan nang tinamaan o patuloy na inaatake ang isa sa mga kaugnay na dahilan ng pag-atake ng tagulabay.
Kapag mahina ang baga ng pasyente, mas mabilis siyang tamaan ng reaksyon. Lalo na kung may kinalaman sa panahon o kapaligiran ang trigger ng pag-atake.
Dahil kabilang ang airways sa maaaring mamaga, kasama ang mata at leeg, maaaring magdulot ng anaphylaxis ang Tagalubay. Kaya naman nararapat na magpatingin agad sa espesyalista dahil posibleng maging life threatening na ito kung nakaka-apekto na sa paghinga.
BASAHIN:
Cold urticaria: Sanhi, sintomas, at gamot para sa skin allergy na ito
Madaling magka-rashes? 8 irritants na maaaring sanhi ng allergy sa balat
Sunscreen allergy: Toddler suffers horrifying burns minutes after using sunscreen
Tagulabay symptoms
Narito ang ilan sa mga sintomas ng tagulabay o hives:
- mabilis na pagkalat ng pamamantal sa kabuuang balat ng katawan
- pamumula ng balat
- pag-umbok ng balat
- kung malala ay pamamaga (angioedema) ng ilang bahagi ng katawan.
Ang angioedema ay pamamaga sa ilalim ng balat. Karaniwan itong reaksyon sa isang trigger, gaya ng gamot o isang bagay na allergic ka.
Ito ay karaniwang hindi seryoso, ngunit maaari itong maging isang paulit-ulit na problema para sa ilang mga tao. Higit pa rito, paminsan-minsan ay nagbabanta sa buhay kung ito ay nakakaapekto sa paghinga.
Tumatagal ang nararanasang pamamantal sa loob ng kalahati hanggang isang buong araw, o 12-24 oras. Samantala, oras na tumama ang tagulabay sa pasyente, maaaring tumagal ang pag-atake ng kondisyong ito sa loob ng apat hanggang anim na linggo para sa mga acute ang urticaria.
Habang inaasahan naman ang patuloy na pagpapabalik-balik nito. Kahit makalipas pa ang ilang buwan o taon kung chronic ang kaso.
Maaaring mapuna ang pag-atake nito kung ang sarili ay na-expose. Halimbawa, sa extreme weather conditions tulad ng sobrang init na panahon o sobrang lamig, sa pagkakalantad sa sinag ng araw, sa tuwing nag-eehersisyo o kaya kapag nagpapawis ang katawan.
Mga uri ng Tagulabay o hives in English
Magkakaiba ang triggers ng pag-atake ng urticaria. Ito ay naka-depende sa uri ng tagulabay na tumama sa isang pasyente. Magkakaiba rin ang sintomas at lala ng pag-atake nito.
May dalawang uri ng Tagulabay: ang acute urticaria at chronic urticaria.
Ang acute urticaria ay nagtatagal ng di hahaba sa anim na linggo. Maaari itong mawala sa ilang oras o araw. Habang ang chronic urticaria naman ay tumatagal ng lagpas sa anim na linggo na may araw-araw o episodic na pamamantal.
Ang chronic urticaria ay maraming iba pang uri tulad ng:
- Dermographism
- Cold urticaria
- Cholinergic urticaria
- Contact urticaria
- Delayed pressure urticaria
- Solar urticaria
- Heat urticaria
- Vibratory urticaria
- Vibratory angioedema
- Aquagenic urticaria
Mayroong mga kaso ng Tagulabay na sanhi ng allergens mula sa iba’t-ibang bagay. Tulad ng pagkain, insekto o kagat nito, halaman at hayop. Maaari rin itong makuha mula sa pag-inom ng gamot ng tao. Minsan, may mga gamot para sa impeksyon ng ibang bahagi ng katawan na nagsasanhi ng allergic reactions sa balat.
Nagdudulot ang mga ito ng labis na pagkaaktibo ng cells at naglalabas ng maraming histamine (isang anyo ng protina) sa katawan. Ang paglabas ng histamine ang siyang nagbubunga ng pangangati, pamamantal, pamumula ng balat, at maging pamamaga kung malala na.
Sino ang karaniwang nagkakaroon ng Tagulabay?
Isa sa limang bata o matatanda ay may episode ng acute urticaria habang nabubuhay sila. Nakakaapekto ito sa lahat ng lahi at kapwa kasarian.
Ang acute urticaria ay maaaring mangyari sa mga bagong silang at mga sanggol ngunit hindi ito karaniwan. Ito ay kadalasang sanhi ng impeksyon, kahit na afebrile o walang lagnat.
Sa mas matatandang mga bata, ang pagkain, gamot, at inhaled allergens ay mahalagang dahilan din. Sa mga may sapat na gulang, ang urticaria ay karaniwang idiopathic, o biglang susulpot nang walang dahilan.
Ang chronic spontaneous urticaria naman ay nakakaapekto sa 0.5-2% ng populasyon o kaya 2/3 ng mga kababaihan. Gayunpaman, mas karaniwan ang chronic inducible urticaria. Posibleng mayroon itong kinalaman sa iyong genetics at nakaka-apekto rin sa iyong immunity.
Tagulabay cure
Mayroon nga bang gamot sa supot supot o pabalik-balik na pamamantal ng balat?
Kung sa iyong palagay ay mayroon kang tagulabay, mahalagang matukoy mo kung ano ang karaniwang sanhi nito, at iwasan ang mga triggers ng sakit sa balat.
Para sa mga may medical history ng kanilang allergic reactions, at tukoy na ang allergens (lalo na kung pagkain),kadalasan ay umiinom na sila ng antihistamine (gamot) bago kumain para umano agad na mapigilan ang paglabas ng histamine sa katawan dahilan para makaranas ng pamamantal at matinding pangangati.
Ginagawa ito pero hindi ito ipinapayo ng mga eksperto. Maaari kasing magkaroon ng immunity ang iyong katawan sa antihistamine at hindi na ito tumalab sa kalaunan.
Maaari namang itaas nang itaas ang dosage ng antihistamine, ngunit ito ay makaapekto sa iba pang bahagi ng katawan ng pasyente—tulad ng bato, atay, at lapay—paglaon ng panahon.
Ang mga pangkaraniwang anti-histamine na ginagamit ay Cetirizine o Fexofenadine. Ito ay tumutulong sa pamamagitan ng pagharang sa mga epekto ng histamine, pagbabawas ng pantal, at pagtigil sa pangangati.
Tandaan na ang ilang antihistamines ay nagdudulot ng pagkaantok, lalo na kung umiinom din ng alak ang gumagamit. Mayroon namang ilang antihistamine na hindi angkop sa mga buntis. Kaya naman bago uminom ng anumang gamot sa tagulabay o anumang sakit sa balat, mas mainam na kumonsulta muna sa iyong doktor.
Natural remedy o halamang gamot para sa Tagulabay
Para sa mga nagnanais namang gumamit ng mga halamang gamot sa tagulabay, mabisang gamitin ang sanga-sangang dahon ng malunggay.
Maaaring katasin ito at ipahid sa balat na napuno ng pantal, o puwede ring ilaga o gawing tsaa at ipainom sa pasyente. Taglay nito ang antihistaminic properties, at maaaring pigilan ang kaso ng edema o pamamaga sa hanggang sa loob ng balat ng pasyente sakaling lumala ang tagulabay.
Ginagamit din ang katas ng aloe vera na pamahid sa balat ng pasyente. Sapagkat taglay nito ang mga sangkap laban sa pamamaga at mikrobyong nag-iibis sa stimulation ng pangangati at pamumula ng balat.
Maaari ring kainin o inumin upang makapagpalakas ng resistensiya ng katawan, para sa mabilis na pagsupil sa mga toxin.
Kamias for tagulabay
Marami ring nagsasabing nakakatulong ang dahon ng kamias para sa sakit sa balat. Pwede mong subukang ipahid ang mismong prutas ng halamang kamyas sa mga pantal para mawala ang pamamaga at pamumula.
Bukod sa mga halamang gamot na pwedeng subukan, dapat ay palakasin ang immune system ng pasyenteng tinamaan na ng tagulabay. Mahalaga ito upang unti-unting matanggal ang kondisyong ito ng katawan.
Kung hindi pa man tuluyang maalis, makaiinam ang magandang depense ng immune. Ito ay upang hindi mauwi sa pamamaga o angioedema ang kaso ng tagulabay, na maaari pang makaapekto nang husto sa panloob na organo ng katawang tatamaan ng mga pamamaga.
Sa huli, ang pinakamainam lamang talagang gawin ay umiwas sa mga bagay o aktibidad na tiyak na sanhi ng pag-atake ng inyong tagulabay.
Huwag nang hintaying umatake pang muli ito saka pa lamang lulunasan. “Prevention is better than cure,” ika nga. Ngunit kung may kaso ng paglala tulad ng paglala ng pangangati at pamamantal sa loob ng tuloy-tuloy na isa hanggang dalawang araw, pamamaga na ng mga parte ng mukha gaya ng mata, bibig, ilong at tenga, at apektadong paghinga, mabuting dalhin na ito agad sa hospital at ipatingin sa doktor.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.