Sa panahon ngayon, natural lang ang makaramdam ng kaunting kaba. Subalit paano mo malalaman kung normal lang ito o hindi na? Basahin rito ang mga sanhi at sintomas ng anxiety.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga sanhi at sintomas ng anxiety
- Kailan dapat humingi ng tulong sa doktor para sa anxiety?
- Mga pwedeng gawin para mabawasan at maiwasan ang anxiety
Natural lang sa isang tao ang makaramdam ng kaba o takot. Paraan ito ng ating katawan para mag-react sa stress at para malaman natin kung mayroong panganib na paparating sa ating paligid.
Maaari kang mag-alala kapag may sakit ang iyong anak, may problema ka sa trabaho, o kaya iniisip mo ang mangyayari kinabukasan. Pero mawawala naman kaagad ang iyong pagkabahala kapag nasolusyunan na ang iyong problema, o lilipas din kapag nagsimula ka nang mag-isip ng ibang bagay.
Subalit paano kung labis ka pa ring nag-aalala at naaapektuhan na ang iyong pagkilos? Maaaring mayroon ka nang anxiety.
Ang anxiety disorder ay isang karamdaman na tumatama sa isip ng isang tao kung saan nakakaranas o nakakaramdam siya ng matinding nerbyos, takot o pag-aalala. Mas karaniwan ito sa matatanda, pero maging ang mga bata ay maaari ring magkaroon nito.
Ngayong panahon ng pandemya, tumaas ang bilang ng mga taong mayroong mental health disorders gaya ng anxiety dito sa bansa, ayon sa isang pag-aaral.
Subalit paano mo nga ba malalaman kung normal lang ang pagkabahala na iyong nararamdaman o hindi?
Larawan mula sa Freepik
Mga sintomas ng anxiety
Habang magkakaiba ang sintomas ng anxiety sa bawat tao, kadalasan, pareho naman ang reaksyon ng katawan kapag nakakaramdam ito ng panganib. Nagiging mas alerto ito at pinapagana ang ating fight or flight responses.
Narito ang ilang senyales ng anxiety sa isang tao:
Panic attacks
Isa rin sa mga karaniwang sintomas ng anxiety disorder ay pagkakaroon ng panic attacks. Inilalarawan ito ng biglaan at matinding pagkabalisa at takot.
Kung nararanasan mo ang apat sa mga sumusunod na sintomas sa loob ng ilang minuto, maaring ikaw ay nagkakaroon ng panic attack:
- mabilis na tibok ng puso
- matinding pagpapawis
- panginginig
- nahihirapang huminga
- pakiramdam na parang sinasakal
- naninikip ang dibdib
- nahihilo o parang mahihimatay
- naiinitan ng husto, o kaya naman nilalamig
- parang hindi maramdaman ang katawan
- wala sa huwisyo
- parang nababaliw o walang kontrol sa ikinikilos
- matinding takot sa kamatayan
Ang mga sintomas na ito ay maaari ring mangyari sa mga taong may sakit sa puso, problema sa thyroid at iba pang sakit. Kaya naman ang mga taong may anxiety o panic disorder ay kadalasang nagpapadala sa ospital kapag nakakaramdam sila ng matinding kaba o takot para sa kanilang kalusugan.
Sintomas ng anxiety sa mga bata
Natural rin sa mga bata ang makaramdam ng takot o kaba, subalit kung nakakasagabal ito sa kanilang pag-aaral, paglalaro at normal na pamumuhay, maaaring mayroon rin silang anxiety. Narito pa ang ilang senyales na puwede mong bantayan:
- Matinding takot o pagkabalisa kapag nahihiwalay sa magulang (separation anxiety)
- Matinding takot sa isang bagay o situation katulad ng mga hayop, insekto o pagpunta sa doktor (phobia)
- Natatakot na pumasok sa paaralan o mga lugar na maraming tao
- Matinding takot kapag iniisip ang isang sitwasyon na maaaring mangyari sa hinaharap
- Matinding takot na may kasamang mabilis na pagtibok ng puso, hindi makahinga, nahihilo o labis na pinagpapawisan, at nangyayari ng madalas
Sintomas ng anxiety sa bata | Larawan mula sa Freepik
Mga posibleng sanhi ng anxiety
Bagama’t hindi pa direktang matukoy ng mga researcher ang eksaktong sanhi ng anxiety, mayroon namang mga bagay na maaaring may kinalaman o nakakadagdag sa karamdamang ito:
Maaaring namana mo ito sa iyong magulang, o mayroon sa iyong pamilya na mayroong anxiety.
Ayon sa mga pag-aaral, maaari ring mayroong mali sa neural pathways sa utak ng isang tao na may kinalaman sa pagkontrol ng takot at emosyon.
Puwede rin namang dala ito ng mga pangyayari noong nakaraan kung saan matindi ang stress at hirap na pinagdaanan ng isang tao.
May mga gamot o ipinagbabawal na droga na maaring makaapekto sa pag-iisip ng isang tao at magdulot ng anxiety. Kadalasan, napapansin ito sa mga taong may alcohol o substance abuse.
May mga sakit na nagdudulot din ng sintomas ng anxiety gaya ng heart disease at thyroid problems. Kaya makakabuting kausapin ang iyong doktor kung sa palagay mo ay nakakaranas ka ng anxiety.
Malaki rin ang posibilidad na magkaroon ng anxiety ang mga taong may history ng mental health disorder, pang-aabuso, trauma at substance abuse.
Para sa mga bata, makakaapekto rin ang kanilang pagiging mahiyain at pagkakaroon ng mababang self-esteem sa posibilidad ng anxiety.
BASAHIN:
13 sintomas ng depresyon sa mga bata
7 signs na mayroon kang anxiety sa relasyon ninyong mag-asawa
Mga hakbang upang mabawasan ang stress at anxiety ng iyong anak
Kailan dapat humingi ng tulong?
Mahirap malaman kung ang takot at kabang iyong nararamdaman ang sintomas na ng anxiety. Pero kung nararanasan mo ang mga sumusunod, baka panahon na para kumonsulta sa doktor:
- Matinding takot at pag-aalala na nakakasagabal na ito sa iyong araw-araw na pamumuhay at pakikitungo sa ibang tao.
- Hindi mo makontrol ang takot o pag-aalala.
- Nakakaramdam ka na ng matinding kalungkutan at gumagamit ng mga bagay na delikado sa iyong kalusugan (gaya ng alak o droga) para makaraos sa iyong nararamdaman.
- Hindi ka na makapag-isip ng maayos dahil sa labis na pag-aalala.
- Nagkakaroon ng mga suicidal thoughts o naiisip na saktan ang sarili.
Kapag pumunta ka na sa iyong doktor, maaari niyang suriin ang iyong pangangatawan para matukoy kung ano ang nagiging sanhi ng sintomas ng anxiety. Kung hindi ito dulot ng medikal na kondisyon, maaari rin niyang ipayo na makipag-usap ka sa isang psychologist o psychiatrist.
Paano mababawasan ang sintomas ng anxiety?
Maaaring makatulong ang mga gamot o counselling at pakikipag-usap sa isang espesyalista para mabawasan ang mga sintomas ng anxiety, pero ang pangangalaga sa ating mental health ay isang mahaba at panghabang-buhay na proseso.
Narito ang mga bagay na maaaring makatulong na makabawas at makaiwas sa anxiety:
- Mag-ehersisyo.
- Umiwas sa labis na pag-inom ng alak.
- Huwag gumamit ng ipinagbabawal na gamot.
- Iwasan ang paninigarilyo at pag-inom ng mga caffeinated drinks.
- Umiwas sa stress.
- Magkaroon ng sapat na tulog at pahinga.
- Magkaroon ng isang journal kung saan puwede mong isulat ang mga nangyari sa buong araw at iyong mga nararamdaman.
Larawan mula sa Freepik
Paano maiiwasan at lalabanan ang anxiety sa mga bata?
Mga magulang, narito naman ang ilang bagay na dapat tandaan para maiwasan o mabawasan ang anxiety sa iyong anak:
- Siguruhin na malusog ang pangangatawan ng bata – kumain ng masustansiyang pagkain, mag-ehersisyo at magkaroon ng sapat na tulog at pahinga.
- Hayaan ang anak na makaramdam ng takot, pero turuan siyang i-manage ito.
- Hindi makakatulong sa iyong anak kung aalisin o laging iiwasan ang mga bagay na nagdadala sa kaniya ng takot at anxiety.
- Maging honest sa iyong anak sa mga haharaping sitwasyon – hindi makakatulong kung lagi mong poprotektahan ang iyong anak mula sa anumang pagsubok o pagkabigo. Kailangan mo siyang turuang harapin ito at palakasin ang loob niya.
Panatiliing malusog ang iyong pangangatawan at huwag mahiyang humingi ng tulong kapag mayroon kang napansing kakaiba sa iyong ikinikilos at nararamdaman.
Source:
Healthline, WebMD, Center for Disease Control and Prevention
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!