Ang pagiging isang magulang ay hindi lang nasusukat sa pagiging isang kadugo. Ito ay nasusukat sa pag-uugali, sa pagmamahal, at sa pagmamalasakit na ipinapakita ng isang tao. At para sa isang butihing taho vendor, siya ang nagsilbing pangalawang ama para sa isang mag-aaral ng UP Diliman.
At matapos ng ilang taon ng pagpupursigi, ipinakita ng abogado na si Alex Castro ang kaniyang pasasalamat sa lalakeng naging kaniyang pangalawang ama, si Tatay Dong.
“Tay, may abogado ka na,” ang kaniyang sambit sa taho vendor
Ayon kay Alex, noong 2009 raw niya unang nakilala si Tatay Dong, na nagbebenta ng taho sa UP Diliman. Galing raw siya sa isang broken family, at si Tatay Dong ang naging pangalawang ama niya sa Unibersidad.
Araw-araw raw ay nagkikita sila ng 7am ng umaga, dahil nagbebenta raw si Tatay Dong ng taho malapit sa building kung saan ang kaniyang mga klase. Madalas raw silang mag-usap noon habang kumakain siya ng taho. Dahil sa mga pag-uusap na ito, nalaman ni Tatay Dong na kapag pumapasok si Alex, ay hindi pa siya nakakapag-almusal. Mula nang malaman ito ni Tatay Dong ay araw-araw niyang binigyan ng mainit na baso ng taho si Alex upang magsilbing almusal niya.
Napakamaalaga raw sa kaniya ni Tatay Dong. Isang araw noong Disyembre 2009 ay napansin ni Tatay Dong na walang jacket si Alex, at maulan. Sa sunod na sila ay magkita, may iniabot si Tatay Dong kasama ng taho, ito ang kaniyang kaisa-isang jacket. Dagdag ni Alex, ayaw raw bawiin ni Tatay Dong ang bigay na jacket, at sinabi pa sa kaniya na “Nilaban ko na ‘yan, ‘Nak. Iyo na ‘yan.”
Pagtagal ay nakapag-ipon si Alex ng pambili ng jacket para kay Tatay Dong. Tuwang tuwa raw si Tatay Dong sa kaniyang natanggap, at kapag tinatanong raw siya ng kaniyang mga kaibigan ay sinasabi niyang, “Bigay ng anak ko yan.”
Malaki raw ang naging papel ni Tatay Dong sa buhay ni Alex
Dagdag pa ni Alex sa kaniyang post na napaka-maalaga raw ni Tatay Dong sa kaniya habang nag-aaral siya sa UP. Aniya, “I love you so much, ‘Tay. Thank you for taking care of me during all my years in UP. Thank you for always supporting me, whether it be in sports, campus politics, or law school. Thank you for always being there.”
Ngunit pagkatapos niyang mag-graduate, ay natigil ang kanilang mga pag-uusap. Naging busy raw si Alex, kaya’t halos hindi na sila nagkita ni Tatay Dong. Matapos ang ilang taon ay nagdesisyon si Alex na bumalik sa UP, upang kumustahin si Tatay Dong.
Halos dalawang taon na raw ang lumipas simula ng kaniyang huling pagpunta sa Unibersidad, at habang iniikot ang campus ay hinahanap niya ang butihing taho vendor.
Nabalitaan rin daw ni Tatay Dong na papunta si Alex sa UP, mula sa isa pang taho vendor kaya’t inabangan rin siya nito. Nang sila ay magkita, ang unang sambit sa kaniya ni Tatay Dong ay namiss raw niya ang kaniyang anak-anakan. Niyakap raw niya ng mahigpit si Tatay Dong at sinabi sa kaniya, “‘Tay, may abogado ka na.”
Sinabi rin sa kaniya ni Tatay Dong na, “Alam mo, nasa sa ‘kin pa yung jacket na binigay mo. Paminsan, tinitingnan ko yun, sinusuot. Tapos naaalala kita. Naiisip ko kung kamusta ka na. Abogado ka na pala.”
Ayon kay Alex, gusto raw niya na balang araw ay maging katulad siya ni Tatay Dong, isang butihin at maalagang magulang. Dahil nga galing siya sa isang broken family, si Tatay Dong ang nagsilbing ama niya, at role model niya.
“I hope I made you proud, ‘Tay. You deserve all the love in the world,” ang kaniyang naging mensahe para kay Tatay Dong.
Source: Rappler
Basahin: Amang iisa lang ang paa, mag-isang nagtatrabaho para maitaguyod ang pamilya
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!