Susubukan naming sagutin ang mga tanong niyo patungkol sa tamang posisyon at tamang pagpapasuso ng sanggol. Basahin ang mga kailangang alamin sa artikulong ito.
Kung ikaw ay isang first-time mom, ang iyong mga posisyon sa pagpapasuso at tamang oras ng pagpapasuso sa sanggol ay magiging komplikado sa umpisa hanggang sa matututunan mo na ito. Bilang isang bagong ina, ang maagang paghahanda ay makakatulong upang maging komportable ka.
Talaan ng Nilalaman
Tamang pagpapasuso sa sanggol
Ang pinakaunang desisyon tungkol sa kalusugan ni baby ay kung paano gagawin ang tamang pagpapasuso sa sanggol. Batay sa pagsasaliksik ng KidsHealth, inirerekomenda ng American Academy of Pediatrics (AAP) na ekslusibo at maging tamang pagpapasuso ang gawin sa sanggol sa loob ng unang 6 na buwan.
Kahit na magsimula na ang sanggol sa solid food, kailangan pa rin niyang mag-breastfeed haggang mag 1 taong gulang, o hangga’t kailan man gugusutuhin.
Pero, maaaring imposible o ayawan lalo na ng mga first time moms ang breastfeeding. Ang desisyon na mag-bebreastfeed o bottle feed ang baby ay nasa inyo mga moms. Kasamang nai-co-consider dito ang comfortability kapag nagpapasuso sa sanggol pati na ang lifestyle ng mommy.
Sa ibang kaso naman, maaaring hindi recommendable ang tamang pagpapasuso sa sanggol. Kung nais malaman, lalo na ng mga first time moms kung sila ba ay dapat na mag-breastfeed o bottle-feeding, itanong ito sa inyong pediatrician.
At lagi ding tandaan mga moms, ang nutritional at emotional needs ni baby ay matutugunan depende sa pagpili ninyo kung breastfeed siya o bottle feeding.
Tamang paraan ng pagpapasuso ng sanggol
Magandang ideya para sa mga first time moms na masimulan na ang breastfeeding o tamang paraan ng pagpapasuso ng sanggol ilang oras pagkatapos ipanganak si baby. Mas mainam din kung may nurse o lactation consultant na aalalay sa tamang paraan.
Bagaman instinct ng mga babies kung paano ang mag-suck ng nipple para dumede, ang pagpoposisyon sa kanilang labi at iyong nipples sa tamang pwesto ay posibleng dumaan sa trial and error. Maaaring dumulas ang kanilang labi mula sa nipple, halimbawa.
Isa rin sa pwedeng maging problema ay ang pagkakaroon ng strong latch.
Ito ang mga ilan sa karaniwang tamang paraan ng pagpaapsuso ng sanggol at mga posisyon na matatalakay mamaya:
- cradle hold
- football hold
- lying-down na posisyon
Isa rin sa makakatulong para sa tamang paraan ng pagpapasuso ng sanggol ay ang paglalagay lagi ng sa tamang posisyon ng unan o maayos na naituping kumot o tuwalya. Ito ay para sa maayos at komportableng posisyon ng baby habang dumede.
Tamang oras ng pagpapasuso sa sanggol
Ang tamang oras ng pagpapasuso sa sanggol ay karaniwang nasa 20 hanggang 30 minuto ang bawat feeding. Maaaring mas maikli o mas matagal dito—ito ay depende sa sanggol at sa appetite niya.
Siguraduhing maubos ang gatas sa bawat suso sa bawat feeding. Hintayin at pakiramdaman kung tapos na si baby sa isang suso, at huwag basta tanggalin ang una para lang ilipat sa kabila.
Kapag tapos na siya, siya rin ang mismong magtatapos at bibitiw sa pagkaka-latch. Ibigay—ngunit huwag ipilit—ang kabilang suso. Kung ayaw na niya pagkatapos sa unang suso, ibigay ang kabila sa susunod na magutom ito.
Karaniwang nakakatulog ang sanggol pagkatapos dumede, at magigising kapag gutom na ulit at handa na sa kabilang suso. Kung nakatulog na ito habang sumususo, tanggalin ang pagkaka-latch sa pamamagitan ng unti-unting pagpasok ng isang daliri sa gilid ng bibig ni baby.
Mga pangunahing hakbang para sa tamang posisyon sa pagpapasuso ng sanggol
- Iposisyon ang iyong katawan nang kumportable na nakalapat ang likod. Kumuha ng unan na susuporta sa iyong braso at kandungan at maglagay ng mababang upuan para naman sa iyong mga paa.
- Tiyaking malapit sa iyo ang iyong sanggol. Dapat nakabaluktot ang kanyang balakang upang hindi siya mahirapang abutin ang iyong suso. Ang kanyang bibig at ilong ay dapat nakaharap sa iyong utong. Kung maaari, magpatulong sa kasama sa bahay, upang masigurong kumportable ka na bago mo kunin ang iyong anak upang pasusuhin.
- Lagyan ng suporta ang iyong suso upang hindi ito nakadiin sa baba ng iyong sanggol.
- Ilapit ang iyong sanggol sa iyong suso. Himukin siyang ibuka ng malaki ang kanyang bibig at i-posisyon siya malapit sa iyo habang hawak mo ang kanyang likod (at hindi ang likuran ng kanyang ulo) upang ang kanyang baba ay papasok patungo sa iyong suso. Lalapat ang kanyang ilong sa iyong suso habang ang iyong mga kamay naman ay magsisilbing “pangalawang leeg” ng iyong sanggol.
Tamang posisyon sa pagpapasuso ng sanggol
Narito ang ilan sa mga karaniwang tamang posisyon na dapat malaman ng mga first time moms sa pagpapasuso ng kanilang sanggol.
1. Cradle hold
Ang cradle hold o ang paghawak sa bata na parang nakaduyan ay ang unang paraan ng paghawak na ginagawa ng mga ina sa kanilang mga bagong silang na sanggol. Paano ba ito ginagawa?
Una, ilagay ang ulo ng iyong anak sa nakabaluktot na parte ng iyong braso na kasalungat ang kanyang ilong sa iyong utong. Ang iyong kamay ang magsisilbing suporta ng kanyang likuran.
Pangalawa, itagilid papunta sa iyo ang iyong sanggol upang magkalapat ang inyong mga tiyan. I-angat mo siya ng dahan-dahan patungo sa iyong dibdib.
Maaari mong gamitin ang kabilang kamay upang suportahan ang iyong suso. At pang huli, hayaang nakakanlong sa iyong braso si baby, mas magandang nakatagilid siya kaysa sa nakalapat ang kanyang likuran. Maaari kang maglagay ng isang unan sa iyong kanlungan upang hindi ka na sumandal pasulong at hindi mamanhid ang iyong tagiliran.
2. Reverse Cradle Hold (Cross-Cradle)
Ang cross-cradle ay isa sa mga posisyon sa pagpapasuso na kabaligtaran ng cradle hold. Sa posisyong ito, malaya mong nakikita ang iyong anak habang ikaw ay nagpapasuso at may kakayahan kang kontrolin ang posisyon ng kanyang ulo.
Ito ay magandang alternatibong paghawak sa sanggol lalo na kung kinakailangan mo ng dagdag na suporta sa pagpapasuso. Sa ganitong posisyon, damang-dama mo ang pagiging isang Ina.
Gamitin ang posisyong ito kung:
- Ang sanggol ay nahihirapang sumuso.
- Kung madalas nabibitawan ng sanggol ang iyong utong habang ikaw ay nagpapasuso.
- Mga sanggol na maliit o kulang sa buwan.
3. Side-lying hold
Maraming ina ang nagsasabing ang mga posisyon sa pagpapasuso nang nakatagilid ay mas kumportable, lalo na sa gabi. Dito ang ina at ang sanggol ay magkaharap.
Maaari kang gumamit ng unan upang suportahan ang iyong likod o sa pagitan ng iyong mga hita upang matulungan kang maging kumportable.
Ang maliit na unan o nakarolyong kumot ay maaari mo ring gawing sandalan para sa iyong baby upang hindi siya gumulong palayo sa iyo.
Maaari mong hawakan ang iyong sanggol sa pamamagitan ng iyong braso habang ang kanyang likod ay nasa iyong bisig. At dahil nakabaluktot ang kanyang balakang at nasa isang posisyon ang kanyang tenga at balikat, malaya siyang nakakakuha ng gatas. May ilang ina ang nagsasabing malaking tulong ang posisyong ito sa kanila lalo na sa umaga.
4. Football hold
Pagpatung-patungin ang ilang pirasong unan sa ilalim ng iyong bisig, ilapag si baby sa iyong braso habang hawak ng kamay mo ang kanyang ulo.
Siguraduhin na ang iyong sanggol ay malapit sa iyong katawan katulad ng paglalaro ng football upang madali niyang maabot ang iyong utong.
Isa ito sa mga posisyon sa pagpapasuso na nakakapagod kaya naman kinakailangan ng maraming unan upang may suporta ang iyong braso.
Paano maging komportable sa pagpapasuso?
Ang pagpapasuso ay umaabot hanggang 40 minuto, kaya naman napakahalagang pumili ng lugar o puwesto para rito. Maghanap ng tahimik na lugar sa inyong bahay upang hindi ka magambala sa ingay o hindi naman kaya ay sa harap ng telebisyon upang hindi ka mainip.
Maaari ka ring magbasa ng libro o mag-internet habang nagpapasuso. Kailangan mo lang maghanap ng magandang lugar at mga posisyon sa pagpapasuso.
Hawakan ang iyong sanggol sa posisyong hindi mamamanhid ang iyong braso at likod. Maglagay ng malambot na unan sa ilalim ng iyong braso at likuran hangga’t maaari.
Kailangang kumportable ka at ang iyong baby bago ka magpasuso. Kung masakit ang paglapat ni baby, ihinto muna ang kaniyang pagsuso sa pamamagitan ng pagpasok ng iyong hinliliit sa pagitan ng bibig ni baby at ng iyong utong – at ulitin ang paglapat. Kapag tiyak ka nang maayos ang kanyang pagkakalapat, maaari ka nang mamahinga.
Tips sa tamang posisyon sa pagpapasuso ng sanggol: Parehong bahagi o isang bahagi?
Sa pagpapasuso, mahalagang pakiramdaman mo ang iyong sanggol. Maaaring gusto niyang makakuha ng gatas sa isang bahagi lamang ng iyong dibdib o maaari ring sa dalawa.
Ano ang tamang posisyon sa pagpapasuso ng sanggol kung ikaw ay caesarean?
Ang pinakamainam na mga posisyon sa pagpapasuso lalo na kung ikaw ay caesarean ay ang paghiga ng patagilid o ang paghilig ng bahagya.
Maaari kang maglagay ng malambot na unan sa iyong tiyan upang maiwasan na masipa ni baby ang iyong sugat. Ang paglalagay ng unan sa ilalim ng iyong braso ay makakatulong din para sa iyong kaginhawahan.
Sa pagpapasuso, lalo na kung nakahiga, hawakan ang iyong sanggol sa kanyang gilid. Ngayon, nakaharap ka na sa kanya at siya naman sa iyong nipple.
Bigyang alalay ang likuran ng iyong anak gamit ang iyong bisig. Maaari ka ring magpalit ng puwesto, ilagay lamang si baby sa iyong dibdib at pumihit patagilid. Sa susunod na mga araw, maaari mo nang subukang magpasuso ng tuwid naman ang iyong posisyon.
Ngunit sa paggawa nito, mas mabuting magpatulong sa kasama sa bahay lalo na at may sugat ka pa.
Ang football hold ay mainam na posisyon din para sa mga inang nanganak sa C-section at mga inang may malalaking suso o may maliliit na baby. Ang mga inang may kambal na anak na gustong magpasuso nang sabay ay maaari ring subukan ang ganitong posisyon.
Panoorin ang video na nasa ibaba upang mas matutunan pa ang tungkol sa mga posisyon sa pagpapasuso ng mga bagong silang na sanggol.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ Alonzo-Cruz
Karagdagang ulat mula kay Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.