Hindi biro ang impeksiyon na nakukuha mula sa virus na nagiging sanhi ng rubella o mas kilala sa tawag na tigdas hangin. Nakikita kaagad ang sintomas sa balat at inaatake ng virus ang lymph nodes. Hindi man ito delikado para sa mga bata tulad ng tigdas, malubha ang magiging epekto ng tigdas hangin sa buntis, lalo na sa mga batang nasa sinapupunan.
Importanteng impormasyon tungkol sa tigdas hangin sa buntis
Sintomas
Unang mapapansin ang mababang lagnat o di kaya ay sinat, bahagyang pananakit ng katawan, kasunod ng rashes sa balat, ayon kay Apple Tagatha, RN, isang nurse. Minsan ay namumula ang mga mata. Mapapansin din ang pamamaga ng kulani o lymph nodes. May mga nakakaramdam din ng pananakit ng kasu-kasuan. Karaniwang tumatagal ang kondisyon na ito ng hanggang tatlong araw, bagamat may mga taong hindi man lang napapansin na may tigdas hangin na pala sila dahil “mild” lang ang mga sintomas.
Nakakahawa ba ito?
Kumakalat ang tigdas hangin sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahing, at kapag may kasama kang mayron nang virus, sa isang kuwarto, opisina, o bahay. At kapag nagkaron ng tigdas hangin habang buntis, maipapasa ito sa sanggol sa sinapupunan. May panganib din na malaglag ang sanggol sa sinapupunan, o maipanganak ito ng stillbirth o walang buhay. Pinakadelikado ang pagkahawa sa unang 12 linggo (unang trimester) ng pagbubuntis at pinakanakakahawa ang tigdas hanging ilang araw bago at pagkatapos maglabasan ng rashes sa balat.
Kapag nahawaan ng tigdas hangin sa unang trimester ng pagbubuntis, malaki ang posibilidad na magkakaron ng problema sa kalusugan ang sanggol pagkapanganak. Karaniwang nagkakaron ng problema sa mata o paningin, pandinig, at puso.
Kapag nahawa sa ikalawang trimester, maaaring maging mild lamang ang epekto nito sa bata, at kapag nasa ikatlong trimester na, karaniwang walang nakikitang problema sa sanggol.
Proteksiyon sa tigdas hangin
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDCP) at Department of Health (DOH), bakuna ang pinakamabisang proteksiyon laban sa tigdas hangin. Payo ng mga doktor, kumunsulta sa OB GYN kung nagpaplanong magbuntis, para makapagpabakuna kaagad. Hindi maaaring mabakunahan ng MMR vaccine ang isang nagbubuntis. Kapag nabakunahan na, kailangang maghintay ng higit sa apat na linggo bago ulit magplanong magbuntis.
Kung hindi sigurado kung ikaw ay nabakunahan na, maaaring magpa-blood test para malaman ito. Ang pinakamabisang proteksiyon laman ay ang pag-iwas sa mga taong may sintomas ng tigdas hangin, tulad ng halatang rashes sa katawan.
Payo ni nurse Apple, kapag nakakita o nakaramdam ng sintomas, kumunsulta kaagad sa doktor.
Congenital Rubella Syndrome (CRS)
Ang Congenital Rubella Syndrome (CRS) ay isang kondisyon na sanhi ng pagkakaron ng ina ng tigdas hangin habang nagbubuntis. May panganib na magkaron ng malubhang birth defects ang sanggol kapag nagkaron ng tigdas hangin ang ina, at isa na dito ang CRS. Maaaring magkaron ng: hearing impairment, cataracts, sakit sa puso, brain damage at intellectual disabilities, liver at spleen damage, low birth weight, skin rash, glaucoma,, thyroid at iba pang problema sa hormones, at pamamaga ng baga.
Walang paggamot o treatment para sa tigdas hangin, at sa maaaring maging epekto nito sa sanggol, bagamat may mga maaaring gamot para sa mga sintomas o sakit na sanhi ng CSR at tigdas hangin.
SOURCES:
Apple Tagatha, RN
Canadian Paediatric Society position statement, inilathala ng Infectious Diseases and Immunization Committee
Center for Diseases Control and Prevention
Basahin: Mga mahalagang kaalaman tungkol sa ‘tigdas hangin’ o German measles
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!