Narito ang ilang mahalagang impormasyon tungkol sa tantrums ng bata.
Ang mga bata ay hindi nalalayo sa mga matatanda. Mayroon din silang mood swings na tinatawag. Habang ang ibang bata ay nakakaranas ng mild reaction, may ibang bata pa rin ang nakakaranas ng malalang tantrums. Lalo na kung hindi nasusunod ang kanilang gusto.
Hindi pagsunod sa utos at pagpapakita ng matinding galit, ito ang maaari mong asahan sa mga batang nagta-tantrums.
Normal na masasabi ang pagiging magagalitin ng isang bata. Ngunit kung ito ay madalas na at araw-araw, ito ay maaaring pagmulan ng antisocial behavior. Kung hindi ito bibigyang pansin ngayon, pwedeng madala niya ito paglaki at dito na maranasan ang ilang issue.
Maaaring nakakainis ang pagmamaktol o pagkakaroon ng tantrums ng bata. Pero bakit nga ba nangyayari ito?
Bilang magulang, responsibilidad natin na alamin ang pinagmumulan ng aksyong ito ng bata para mas maintindihan ang kanilang kinikilos at mabigay ang tamang paraan ng pagdidisiplina.
Narito ang ilang mahalagang kaalaman tungkol sa tantrums ng bata.
Talaan ng Nilalaman
Ano ba ang tantrums?
Ang tantrums o pagmamaktol ay karaniwan sa maliliit na bata. Ang mga toddlers at preschoolers ay wala pang sapat na kakayahan para ipahayag ang kanilang damdamin o kontrolin ang kanilang mga emosyon.
Kaya naman kapag nakakaramdam sila ng inis o frustration, maaari silang sumigaw, umiyak, o pumadyak ng kanilang mga paa para mapahayag ang kanilang gusto.
Habang lumalaki sila at natututong magsalita, nababawasan ang tantrums. Pero may mga batang matindi pa rin ang reaksyon kapag may hindi sila nakukuha. Sa mga teenager, maaari pa rin silang magpakita ng pagkainis o magtantrums kapag hindi nila gusto ang nangyayari sa kanila.
Tantrums ng bata
Ang tantrums ng inyong anak o ng bata ay madalas nakaka-frustrate. Pero bago tignan ito bilang disaster at negatibo, maaari rin ito magturo sa atin ng maraming learnings bilang magulang.
Ang tantrums ay maaaring makita sa iba’t ibang paraan at iba-ibang sitwasyon. Maaari itong mangyari bilang hindi magilang galit o umiiyak na bata, frustration, at hindi maintindihan na topak ng inyong anak. Nangyayari ito kapag, sa term nating mga Pinoy, ay tinoyo na naman ang ating mga anak.
Pwede ring habang nasa mall kayo ay biglang mag tantrums ang inyong anak. Posibleng sumigaw siya, naglalakad ng nakayuko, tinatamad gumalaw, naninipa, umiiyak at iba pa. Sa ibang kaso, nagpipigil ang bata na huminga, sumusuka, nagsisira ng gamit, o ‘di kaya ay sinasaktan ang sarili o ibang tao.
Kadalasan, ang tantrums ng bata ay maaaring makita sa edad 1 hanggang 3 taon. Kung may napapansing kakaiba na hindi na tantrums sa ugali ng bata, pumunta o lumapit agad sa isang espesyalista.
Umiiyak na bata
Bilang isang halimbawa ng tantrums, ang nagwawala at umiiyak na bata ang madalas na sitwasyon nito. Ito ay isang manipestasyon ng isang bata upang iparating ang gusto niyang hindi napagbigyan.
Madalas, ang ginagawa ng mga magulang ay hayaan ang umiiyak na bata dahil bahagi lang naman ito ng tantrums. Minsan, ang pag-iyak bilang tantrums ay nangangahulugan ding may iniindang sakit o masakit ang bata.
Ugali ng bata
Sa development ng bata, mabuting maintindihan lagi at mabantayan natin bilang parents ang ugali ng bata. Bagaman may pagkakataon na nakaka-stress o nakakapagod ang behavior o ugali ng bata, as parents na nakakaintindi, kailangang magabayan natin sila. Dagdag pa, kailangan na makita din natin kung mayroon na bang mali sa kanilang behavior at ugali.
Bilang batayan, narito ang 3 general na ugali ng bata:
- nakakatuwa, approved, at magagandang ugali ng bata
- may ugali at behavior na kung saan pwedeng i-tolerate, depende sa kondisyon
- mga ugali na hindi talaga pwedeng i-tolerate at payagang ulitin
Magagandang ugali ng bata
Narito ang ilan sa mga magagandang ugali ng bata:
- Sumusunod agad sa instruction ng parents
- Pagkatuto ng good manners
- Pakikipaglaro sa ibang bata at pagkatuto na maging sports
- Pakikipag-usap ng maayos sa ibang tao
- Maayos at tamang paggamit ng kasilyas
- Hindi paninigaw sa ibang tao kapag may gusto
Ano ba ang sanhi ng tantrums?
Ayon sa mga pag-aaral, ang ikinikilos ng bata habang siya ay nagta-tantrums ay ayon din sa emosyon na kaniyang nararamdaman.
Dapat maintindihan ng mga magulang na hindi sa lahat ng oras ay galit ang pinagmumulan ng pagmamaktol ng bata. Minsan ay dahil ito sa distress o pagkabalisa.
Ayon sa pag-aaral, ang pagsigaw o paglalakad ng paikot-ikot ng bata ay kadalasang sanhi ng galit. Samantala ang pag-untog nila ng kanilang ulo sa isang bagay, o pagtatanggal ng damit ay maaaring dahil hindi nila alam kung paano sila hihingi ng tulong.
Ang temper tantrum ay posibleng isa ring senyales ng Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD), anxiety, autism, learning disability o sensory processing issue. May kaugnayan din ito sa disruptive behavior disorder.
Nahahati ito sa dalawang uri: Oppositional defiant disorder (ODD) at conduct disorder (CD). Sa karaniwang kaso, ang mga batang nandito ay hilig na ang mang-away o sumuway sa isang utos.
Ang mga batang may ODD ay nagpapakita ng senyales ng pagiging agresibo o masama sa ibang tao. Maaaring ma-develop nila ang anxiety at depression sa kanilang paglaki.
Habang ang mga batang may CD naman, ang kanilang aksyon ay may halong bullying, paggamit ng weapon, paninira ng gamit, pagsisinungaling at pagnanakaw.
Tantrums, pwedeng senyales ng depression sa mga bata
Bagamat natural lang ang tantrums lalo na sa maliliit na bata, posible rin na isa itong senyales ng isang mental disorder na depression.
Ayon sa isang pag-aaral na tiningnan ang ikinikilos ng ilang preschoolers, ang mga batang may depression ay nagpapakita rin ng ilang aggressive actions o nagiging bayolente, naninira ng mga bagay, o nananakit ng ibang tao at maging ang kanilang sarili.
Gaano katagal ang tantrums ng bata?
Ayon sa Psychology Today, ang average na haba ng tantrums ng bata ay tumatagal lang ng 3.5 minuto.
Ito ang natuklasan sa isang pag-aaral kung saan ang average na haba ng tantrum ay 3 minuto at 24 segundo, at 27 minuto naman ang pinakamatagal.
Nalaman din sa pag-aaral na ito na habang tumatagal ang tantrum ng bata, nababawasan ang posibilidad ng aggression o pananakit.
Ito ang dapat tandaan ng mga magulang kapag nahihirapang patahanin ang kanilang anak – matatapos din ‘yan.
Kailan dapat mag-alala sa temper tantums ng bata?
Komplikado ang temper tantrum ng isang bata sa ganitong sitwasyon. Ngunit narito ang mga dapat mong abangan na senyales:
1. Galit
Itinuturing na kaaway ng mga bata ang kanilang tagapag-alaga kapag mayroon silang temper tantrum. Hindi lang tao ang kanilang mapapansin. Nariyan ang mga gamit sa bahay, laruan, libro o iba pa.
Dadating sa punto na makakasakit na ang iyong anak. Maninipa o manununtok sa kanilang caregiver. Kadalasan itong hindi pinapansin ngunit ito ay nakakabahala sa mga bata.
2. Self-harm
Isa itong seryosong issue na kailangang bigyan ng pansin ng mga magulang. Maaari nilang saktan ang kanilang mga sarili. Katulad ng pagkagat o pagkalmot.
May iba pang bata na inuuntog nila ang kanilang sarili sa pader.
3. Madalas na pagwawala
Pasok sa usapan na ito ang pagwawala ng iyong anak na tumatagal ng 15-20 kada buwan. Seryosong kondisyon ito dahil halos tumatakbo na lang ang oras mo para pakalmahin ang iyong nagwawalang anak.
4. Matagal na pagwawala
Ang tantrums na ito ay maaaring tumagal ng 25 hanggang 30 minuto. Matagal na ito kung tutuusin. Kung ganito ang kondisyon ng iyong anak, mas mabuting dalhin siya sa isang child psychologist.
5. Hindi makalma
Minsan, ang temper tantrum na ito ay dumadating sa punto na maski ang mga bata ay hindi na kayang kontrolin ang kanilang sarili. Malaking issue ito sa mga pampublikong lugar katulad ng mall, grocery store o family occasion.
Kung hindi mo maalis sa sitwasyon na ito ang iyong anak, maituturing na itong seryosong kondisyon.
Tantrums o meltdown na?
Marahil ay narinig mo na rin ang salitang meltdown na may kaugnayan kapag ang bata ay nagmamaktol at hindi mapatahan ng magulang.
Subalit ano nga ba ang pagkakaiba ng tantrums sa meltdown?
Gaya ng nabanggit, ang tantrums ay kadalasang ikinikilos ng isang bata kapag mayroon siyang hindi maipahayag o hindi niya nakukuha ang kaniyang gusto.
Bagama’t nakakainis, mabilis lang ang itinatagal nito. At maaaring tumigil ang bata sa pagta-tantrum kapag nasolusyunan na ang kaniyang problema o kaya naman ay hindi na nila nakikita ang rason kung bakit nila kailangang magmaktol.
Minsan, mapapansin mo na titigil ang bata sa kaniyang tantrum kapag may ibang taong nanonood o nakatingin sa kaniya. Sa madaling salita, mayroong kontrol (gaano man kakaunti) ang bata sa kaniyang ikinikilos.
Ang meltdown naman ay ang reaksyon ng bata kapag siya ay nao-overwhelm o nababalisa. Kadalasan, hindi ito kontrolado ng bata.
Bakit nagiging iyakin ang bata?
Maraming dahilan kung bakit nagiging iyakin ang bata. Hindi pa kasi fully develop kung paano siya magre-respond emotionally. Kaya naman sa pag-iyak niya ito naipapahayag kahit na marunong na siyang magsalita.
Kadalasan nagiging iyakin ang bata kapag frustrated o hindi niya nakukuha ang gusto niya. Ganun kapag may masakit sa kaniya at hindi niya maintindihan kung bakit ito nangyayari. Puwede rin dahil natatakot o hindi siya kumportable.
Bakit nagkakaroon ng meltdown?
Maraming sitwasyon ang maaring mag-trigger ng meltdowns, depende sa tao. Maaaring sakit, takot, o kaya hindi inaasahang pagbabago sa kanilang nakasanayan o routine.
Para sa mga bata at sa ibang matatanda, maaari silang makaranas ng meltdown kapag masyadong maraming impormasyon ang nakukuha nila sa kanilang paligid.
Pwede rin na masyadong nasi-stimulate ang kanilang utak kapag nagkakasabay-sabay ang kanilang nakikita, ingay o amoy sa kanilang paligid.
Nahihirapan ang brain na i-proseso lahat ng ito. Ito ang tinatawag na sensory overload.
Kadalasan, nangyayari ito sa bata kapag siya ay nasa isang pampublikong lugar kung saan marami siyang nakikita o naririnig, o kaya naman siksikan o masyadong maraming bagay sa kaniyang paligid.
Ayon sa ilang eksperto, nangyayari ang meltdown bilang isang fight or flight response. Kapag hindi mapaliwanag ng bata ang kanilang nararamdaman at natatakot sila sa lahat ng nangyayari sa kanilang paligid, maaaring lumabas ang kanilang damdamin sa pamamagitan ng pag-iyak, pagsigaw, o maging biglang pananahimik na halos hindi mo maipaliwanag.
Ayon sa website na Understood.org, kapag nakakaranas nito ang isang bata, mayroong dalawang paraan para tapusin ang meltdown.
- Babaguhin o babawasan ang sensory input. Para sa mga bata, pwede natin silang dalhin sa mas tahimik na lugar kung saan walang gaanong tao o distractions sa paligid.
- Hayaan lang sila. May mga bata na titigil na lang kapag sila ay napagod. Mayroon namang bigla na lang mananahimik habang nagre-reset ang kanilang nervous system.
Ano ang gagawin sa batang may tantrums?
Bagamat totoo na mas madalas nakakaranas ng tantrums ang maliliit na bata, may mga preschoolers na sa kanilang murang edad ay kaya nang kontrolin ang kanilang sarili at kanilang emosyon para makaiwas sa tantrums.
Kaya naman mahalaga na habang bata pa sila ay turuan na rin agad ang mga bata ng self-regulation skills at nang mabawasan ang pagmamaktol o tantrums ng bata.
Ayon, kay Teacher Gabby Roa-Limjoco, sa FB live ng Knowledge Channel na may title na talkED: Early Childhood, hosted by Bianca Gonzales, halimbawa umano kapag nag-tantrums ang bata pagkatapos kunin ang kaniyang gadget,
“Sometimes, minamadali natin sila, biglang kukunin na lang ng parent, i-off na. And then itatago na. Give them time rin, to know, ‘yon nga yung 5 mins, 3 mins para they can prepare themselves. And then be firm, ‘pag sinabi niyo na ‘yon be firm with that time.”
Isang pang tip ni Teacher Gabby, ay dapat maging ready tayo sa iba pang activity na ipapagawa natin sa ating mga anak. Lalo na after niyang gumamit ng gadgets.
Turuan silang magpahayag ng kanilang emosyon
Ayon sa isang pag-aaral, nakakaapekto rin ang kakayahan ng bata na magsalita sa dalas ng kaniyang pagta-tantrum. Inobserbahan ng ilang researchers ang language skills ng ilang preschoolers edad 1 hanggang 3 sa kanilang pag-aaral.
Natuklasan nila na ang mga batang may limitadong vocabulary ay may mas matinding temper tantrums kumpara sa mga bata na may kakayahan nang magsabi ng kanilang nararamdaman.
Minsan, sa kagustuhan nating tumigil na sila sa pag-iyak o pagsigaw, ibinibigay natin ang gusto nila. O kaya naman, hinahayaan lang nating matapos ang kanilang tantrum nang hindi natin ito pinapansin o hindi natin tinatama.
Pero ano nga bang dapat gawin sa tantrums ng bata?
Ayon sa Big Little Feelings, mga eksperto sa child discipline sa Amerika, mayroong tatlong hakbang para mabawasan o matigil ang pagta-tantrums ng iyong anak.
1. Hayaan silang maramdaman ang kanilang emosyon.
Kapag nagta-tantrums ang bata, marahil ay hindi niya alam kung paano maipapahayag ang “big feelings” o malaking emosyon na nararamdaman niya. Bilang magulang, tungkulin natin na tulungan silang ma-express ang feeling na iyon at makapag-cope sila sa tamang paraan.
Gusto ng bata na malaman na nakikita natin o naiintindihan natin ang nararamdaman nila. Kaya sa halip na patigilin lang sila basta, mas makakabuti kung pakikinggan mo ang iyong anak at ipaparating mo na naiintindihan mo siya.
Halimbawa: “Alam ko malungkot ka kasi hindi mo nakuha ang green na bowl. Okay lang malungkot, anak.”
“Kailangan nang isauli kay Mommy ang iPad. Alam ko nakakainis dahil gusto mo pang manood. Mahirap nga ‘yan.”
Mapapansin na sinang-ayunan mo lang ang nararamdaman ng bata, at hindi ang kaniyang ikinikilos.
2. Ipaalam sa kanilang ang boundaries.
Ngayong alam nilang nakikinig ka at naiintindihan mo sila, kailangan mong ipaliwanag sa kanila kung ano ang dapat at hindi nila dapat gawin.
Kailangan ng bata ng structure para mabawasan ang kaniyang pagta-tantrums at matutunan niya kung ano ang dapat niyang gawin kapag hindi niya nakukuha ang gusto niya.
Pagkatapos mong iparamdam sa iyong anak na naiintidihan mo siya, sundan mo agad ito ng pagsasabi sa kaniya ng boundaries.
Halimbawa: “Alam ko malungkot ka kasi hindi mo nakuha ang green na bowl. Okay lang malungkot, anak, pero hindi talaga pwedeng kunin ang bowl na ‘yan.”
“Kailangan nang isauli kay Mommy ang iPad. Alam ko nakakainis dahil gusto mo pang manood. Mahirap nga ‘yan, pero time’s up na sa iPad at oras na para kumain.”
Tandaan, hindi ka nakikipag-negotiate sa bata. Sinasabi mo lang ang facts na dapat niyang gawin.
3. Mag-focus sa YES sa halip na No.
Kapag madalas nilang marinig ang salitang “no,” nagiging frustrated ang bata dahil hindi niya laging nakukuha ang kaniyang gusto.
Kaya naman dapat mas magfocus sa pag-yes sa iyong anak. Hindi ibig-sabihin nito na ibibigay mo lahat ng gusto niya. Ang ibig-sabihin lang nito ay dapat mong bigyan siya ng lugar para ikatuwa niya o maramdaman niya na may choice siya.
Halimbawa:
“Alam ko malungkot ka kasi hindi mo nakuha ang green na bowl. Okay lang malungkot, anak, pero hindi talaga pwedeng kunin ang bowl na ‘yan. Anong gusto mong laruin pagkatapos nating kumain?”
“Kailangan nang isauli kay Mommy ang iPad. Alam ko nakakainis dahil gusto mo pang manood. Mahirap nga ‘yan, pero time’s up na sa iPad at oras na para kumain. Anong baso ang gusto mong gamitin sa dinner?”
Kapag madalas mong sinubukan ang mga paraang ito, mapapansin na mas mabilis ang pagtigil ng pagmamaktol, at mababawasan ang pagta-tantrums ng iyong anak.
Alam naming nakaka-stress kapag umiiyak o nagmamaktol ang bata. Pero bilang magulang, dapat ay maging mabuting role model tayo para sa ating anak. Kaya kung napapansin mong umiinit na ang iyong ulo dahil sa kaniyang tantrums, iwasan ang sumigaw at magalit. Sa halip, kontrolin ang sarili at manatiling kalmado.
Maging sa pagdidisiplina sa ating anak, iparamdam pa rin natin sa kanila na mahal natin sila. At kasama nila tayo sa anumang pinagdaraanan nila.
Paano baguhin ang ugali ng bata?
Pinagpapatuloy at inuulit ng isang bata ang kanyang ugali at behavior kapag binibigyan siya ng reward. Samantala, itinitigil naman niya ito kapag nai-ignore ang ugali.
Ang pagiging consistent sa ganitong practice bilang parents ay mahalaga, dahil ang rewarding at punishing sa ugali ng bata sa magkakaibang pagkakataon ay nakakalito para sa kanila.
Paano ba baguhin ang ugali ng isang bata? Narito ang mahahalagang choices kung paano baguhin ang ugali ng bata:
- Mag-decide na ang ugali ng inyong anak ay hindi ang problema, dahil appropriate ito para sa kanilang edad at stage ng development nila.
- Subuking pigilan ang isang behavior o ugali sa pamamagitan ng pag-ignore dito o pagpaparusa sa akmang paraan.
- Mag-introduce ng bagong paraan kung paano mag-behave o ng bagong ugali na magiging akma sa pakikipagkapwa niya. Bigyan ng reward ang bata kapag nagagawa niya ito.
Kung hindi nagiging epektibo ang ganitong choices, at napapansing may hindi na tama sa behavior ng anak, dumulog sa pinakamalapit na child psychologist upang mas maintindihan ang inyong anak.
Translated with permission from theAsianparent Singapore
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio, Marhiel Garrote at Nathanielle Torre
Psychology Today, Understood.org, Big Little Feelings, Mayo Clinic, Kids Health, Raising Children, Healthy Children, Familyman
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.