Teacher sa Baguio nag positibo sa COVID 19, pamilya nahawaan. Isa sa miyembro ng nasabing pamilya nagpakilala sa publiko. Siya ay humingi ng tawad sa kanilang mga nakasalimuha na posibleng nahawaan rin ng sakit.
Teacher sa Baguio nag positibo sa COVID 19
Isang public school teacher sa Baguio City ang nahawaan ng sakit na COVID-19 habang naghahanda ng module na kakailanganin ngayong pasukan. Ang nasabing guro nahawaan ang iba pang miyembro ng kaniyang pamilya. Kabilang na ang kapatid niya na isa ring guro, mga magulang at tiyahin.
Upang mapabilis ang contact tracing ay naglakas loob ang kapatid ng guro na si Norberto Rodillas na magpakilala sa publiko. Siya rin ay humingi ng tawad sa mga taong kanilang nakasalimuha na posibleng nahawaan rin ng sakit.
Ang kaniyang pagsasapubliko ay ginawa niya sa pamamagitan ng isang sulat na ibinahagi naman sa Facebook ng Baguio City Public Information Office.
Mensahe sa publiko ng gurong si Norberto Rodillas
Sa kaniyang mensahe ay nagpakilala si Norberto Rodillas na isang guro sa isang pampublikong paaralan sa Baguio City. Ito rin ang propesyon na ipinagmamalaki ng kaniyang mga kapatid na minana pa nila sa kanilang mga magulang. Hindi nila inakala na ang propesyong ring ito ang magiging paraan upang mahawaan sila ng kumakalat na sakit na COVID-19.
“Ako ay isang taong nahawaan ng nakakamatay na sakit, ang COVID-19. Noong una halos hindi ko alam ang aking gagawin.”
“Ako ay nalungkot, natakot at halos umiyak. Sa kadahilanang ang aking mga magulang at kapatid ay nasa hospital na dahil sa parehong sakit.”
Ito ang unang bahagi ng liham ni Rodillas.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Baguio City, unang nagka-COVID-19 ang ate ni Rodillas na isa ring guro. At ito ay kaniyang nakuha ng siya ay pumapasok sa eskwelahan upang maghanda ng gagamiting module ng kaniyang mga estudyante ngayong darating na pasukan.
“His older sister contracted the virus while working— preparing the modules with the other teachers in preparation for the resumption of classes. Then one after the other, the other members of the family tested positive.”
Ito ang pahayag mula sa Baguio City Public Information Office.
Pagpapasalamat dahil hindi nakaranas ng diskrimasyon
Dagdag naman ni Rodillas, dalawang beses siyang nagpa-swab test para matukoy kung siya nga ay infected ng sakit. Una, ang resulta ng test ay negative. Ngunit sa pangalawang swab test ay umaasa na siya na magiging positibo ito. Dahil siya ay nakakaranas na ng sintomas ng sakit. At ang kaniyang mga magulang, kapatid at tiyahin ay nag-positibo na rito. Tanging ang dalawa niyang pamangkin lamang ang lumabas na negatibo sa COVID-19.
Masakit man umanong tanggapin ang katotohanan ay wala ng magagawa si Rodillas kung hindi ang magpakatatag. Maliban sa pagdadasal ay naging malaking tulong rin daw ang mga magagandang mensahe na nagmumula sa mga kapwa niya guro, kaibigan at kamag-anak. Dahil sa kabila ng pagkakaroon ng nakakahawaang sakit ay hindi na sila nakatanggap ng diskriminasyon mula sa mga ito.
“Mga magagandang messages ng aking kapwa guro, kaibigan, kumare, kumpare at kamag-anak ang siyang nagbibigay lakas at sigla sa akin habang nasa hospital ako.”
Pinuri rin niya ang ginagawang hakbang ng Baguio City local government upang malabanan ang kumakalat na sakit. At nagbigay paalala sa mga kapwa niya mamamayan.
“Dapat nating disiplinahin ang sarili at protektahan ng maigi ang katawan sa pagsunod sa tamang paggamit ng face mask, paghuhugas ng kamay na may sabon, paggamit ng alcohol sa kamay at social distancing. Huwag muna tayong magpapasaway dahil kung nahawaan ka ng sakit problema ka ng pamilya at gobyerno ng ating lugar.”
Paghingi ng tawad sa mga taong nakasalimuha at posibleng nahawaan ng sakit
Sa huli ay humingi ng tawad si Rodillas sa kanilang mga nakasalimuha. Dahil tulad ng kaniyang pamilya ay maaring nahawaan rin ang mga ito ng sakit. Pinasalamatan niya rin ang mga ito sa kanilang pag-unawa at patuloy na pagpapakita ng simpatiya sa kanilang pamilya.
“Sa aking mga kapwa guro, kaibigan, kamag-anak at kapitbahay na aming nilapitan taus puso kaming humihingi ng paumanhin sa nangyari. Ang ating Panginoon na lamang ang gaganti sa inyong malawak na pag uunawa sa nangyari sa aming pamilya.”
Dahil sa nangyaring local transmission sa kanilang pamilya ay isinailalim sa hard lockdown ang barangay kung saan nakatira sila Rodillas.
COVID-19 assistance para sa mga guro
Dahil sa kasalukuyang kondisyon ng pamilya ni Rodillas ay mas nagdedemand ang mga guro na magbigyan sila ng assistance kontra COVID-19. Ito ay dahil mas dumadami na ang na-rereport na guro na nagpopositibo sa sakit. At kinatatakot nilang mas dumami pa ito sa nalalapit na pagbubukas klase.
Ayon sa DepEd, sa ngayon ay wala pa silang budget na mailalaan para rito. Pero ayon naman kay Vice President Leni Robredo ay hahanap sila ng pondo mula sa DepEd budget upang mapagbigyan ang kahilingang ito ng mga guro.
Source:
Rappler, ABS-CBN News
BASAHIN:
STUDY: Mga gumagamit ng vape, mas mataas ang chance na magkaroon ng COVID-19
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!