Tax deductions ng work from home employees isinusulong sa senado. Ayon kay Sen. Francis Tolentino, ito ay dahil masyadong malaki na ang ibinabayad ng mga work from home employees sa kuryenteng kanilang nakokonsumo.
Tax deductions work from home employees
Nitong Lunes sa ginanap na Senate energy committee hearing ay iminungkahi ni Sen. Francis Tolentino na bawasan ang tax o buwis na ipinapataw sa mga work from home employees. Paliwanag ni Sen. Tolentino, ito ay dahil sa mga nakalipas na buwan ay nadagdagan ang kanilang binabayarang bill sa kuryenteng na-konsumo. At isang paraan umano ito upang ma-address ang mga reklamo ng mataas na kuryenteng singil ng Meralco bunsod ng ipinatutupad na quarantine ngayong may COVID-19 pandemic.
Dagdag pa ni Tolentino, karapat-dapat lang na mabigyan ng tax deductions ang work from home employees. Sapagkat malaki ang naging kabawasan sa gastos ng kanilang employer. Dahil una ay hindi na sila nagpupunta ng opisina at hindi na gumagamit doon ng kuryente para sa ilaw at aircon. At sa halip ay nadagdag ito sa kanilang expenses o bayarin sa kanilang electric bill sa bahay.
“Ito pong ginastos ng ating mga nagtatrabaho sa bahay, pwedeng ikarga bilang deductible expense sa pagbabayad ng buwis dahil po nabawasan ang gastos ng kanilang pinapasukan. Whether this is a government agency or a private corporation.” .
“Hindi na sila nagtatrabaho doon sa opisina nila, hindi kumo-konsumo ng aircon at kuryente. Dahil nagtatrabaho sila sa bahay, dadagdag po dun sa kanilang gastusin.”
Ito ang pagpapaliwanag ni Tolentino.
Kaya naman, dagdag pa niya ay magpa-file siya ng isang bill tungkol sa proposal na ito. Ito ay upang magbigyan ng “tax relief” ang mga work from home employees na pangunahing naapektuhan ng additional electricity consumption nitong mga nakaraang buwan.
“Because he was able to produce something for the government office or for a private employer, he is entitled to some tax relief”, pahayag pa ni Tolentino.
Tumaas ng 30% ang electricity consumption nitong lockdown ayon sa Meralco
Sa mismong hearing ay pinagtibay naman ng Meralco o Manila Electric Company ang claim na ito ni Tolentino. Ayon sa kanila ay nagkaroon nga ng 30% na pagtaas sa electricity consumption ng kanilang mga customers nitong mga nakaraang buwan. Ito ay bunsod ng ipinatupad na enhanced community quarantine. Kung saan kinailangan ng karamihan sa atin na manatili sa loob ng bahay. Ito ay upang makontrol ang pagkalat ng sakit na COVID-19 sa bansa.
“Dahil maiinit ang panahon, nakakadagdag din po ito. Ang electric fan, aircon naka-on. Ang mga ref natin mas madalas binubuksan kaya nakakadagdag ‘yun,”
Ito ang pahayag ni Meralco President and Chief Executive Officer Ray Espinosa sa isinagawang senate hearing.
Pagdami ng bilang ng mga empleyadong nag-wowork from home
Samantala, ayon sa isang Lenovo global study, ang work-from-home trend ay nagaganap na bago pa man ang COVID-19 pandemic. Sa katunayan, 87% ng mga empleyado na nakilahok sa pag-aaral ang nagsabing sila ay handa sa work set-up na ito kung i-rerequire o pahihintulutan ng kanilang employer.
“Our survey suggests that the employee experience was already changing before the pandemic hit.”
“While our current situation is extraordinary, we are seeing a real willingness from workers to adapt and adopt flexible work arrangements. This confirms that corporate technology investments are paying off. As most people now feel productive at home and believe that the work force will move more in this direction once the crisis has passed.”
Ito ang pahayag ni Michael Ngan, president at general manager ng Lenovo Philippines.
Dagdag pa niya ang work-from-home scheme ay isang paraan rin na naisip ng maraming employers upang mabawasan ang mabigat na traffic sa Metro Manila. Kaya naman maraming empleyado rin ang gusto o mas pinipili ang work set-up na ito.
Payo pa ni Ngan, ngayon sa gitna ng COVID-19 pandemic ay dapat matuto ng mag-adjust ang mga kompanya sa bagong work set-up na ito. Ito ay upang magpatuloy ang kanilang negosyo at hindi nito maapektuhan ng health crisis na bumabalot sa mundo.
“At a time when all companies need to navigate uncertainty and keep their business running, technology enables them to keep moving forward. Companies need to adjust now and ensure their employees have the video tools, technology, and training required to succeed today and, in a future, where more remote working may be the norm.”
Ito ang dagda pang pahayag ni Ngan.
Work from home law sa Pilipinas
Nitong nakaraang taon ganap ng naging isang batas ang Republic Act No. 11165 o work from home law.
Ang work from home law o Telecommuting Act ay ang batas na kumikilala sa telecommuting bilang isang legitimate na work arrangement. Na kung saan ang isang manggagawa o empleyado ay nagtratrabaho sa alternative workplace gaya ng kaniyang bahay. At isinasagawa ang kaniyang trabaho sa pamamagitan ng telecommunications o iba pang computer technologies.
Ang batas na ito ay kilala rin bilang Republic Act No. 11165 na nauna ng nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Disyembre ng nakaraang taon.
Maliban sa layunin ng batas na ito na mag-promote ng work-life balance at ma-address ang traffic congestion sa Pilipinas, nilalayon din nito na maprotektahan ang karapatan ng mga mangagawa o employee na sakop ng work arrangement na tinutukoy rito.
Benepisyong matatanggap ng mga work from home employees
Ayon sa work from home law, ang mga empleyadong sakop ng batas na ito ay dapat ding may pantay na karapatan sa regular na empleyado gaya ng sumusunod:
- Makatanggap ng rate of pay na kabilang ang overtime, night shift differential at iba pang monetary benefits. Ito ay dapat hindi bababa sa mga nakasaad sa mga applicable laws at collective bargaining agreements na may kaugnayan rito.
- Pagkakaroon ng rest periods, regular holidays at special non-working holidays
- Kaparehong workload o dami ng trabaho at performance standards tulad ng nagtratrabaho sa opisina ng parehong employer
- Karapatan sa pagkakaroon ng training at career development opportunities pati narin sa appraisal policies
- Makatanggap ng kaukulang training sa technical equipment na kanilang kailangang gamitin pati narin sa kondisyon at characteristics ng telecommuting
- Parehong karapatan sa mga empleyadong nagtratrabaho sa opisina ng kanilang employer at may malayang komunikasyon sa mga worker’s representative.
Source:
ABS-CBN News, Inquirer News, Manila Bulletin, Rappler
8 effective work from home tips para sa mga parents
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!