Nung ang iyong anak ay nilamig, may napasin bang mga rash sa kanyang balat? Kung oo, kailangan mong basahin ito. Si Asne Marohombsar, isang netizen, ay nagbahagi kamakailan lamang ng kanyang karanasan sa allergy na kilala bilang cold urticaria.
Ang uri ng allergy na ito ay nagpapakita bilang resulta ng pagkaranas ng lamig – dahil man sa kapaligiran, malamig na tubig o pagkain ng ice cream.
Ayon sa kanya, ang mga taong may cold urticaria ay nakakaranas ng iba’t ibang sintomas. Ang iba ay may hindi malubhang reaksyon sa lamig, habang ang iba ay malubha ang reaksyon.
Kanya ring nabahagi na nahihirapan siyang tumagal sa malalamig na lugar dahil sa allergy. Dinagdag niya na isa siyang K-pop fan, at ikinalulungkot niyang hindi siya makakapunta sa Korea o iba pang malalamig na lugar dahil sa kanyang kondisyon.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Lukas
Talaan ng Nilalaman
Ano ang cold urticaria
Kung napapatanong ka ngayon kung ano ang cold urticaria, ito ay tumutukoy sa allergy sa lamig na nagdudulot ng hives o pantal.
Ang cold urticaria ay madaling mapagkamalang ibang uri ng allergy. Ito ay dahil sa pagkakapareho ng sintomas sa ibang allergic reactions.
Habang ang ibang reaksyon ay pantal, pulang welts sa balat, at pangangati, ang mas malalang reaksyon ay maaaring magdulot ng anaphylactic shock, o maging pamamaga ng lalamunan at dila na nagpapahirap ng paghinga.
Ito ang ilang karaniwang sintomas ng cold urticaria:
- Mga pantal o makakating namumulang welts sa balat na nalamigan.
- Pamamaga ng mga kamay sa paghawak ng malalamig na bagay.
- Pamamaga ng mga labi sa pag-inom ng malalamig na inumin o pagkain ng malalamig na pagkain.
Ang mga malalang reaksyon ay may sintomas naman na:
- Anaphylactic shock, o reaksyon ng buong katawan sa lamig. Maaaring maging sanhi ito ng pagkawala ng malay, mabilis na tibok ng puso, pamamaga ng mga limbs, katawan, at shock.
- Pamamaga ng dila at lalamunan, lalo na kapag uminom ng malamig na inumin o kumain ng malamig na pagkain.
Sa ngayon, wala pang lunas sa cold urticaria. Subalit, napapagalaman na kusang nawawala ang kondisyon na ito matapos ang ilang linggo o buwan, minsan ay mas tumatagal pa.
Isang simpleng paraan sa pagsuri ng ganitong allergy ay ang paglagay ng yelo sa balat nang limang minuto. Kung ang tao ay may kondisyon, magkakaroon ng makati at namumulang pantal sa bahagi ng balat na dumikit sa yelo.
Sa ilang kaso, ang cold urticaria ay nauugnay sa problema sa immune system. Maaari rin itong ma-ugnay sa kanser, kaya makakabuting magpasuri sa duktor para makasigurado.
Dalawang uri ng cold urticaria
Mayroong dalawang uri ng cold urticaria, ang una ay tinatawag na acquired o essential cold urticaria habang ang isa naman ay kilala sa tawag na hereditary o familial cold urticaria.
Kung ang isang tao ay mayroong acquired o essential cold urticaria, magsisimulang lumabas ang mga sintomas nito dalawa hanggang limang minuto matapos na ma-expose sa lamig o ma-trigger ng lamig ang katawan. Tumatagal naman ng isa hanggang dalawang oras ang sintomas bago ito unti-unting mawala.
Kapag hereditary o familial cold urticaria naman, nagsisimulang makita ang sintomas nito 24 hanggang 48 oras matapos na ma-trigger. Ang sintomas ng type ng urticaria na ito ay karaniwang tumatagal ng 24 oras hanggang 48 oras.
Mas mataas ang tiyansa na magkaroon ng kondisyong ito ang mga babae kaysa sa mga lalaki ayon sa WebMD.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Thirdman
Sanhi ng cold urticaria
Saad ng Web MD sa kanilang artikulo, hindi umano tiyak kung ano ang eksaktong sanhi ng cold urticaria. Pero mayroong ilan na maaaring dahilan ng trigger ng kondisyon na ito. Hindi lamang exposure sa lamig ang posibleng maka-trigger sa kondisyong ito. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga triggers ng cold urticaria:
- Kagat ng insekto
- Medications
- Impeksyon
- Cancer sa dugo
- Physical exercise
- Stress at anxiety
- Exposure sa allergens tulad ng pollen, balahibo ng alagang hayop, at iba pang pagkain.
- Direktang exposure sa init ng araw
- Lamig
- Pagkakamot ng balat
- Exposure sa mga kemikal
Cold urticaria treatment
Dahil “unknown” o walang katiyakan kung ano ang sanhi ng kondisyong ito sa balat, maaaring napapatanong ka rin kung ano ang gamot sa cold urticaria o cold urticaria treatment.
Walang gamot sa cold urticaria pero sa kabutihang palad, madaling kontrolin ang kondisyon na ito. Kahit wala pang lunas, kayang pababain ang sintomas sa paggamit ng mga nire-resetang gamot.
Mahalagang kumonsulta sa doktor kapag nakaranas ng sintomas ng naturang kondisyon. Aalamin ng doktor ang medical history ng pasyente at isasailalim ito sa cold stimulation test (CST). Paano ginagawa ang CST? Maglalagay ng ice cube ang doktor sa isang bahagi ng balat para makita kung mayroong reaction na magaganap. Kapag namantal ang balat na nilagyan ng yelo, malinaw na mayroon ka ngang cold urticaria. Minsan kailangan pang maghintay ng 20 hanggang 30 minuto bago lumabas ang mga sintomas.
Narito ang ilang paraan para maibsan ang mga sintomas kung maranasan mo o ng iyong anak ang kondisyong ito:
- Umiwas sa paglantad sa lamig. Dahil ang allergy na ito ay natri-trigger ng lamig, makakabuting umiwas sa malalamig na temperatura, pag-inom ng malamig na inumin, o pagkain ng malamig na pagkain. Ang paglangoy o pagligo sa malamig na tubig ay maaari ring maging sanhi ng allergic reaction.
- Ang antihistamines ay makakatulong sa mga hindi malalang sintomas. Ito ay lalong nakakatulong sa mga nakatira sa malalamig na kapaligiran, o may air-condition.
- Ang gamot na Omalizumab (Xolair) na karaniwang ginagamit bilang lunas sa asthma ay maaari ring gamitin bilang lunas sa cold urticaria. Ang paggamot na ito ay naging matagumpay sa mga taong hindi tinalaban ng ibang uri ng gamot.
Larawan mula sa Pexels kuha ng Pixabay
Paano ito maiiwasan?
Importante rin na malaman ang mga hakbang para maiwasan ang pagkakaroon ng ganitong kondisyon sa balat. Para maiwasan na magkaroon ng cold urticaria iwasan ang mga sumusunod:
- Pagpunta sa mga malalamig na lugar tulad ng supermarket na may refrigerated shelves
- Malalamig na cosmetic procedures
- Inuming may yelo
- Frozen foods
- Pagsu-swimming, snowsports, at mountain climbing
- Paggawa ng mga gawaing bahay tulad ng paglilinis ng bintana at pagde-defrost ng freezer.
Kung hindi naman maiiwasan na ma-expose sa lamig, maaaring uminom agad ng over-the-counter antihistamine bago i-expose ang sarili sa lamig at iba pang allergen. Makakatulong ito para maiwasan ang matinding allergic reaction.
Bukod dito narito pa ang ibang dapat tandaan kung mayroon kang cold urticaria:
- Kung magsu-swimming, i-check muna kung masyado bang malamig ang tubig. Huwag nang sumuong sa tubig kung ito’y masyadong malamig.
- Tiyakin na naiinom ang mga gamot na inireseta ng iyong doktor.
- Kung mayroon kang epinephrine auto-injector, tiyakin na lagi mo itong dala upang magamit sakaling umatake ang allergy.
- Ipaalam sa iyong doktor ang iyong kondisyon para matulungan ka nitong maibsan ang mga sintomas.
- Kung sasailalim sa ano mang medical, dental, o childbirth procedures, ipaalam muna ito sa iyong doktor para matiyak na hindi ka malalamigan sa proseso.
Iba pang dapat malaman
- Ang mga young adult ang mas karaniwang naaapektuhan ng kondisyong ito kompara sa ibang age group.
- Maaaring mamana ang kondisyon na ito sa pamilya. Kung mayroong cold urticaria ang nanay o tatay o iba pang miyembro ng pamilya, mataas din ang tiyansa na magkaroon ka ng kondisyong ito.
- Naiuugnay ang kondisyong ito sa iba pang medical condition tulad ng hepatitis at cancer. Kung may hepatitis o cancer ang isang tao, mataas din ang tiyansa na magkaroon ng cold urticaria.
Mga kondisyon na may katulad na sintomas
Importanteng magpatingin sa doktor kung nakararanas ng sintomas ng cold urticaria. Ayon kasi sa Healthline, mayroong iba pang mga kondisyon na katulad ng CU ang sintomas. Ilan sa mga kondisyon na ito ay ang mga sumusunod:
- Cold agglutinin disease – isa itong kondisyon kung saan inaatake ng red blood cells ang katawan bilang response sa pagbagsak ng blood temperature. Maaaring humantong sa pagkakaroon ng hemolytic anemia ang taong may cold agglutinin disease.
- Raynaud’s disease – resulta ito ng constriction sa blood vessel na nagiging sanhi ng interruption sa pagdaloy ng dugo. Ang pangunahing naaapektuhan nito ay ang mga daliri sa kamay at paa. Ilan sa mga sintomas nito ay ang pananakit at pamumutla ng balat matapos ma-expose sa malamig na temperatura.
- Chilblains – uri ito ng vascular condition kung saan ang mga maliliit na blood vessels ay namamaga tuwing na-eexpose sa malamig na hangin. Ilan sa mga sintomas nito ay pamumula, pangangati, at pamamaga ng balat.
Isang magandang ideya ang magpa-konsulta muna sa duktor upang makatulong sila kung paano gamutin ang kondisyon. Lalo na sa mga bata na nasuri na may ganitong allergy, dahil maaari itong magdulot ng malalang reaksyon sa mga bata.
Natututo tayo araw-araw, tama? Sana ay makatulong ang mga impormasyon na ito!
Republished with permission from: theAsianParent Singapore
Karagdagang impormasyon isinulat ni Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!