Tapos na ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon. Tiyak na marami sa atin ang umay na sa mga inihanda nang nagdaang kasiyahan. Pero mayroon pa rin ba kayong natirang handa at hindi alam kung paano pa ito uubusin gayong umay na nga? Narito ang ilang tirang pagkain recipes na pwede niyong subukan para bago naman sa panlasa.
Tirang pagkain recipes: Mga luto na pwedeng gawin sa mga natirang handa
Gawing homemade cheese spread ang Queso de Bola
Hindi nawawala sa mesa ng mga Pinoy ang Queso de Bola tuwing Pasko man o Bagong Taon. Pero isa rin ito sa karaniwang natitira matapos ang okasyon. Pwedeng-pwedeng i-level up ang inyong Queso de Bola at gawin itong Homemade Pimiento Chesse Spread.
Kailangan mo lang ang mga sumusunod na ingredients:
- ¾ cup ng Queso de Bola
- 2 cups ng mayonnaise
- ½ cup ng pimiento
- Putting asukal
- Asin
- Loaf bread slices
Tirang pagkain recipes: Paano gawing Cheese spread ang Queso de Bola?
- Kudkurin o i-grate ang natirang Queso de Bola
- Ihalo ang kinudkod na Queso de Bola sa mayonnaise.
- Maglagay ng pampatamis o asukal o kaya naman pampaalat o asin. Depende sa lasa na gusto mong mangibabaw.
- Ihalo ng pimiento hanggang sa ma-blend nang maayos ang lahat ng ingredients.
- I-spread ang nagawang palaman sa loaf bread at i-toast ito sa sandwich maker o kaya naman ay sa oven toaster. Maghintay hanggang maging crispy ang tinapay.
- Maaaring itabi ang natirang cheese spread sa airtight container upang makain pa sa susunod na mga araw.
May natirang lechong manok? Gawin mo itong Chicken Paksiw!
Tiyak din na hindi mawawala ang lechong manok sa mga handaang Pilipino. Kaya naman isa ang Chicken Paksiw sa mga napili nating tirang pagkain recipes.
Kailangan mo lang ng sumusunod na ingredients para sa recipe na ito:
- 1-pound ng leftover chicken
- 5 ulo ng bawang
- 1 pirasong sibuyas
- Chicken cube
- Lechon sauce
- Pamintang buo
- Dahon ng laurel
- Sukang puti
- Tubig
- Asin
Tirang pagkain recipes: Paano lutuin ang Chicken Paksiw?
- Magpainit ng 3 kutsarang mantika sa kawali at igisa ang bawang at sibuyas.
- Ilagay ang manok at halu-haluin ito kasama ng sibuyas at bawang nang 1 minuto.
- Ihalo ang 1 cup ng lechon sauce. Pagkatapos ay kalahating cup naman ng white vinegar.
- Bahagyang lakasan ang apoy at hayaang kumulo ang mixture.
- Halu-haluin ito at idagdag ang tubig. Pagkatapos ay pakuluin ulit.
- Ilagay ang chicken cube, 4 na pirasong dahon ng laurel, at isang kutsaritang pamintang buo.
- Haluin nang maigi ang niluluto. Pagkatapos ay takpan ito at hinaan nang kaunti ang apoy. Hayaang mag-simmer at maluto pa nang husto ang manok upang ma-absorb nito ang mga pampalasa.
- Lutuin ito nang 35 minuto. Puwedeng dagdagan nang kaunting tubig kung maiga agad ang sabaw nito.
- Kapag medyo naiga-iga na ang sabaw, ihalo ang quarter cup ng asukal at kaunting asin. Haluin ito at isara na ang kalan. Maaari nang ihain ang Chicken Paksiw.
Kung nais gumawa ng sariling lechon sauce, pwedeng gawin ang recipe na ito mula sa Panlasang Pinoy.
Hindi naubos ang lechong baboy? Gawin mo itong sisig!
Isa rin sa mga paborito ng mga Pinoy anomang okasyon ay ang Lechon Baboy. At dahil hindi rin naman ito madaling mapanis, karaniwan din na may natitirang lechon matapos ang mga pagdiriwang. Kung nagsawa ka na sa lasa ng lechon, pwede naman itong lagyan ng twist. Gawin mo itong sisig. Yes, tama! Lechon sisig!
Kailangan mo lang ang mga sumusunod na ingredients:
- 4 ½ cups ng leftover Lechon
- ½ cup calamansi
- 4 tbsp mayonnaise
- 3 tbsp toyo
- 4 na ulo ng bawang
- 1 tsp ng ginger
- isang sibuyas
- 1 tbsp mantika
- Siling labuyo
- Asin at paminta
- 2 itlog
Tirang pagkain recipes: Paano gawing sisig ang lechon?
- I-chop ang leftover Lechon. Pwedeng chunks o kaya naman ay tidbits.
- Paghaluin ang toyo, asin, half ng kalamansi juice at sibuyas. Lagyan din ng siling labuyo.
- Ihalo ang hiniwang Lechon sa mixture at itabi ito.
- Magpainit ng mantika sa kawali at igisa ang sibuyas at bawang.
- Ilagay ang lechon at soy sauce mixture sa kawali at halu-haluin ito upang hindi masunog ang mixture.
- Idagdag ang mayonnaise at paminta.
- Maaari na itong i-serve. Pwedeng pigaan pa ito ng kalamansi.
- Maaari din namang maglagay ng 2 pritong itlog, o sunny side up na itlog kapag inihain ito.
Kung may natira ka namang hamon de bola, pwede mo itong ipalaman sa chicken cordon bleu. O kaya naman ay gawin mo itong embutido. Maaaring tumingin ng mga recipe rito para sa natira niyong hamon de bola.