Tungkulin ng anak sa magulang, mayroon nga ba? Hindi man sa legal at pinansyal na paraan pero oo may tungkuling dapat gampanan ang mga anak sa mga magulang. Lalo na kapag sila ay dumating na sa edad na sila ay mahina at matanda na. Ito ay ang mga sumusunod:
Tungkulin ng magulang sa anak
Ang isang tao sa oras na magkaanak ay may bagong role na ginagampanan. Ito ay ang pagiging magulang na kung saan napakahalaga ng papel o tungkulin na ito na nakasalalay ang kinabukasan ng isang bata. Para nga masabing isang mabuti o mahusay, ang obligasyon ng magulang sa anak na dapat niyang gampanan ay ang mga ito.
1. Pagbibigay ng maayos na matitirhan at masisigurong may malusog na pangangatawan ang iyong anak.
Ito ang una sa mga tungkulin ng magulang sa anak. Mula sa day 1 ng buhay ng isang sanggol ay ikaw na ang may dala ng kapalaran o magiging buhay niya. Bilang isang magulang ay dapat masiguro mong sa mundo ating ginagalawan ay makakasurvive siya.
2. Pagsisiguro na siya ay makakakuha ng sapat na edukasyon.
Ang sumunod na mahalagang tungkulin ng magulang sa anak ay masigurong makakapag-aral ito. Hindi man sa de-kalidad na eskwelahan o unibersidad ay dapat mabigyan siya ng basic na kaalaman at edukasyon para narin sa maayos niyang kinabukasan. Ganoon rin upang mas magkaroon siya ng kaalaman sa kaniyang paligid at pagsubok sa buhay na maaring pagdaanan.
3. Hindi ka nawawalan ng oras para sa iyong mga anak.
Ang bawat magulang ay dapat mag-spend ng quality time kasama ang anak. Sa kabila ng pagiging busy sa trabaho o iba pang bagay. Sapagkat mahalaga sa kaniya ang pagkakaroon niya ng quality time sa kaniyang anak.
Kaya naman sa araw-araw o kaya naman kahit isang beses sa isang linggo ay may ritual o activity siyang ginagawa kasama ang kaniyang mga anak.
Maaaring ito’y sa pamamagitan ng panonood ng isang movie na magkakasama, pagkain sa labas o pamamasya sa iba’t ibang lugar na kung saan mag-ienjoy ang kaniyang mga anak.
4. Pagdidisiplina sa bata para siya ay masigurong nagtataglay ng magandang asal.
Isa pang katangian ng mabuting magulang ay ang pagiging disciplinarian. Subalit hindi sa paraan na gagamitan mo ng dahas o pinaparusahan mo ang iyong anak.
Sa halip, naglalatag ka ng rules at boundaries na kailangan niyang sundin. Kapag dumating ang oras na ito’y sinuway niya mayroon itong kapalit na consequences.
Sa ganitong paraan nagiging responsable ang iyong anak sa kaniyang mga aksyon. Naiintindihan niya na sa bawat bagay na mali na kaniyang ginagawa ay may kapalit ito.
Pero ito’y hindi niya basta ginagawa sa pamamagitan nang pagsasabi sa kaniyang anak. Sa halip ipinapakita niya sa pamamagitan ng pagiging mabuting halimbawa.
Tulad na lang sa pagtuturo sa anak na maging honest, ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagsasabi ng katotohanan at hindi pananakot at pangako sa anak. O kaya nama’y pagtuturo na maging marespeto sa iba na maipapakita sa anak sa pamamagitan ng pag-respeto sa nararamdaman at oras niya.
5. Tinuturuan mo ang iyong anak na maging responsable sa mga kilos na kaniyang ginagawa.
Ang isang emotionally intelligent na magulang ay hinahayaan ang kaniyang anak na maging responsable sa kaniyang ginagawa. Binibigyan niya ng kalayaan na mag-desisyon o pumili ng kaniyang gusto habang tinuturuan siya na maging responsable sa bawat kaniyang kinikilos.
Tulad na lamang sa kung anong sports o activity ang gusto niyang gawin. Sa ganitong paraan, ipinaparamdam mo sa iyong anak na ikaw’y may tiwala sa kaniya.
Nagbibigay ito ng dagdag na confidence sa kaniya at ang ideya na pagiging repsonsable sa bawat hakbang o desisyon na kaniyang ginagawa.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa tungkulin ng magulang sa anak. Ang tungkulin na ito ay kailangang gampanan ng magulang sa loob ng maraming taon.
Bilang kapalit ay may inaasahang tugon ang mga anak sa tungkulin at sakripisyo na ito ng mga magulang. Hindi ito sa paraan ng pagbabayad sa mga nagastos nila para mapag-aral at masigurong nakakain ka tatlong beses sa isang araw.
Kung hindi sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga sumusunod, na paraan rin para maiparamdam ang appreciation mo sa kanila.
Tungkulin ng anak sa magulang
1. Itrato sila ng may respeto at dignidad
Ang unang tungkulin ng anak sa magulang ay ang itrato sila ng may respeto at dignidad.
Utang natin sa ating mga magulang ang ating buhay. Kung hindi dahil sa kanila wala tayo sa mundong ating ginagalawan ngayon. Bilang kapalit sa kanilang pag-aaruga at mga sakripisyo habang tayo ay lumalaki, marapat lang na makatanggap sila ng respeto at dignidad mula sa atin. Isang bagay na dapat nating gawin kahit hindi man naging maganda paminsan-minsan ang ating relasyon sa kanila.
2. Huwag silang ituring na mga bata
Aminin na natin, karamihan sa atin ay nakikipag-usap sa mga matatanda na para bang nakikipag-usap sa bata. Dahan-dahan na para bang may tonong sinusunod.
Bagama’t ito ay applicable sa mga matandang mahina na ang pandinig at may karamdaman. Ngunit hindi naman para sa mga matatandang sa kabila ng edad ay malakas at nasa maayos pa nilang pag-iisip.
Ayon kay Randall Horton, isang semi-retired philosophy teacher mula sa England, hindi rin daw dapat itinuturing ang mga matatanda na parang bata.
Dahil unang-una ito ay nakakawala ng respeto sa sarili. At pangalawa hindi naman sila inosente na tulad ng mga batang wala pang alam sa mundong kanilang ginagalawan.
3. Makinig sa kanilang sinasabi
May mga pagkakataong makukulit ang mga matatanda, paulit-ulit ang kanilang sinasabi. Ito ay dahil gusto lang nilang kunin ang atensyon mo. Kaya naman huminto at saglit na makinig sa kanilang sinasabi.
Iparamdam sa kanila na ang kanilang boses at sasabihin ay mahalaga para sayo. Tulad ng kanilang ginagawa sayo noong ikaw ay bata pa at puro tanong. Pakinggan din sila at iparamdam ang pagmamahal na ibinigay nila sayo noong ikaw ay musmos pa.
4. Bigyan sila ng oras
Busy man ang ating schedule ay dapat bigyan pa rin natin ng oras ang ating mga magulang. Bisitahin natin sila at mag-spend ng quality time kasama sila. O kaya naman ay tawagan sila at kumustahin ang naging araw nila.
Maliit na bagay ito kung maituturing sa mga oras at araw noon na kanilang inilalaan sa pag-aaruga sa atin. Lalo na noong mga panahong hindi pa nating kayang tumayo sa sarili nating mga paa. At naka-depende ang ating buhay sa pagsisikap nila.
5. Manindigan para sa kanila
Dahil sa mahina at mababang tingin sa kanila ng lipunan, madalas ay nawawalan ng tiwala sa kanilang sarili ang mga matatanda. Nahihirapan o mas pinipili na lang nila minsan na manahimik kung pakiramdam nila ito ay pagsisimulan ng gulo. O kaya naman ay kung makikita nilang magiging pabigat o abala lang sila para sa iba.
Dito na pumapasok ang napakahalagang tungkulin ng anak sa magulang. Dahil sa puntong ito ikaw naman ang kailangang manindigan para sa kanila.
Tulad ng ginagawa nila noon sa’yo noong napasama ka sa isang gulo. O kaya naman ay natatapakan ang karapatan mong kanilang pinoprotektahan.
Gawin ito sa mga simpleng bagay tulad ng pakikipag-usap sa doktor tungkol sa mga nararamdaman ng iyong magulang. O kaya naman ay pag-aasikaso ng kanilang mga kailangan o benepisyo na hindi na nila kayang gawin pa.
6. Matuto sa kanila
Kahit na tayo ay nasa tamang edad na, may magandang propesyon at may sariling pamilya, may mga bagay na hindi pa rin tayo alam. Bagay na natutunan na ng ating mga magulang sa ilang taong karanasan at pamamalagi nila dito sa mundo.
Kaya naman, sa kabila ng ating mga naabot sa buhay ay marami pa rin tayong bagay na dapat matutunan mula sa kanila. Tulad ng sikreto sa pagluluto ng isang special recipe na tanging ang iyong ina lang ang nakakagawa.
Isang magandang paraan din ito para mag-spend ng quality time sa kanila at maparamdam mong mahalaga pa rin sila sa’yo.
7. Turuan sila
Bagama’t sila ay mas matanda, hindi naman lahat ng bagay ay alam na nila. Tulad na lang ng mga gadgets at bagong technology ngayon. Turuan sila tungkol sa mga ito. Lalo na kung ito ay makakatulong sa kanila at makakapagpagaan ng kanilang buhay.
8. Siguraduhing mayroon silang bahay na matutuluyan
Dito sa Pilipinas ay tipikal na makikita ang isang matanda na nakatira kasama ng pamilya ng isa sa kanyang mga anak. Minsan sila nga ang naatasang magbantay sa kanilang apo kapag wala ang kanilang mga anak o nagtatrabaho.
Hindi man nila sabihin ay nakakadagdag ito sa kanilang confidence sa sarili. Dahil sa kabila ng kanilang edad ay alam nilang kailangan pa rin sila ng kanilang mga anak.
Dagdag pa ang sayang dulot ng pag-aalaga ng kanilang mga apo na para bang nagbabalik sa kanila ng mga alaala noong ang kanilang mga anak ay maliliit pa.
9. Alamin at respetuhin ang kanilang mga kahilingan
Masakit mang pakinggan pero dapat mong pansinin at seryosohin ang mga kahilingan na ibinibilin ng iyong mga magulang. Kailangan mong respetuhin ito tulad ng pagrespeto mo sa kanila.
Dahil anuman ang kahilingang ito panigurado ito ay makabubuti sa’yo at sa iba pang mahal sa buhay na kanilang maiiwan sa darating na panahon.
Sa ganitong paraan ay magiging panatag ang kanilang loob na mawala man sila ay may papalit sa kanilang papel na magsisiguro ng kinabukasan ng mga taong mahahalaga sa kanila.
10. Huwag isumbat sa kanila ang mga sakripisyo na iyong ginagawa
Bagama’t minsan ay mahirap, hindi mo dapat isumbat sa iyong mga magulang ang sakripisyong iyong ginagawa para sa kanila. Dahil kung tutuusin ang iyong ginagawa ay hindi kayang tumbasan ng mga taong sila naman ang nagsasakripisyo para sa ‘yo.
Lalo na sayong ina na dinala ka sa sinapupunan niya ng ilang buwan. Tiniis ang sakit upang maipanganak ka. At binalewala ang pagod at puyat maalagaan ka lang.
11. Huwag iparamdam sa kanila na ginagawa mo ito dahil tumatanaw ka ng utang na loob.
Maaring may katotohanan ito ngunit huwag mong iparamdam sa iyong mga magulang na mayroon kang obligasyon sa kanila kaya mo ito ginagawa. Gawin ito dahil mahal mo sila at pinapahalagahan mo ang mga oras na kasama sila.
Dahil bilang isang anak kung may taong magbibigay sa ‘yo ng tinatawag na unconditional love, ito ay wala ng iba kung hindi sila na iyong mga magulang. Kaya naman suklian sa pamamagitan ng pagpaparamdam din nito sa kanila.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!