Malaki ka bang magbuntis? Baka malaki rin si baby sa loob ng iyong tiyan!

undefined

Dapat bang maging malaki si baby habang ipinagbubuntis pa lamang siya? Alamin rito ang tamang laki ng baby sa loob ng tiyan.

Isang nanay, nagsilang ng 12 pounds na sanggol! Makakabuti ba kapag malaki mong ipinanganak ang bata? Alamin rito ang tamang laki ng baby sa loob ng tiyan.

Mababasa sa artikulong ito:

  • Nanay, nagsilang ng 12 lbs na sanggol
  • Posibleng komplikasyon kapag malaki ang baby sa loob ng tiyan
  • Tamang laki ng baby sa loob ng tiyan – mga dapat tandaan ni Mommy

Madalas nating marinig sa matatanda, “Huwag mong masyadong palakihin si baby habang ipinagbubuntis mo siya. Madali naman siya palakihin ‘pag labas niya.”

Ano nga kaya ang dahilan sa pahayag na ito? Makakasama ba kapag masyadong malaki ang bata na iyong ipinagbubuntis?

tamang laki ng baby sa loob ng tiyan

Larawan mula sa Freepik

Nanay, nagsilang ng 12 lbs na sanggol!

Kamakailan lang ay umikot sa social media ang balita tungkol sa isang nanay na nagsilang ng isang 12 lbs (tinatayang nasa 5.6 kilos) na sanggol.

Ipinakilala ng ina na si Erika Silence Weber ang kaniyang bigating baby sa Tiktok  bilang sagot sa isang challenge sa kung sino ang may pinakamalaking baby.

“So everyone keeps tagging me in this and telling me I should do this.” ani Weber. Kuwento ng ina, napag-alaman sa kaniyang huling ultrasound na nasa 9 lbs na ang kaniyang sanggol kaya nagdesisyon na sila magpa-schedule ng c-section.

Subalit bago pa dumating ang araw na iyon, nagsimula na siyang mag-labor kaya napaaga ang c-section at natuklasan nga nilang 12 lbs 6 ounces ang bigat ng kaniyang baby.

“At 37 weeks I went in for an ultrasound and my son was weighing in at 9lb 15oz so we scheduled for a c-section. I ended up being put into labour the day before c-section and I still went with a c-section because the doctor highly advised that, and… I had a baby that was 12lbs 6oz!”

Sari-sari naman ang reaksyon ng mga netizens. Maraming nagulat at namangha. Mayroon pa ngang nagsabi na mistula 3-taong gulang na ang batang isinilang ni Weber.

Malaki ba ang iyong ipinagbubuntis?

Isa sa mga bagay na laging tinitingnan ng doktor kapag nagpapa-check-up ang isang buntis ay ang kaniyang timbang. Binabantayan kasi nila kung sapat ba ang timbang na nadadagdag sa nanay habang siya’y nagbubuntis.

Isa rin itong paraan upang malaman ang timbang ng baby sa loob ng kaniyang tiyan, na maaaring makaapekto sa kaniyang panganganak o sa kalusugan ng sanggol.

Depende rin sa kalusugan ng nanay, maaari silang magsilang ng maliliit na sanggol, o gaya ng kaso sa balita, isang malaking baby.

Ang pagdadala ng malaking baby sa loob ng iyong tiyan ay tinatawag na macrosomia. Ito ay kapag isinilang ang sanggol nang mas malaki o mas mabigat sa average na gestational age, o kung ilang linggo sila sa uterus ng kanilang ina. Ang mga sanggol na may macrosomia ay nagtitimbang ng higit sa 8 lbs at 13 ounces.

Paano malalaman kung masyadong malaki si baby?

tamang laki ng baby sa loob ng tiyan

Larawan mula sa Pexels

Narito ang ilang paraang isinasagawa ng mga doktor para malaman kung tama ba ang laki ni baby sa loob ng tiyan:

  • Ultrasound – Sa pamamagitan ng isang utrasound, maaaring magkaroon ang iyong sonologist o OB-GYN ng ideya kung malaki ang baby sa iyong sinapupunan.
  • Pagsukat ng iyong fundus – Ito ang haba mula sa uterus hanggang sa pubic bone ng ina. Kapag mas mahaba ito sa average na sukat, maaaring senyales ito ng macrosomia.
  • Pagcheck ng amniotic fluid – kapag mas maraming amniotic fluid, ibig sabihin nito ay mas marami ang naiihi ng sanggol. Kapag malaki ang baby, mas marami itong naiihi.
  • Nonstress test  – Kapag masyadong malaki ang sanggol, maaaring mahirapan siyang gumalaw sa loob ng iyong tiyan.

Mga posibleng sanhi ng macrosomia

Ayon sa Healthline, 9 na porsyento ng mga batang ipinapanganak ay mayroong macrosomia. Bakit lumalaki ng sobra si baby sa loob ng tiyan? Narito ang ilang maaring dahilan:

  • may diabetes ang nanay
  • obese o masyado ring mabigat ang timbang ng nanay
  • genetic
  • mayroong medical condition ang bata

Maaari ring magkaroon ng macrosomia ang bata kapag:

  • mayroong diabetes ang ina bago pa man nabuntis o habang nagbubuntis (gestational diabetes)
  • obese ang nanay bago pa man ito magbuntis
  • masyadong bumigat ang nanay habang nagbubuntis
  • mayroong high blood pressure ang nanay habang nagbubuntis
  • nagsilang na ng malaking baby ang nanay sa dating pagbubuntis
  • lagpas na ng dalawang linggo sa iyong due date
  • mahigit 35-taong gulang na ang nanay

BASAHIN:

STUDY: Underweight, overweight at obese na buntis mataas ang tiyansang makaranas ng recurrent miscarriages

#AskDok: Paano mabuntis ang mataba? Alamin kung ano ang epekto ng timbang sa pagbubuntis

#AskDok: Puwede bang mag-diet habang buntis?

 

 
tamang laki ng baby sa loob ng tiyan

Larawan mula sa Pexels

Mga posibleng mangyari kapag masyadong malaki ang baby sa loob ng tiyan

Kapag masyadong malaki o mabigat ang sanggol na iyong ipinagbubuntis, ang unang sasabihin ng iyong OB-GYN ay “Baka mahirapan kang manganak.” Kadalasan, kapag masyadong malaki ang baby, sumasailalim ang nanay sa cesarean section para mailabas ng ligtas at malusog ang sanggol.

Narito pa ang mga posibleng komplikasyon na dala ng macrosomia para sa mag-ina:

  • Maaari itong makaapekto sa iyong panganganak.

Kapag masyadong malaki si baby, maaaring mahirapan siyang makalabas sa iyong birth canal. May mga kaso kung saan nakalabas na ang ulo ng sanggol subalit naiipit pa ang kaniyang balikat at naiiwan pa ang kaniyang katawan. Tinatawag itong shoulder dystocia.

Dahil rito, tumatagal ang labor, at nababawasan din ang oxygen na nakukuha sa sanggol. Sa mga ganitong kaso, maaaring kailanganin ng forceps o vaccum delivery para mailabas si baby, o kaya naman sumailalim na lang sa cesarean delivery.

  • Injury at excessive bleeding sa nanay matapos ang delivery

Habang lumalabas ang sanggol, maaari niyang mapunit ang perineal muscles ng kaniyang ina, at maaari rin itong magdulot ng matinding pagdurugo, maging kahit naipanganak na si baby.

  • Uterine rupture

Kapag masyadong malaki ang sanggol, maaari rin niyang mapunit ang iyong uterus sa kalagitnaan ng delivery, na lubhang delikado para sa mag-ina.

  • Obesity sa sanggol

Kapag malaki ang sanggol kapag siya ang ipinanganak, mas malaki ang posibilidad na maging obese rin siya hanggang sa kaniyang paglaki.

  • Abnormal blood sugar

Malaki rin ang posibilidad na maging mataas ang blood sugar ng sanggol, at maaari pang magkaroon ng diabetes sa kaniyang pagtanda.

Tamang laki ng baby sa loob ng tiyan – paalala kay Mommy

Paano mo masisigurong tama lang ang laki ni baby sa loob ng iyong tiyan? Narito ang ilang bagay na dapat mong tandaan:

  • Alamin kung ano ang tambang timbang habang nagbubuntis.

Natural ang pagdagdag ng timbang sa mga buntis. Pero kung masyadong mabilis ang paglobo ng iyong timbang, baka dapat ka nang kumonsulta sa iyong OB-GYN kung normal pa ba ito.

Ayon sa  American College of Obstetricians and Gynecologists (ACOG), kung normal ang iyong timbang bago ka mabuntis, maaari kang magdagdag ng 2-4 lbs sa unang trimester, 12-14 lbs sa ikalawang trimester at 8-10 lbs sa huling trimester. Ligtas din ang magdagdag ng 1 lb kada linggo sa ikalawa at huling trimester.

Narito naman ang isang guide mula sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) tungkol sa tamang pagdagdag ng timbang habang buntis:

Kung bago ka mabuntis, ikaw ay Pwede kang mag-gain ng
Underweight
BMI mas mababa sa 18.5
28-40 lbs (50-62 pounds kung kambal)
Normal Weight
BMI 18.5-24.9
25-35 lbs (37-54 lbs kung kambal)
Overweight
BMI 25.0-29.9
15-25 lbs (31-50 lbs kung kambal)
Obese
BMI ay 30.0 o higit pa
11- 20 lbs
  • Tamang nutrisyon

Habang ipinagbabawal naman sa karamihang buntis ang mag-diet, hindi naman ibig sabihin nito na malaya kang kumain ng kahit ano at kahit kailan mo gustuhin. Kailangan mo pa ring bantayan ang iyong timbang.

Makakatulong ang pagkain ng masusustansyang pagkain (na makakabuti rin kay baby) at umiwas sa pagkain o inuming maraming asukal at fats.

  • Mag-ehersisyo

Makakatulong ang paggalaw para mapanatili ang tamang timbang habang nagbubuntis at tamang laki ni baby sa loob ng tiyan.

Ayon sa CDC, sikaping magkaroon ng 150 minuto (dalawa’t kalahating oras) ng exercise habang nagbubuntis (puwera na lang kung ipinagbabawal ng iyong OB-GYN) gaya ng paglalakad o prenatal yoga. Makakatulong din ito para maiwasan ang pananakit ng likod at iba pang komplikasyong dala ng pagbubuntis.

Kung mayroon kang katanungan tungkol sa tamang timbang habang nagbubuntis, huwag mag-alinlangang kumonsulta sa iyong doktor.

Source:

Kidspot Australia, Healthline, CDC, WebMD

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!