Sa murang edad, pwede mo nang turuan na mag-ipon ang iyong anak. Narito ang kwento ng isang TAP mom kung paano niya nagawa ito.
Mababasa sa kaniyang kwento:
- Bakit kailangang turuang mag-ipon ang mga bata ngayon
- Tips kung paano turuan mag-ipon ang iyong anak
Mahilig bang bumili ng candy at chichirya ang anak mo?
Alam mo bang sa murang edad nila ay pwede na natin silang turuan mag-ipon o mapahalagahan ang baryang nakikita o natatanggap nila imbis na ibili ito ng candy at chichirya?
“Barya lang?”
Maraming mga kabataan na kapag nakakita ng barya o ‘di kaya’y nabigyan ng barya, madalas ang nasa isip nila ay ibibili nila ito ng candy, chichirya, laruan o iba pa.
Marami ring mga kabataan na kapag binigyan mo ng barya ay binabalewala lang ito. Halimbawa na lang kapag pasko. Nagbigay ng barya sina ninang at ninong. Madalas ang sinasabi kaagad nila,
“Ay! barya lang? Ang kuripot naman ng ninang at ninong ko.”
Nagiging masama pa tuloy ang nasa isipan nila at hindi na nila naa-apreciate ang halaga ng barya. Dahil para sa kanila, ito ay barya lang. Maliit lang na bagay at maliit lang ang halaga.
Ang masaklap pa roon, minsan nagiging dahilan pa ito ng kanilang pagta-tantrums o ‘di kaya ay pipigain ka para makapagbigay ng mas malaking halaga para mabili ang gusto nila. Madalas dito sila naiinis – dahil hindi nila mabibili yung gusto nila; dahil barya lang ang natanggap o ibinigay sa kanila.
Naaalala ko pa nong kabataan ko, binibigyan kami ni papa ng isang imbakan ng barya at sinasabi nya sa amin na dito pwede kaming mag-ipon at ilagay ang barya na mayroon kami.
Naaalala ko pa noon lagayan ng lotion at saka ng shampoo lang ‘yong alkansya ko. Pero tuwang-tuwa ako sa tuwing nakakapaglagay ako ng barya.
Doon din ako natuto na ‘yong hindi naman kailangang bilhin tulad ng candy at chichirya ay isasantabi muna at sa halip iipunin ko ‘yong pambili o pera na mayroon ako.
Minsan, binibigyan din kami ng kaunting baryang pambaon sa namin sa school. Imbis na ipambili ko ito ng kung ano-ano, nilalagay ko na lang sa aking alkansiya.
Nagiging pursigido ako na mag-ipon at punuin ang alkansiya ko. At dahil roon, naisipan ko rin na magtinda-tinda sa eskuwelahan.
Tapos ‘yong kaunti kong tubo ay nilalagay ko sa alkasiya. Sa ganoong paraan, napapahalagahan ko ang kaunting barya na mayroon ako.
Paano turuan mag-ipon ang bata?
Kaya ngayong nanay na ako, gusto ko ring ituro sa anak ko ang magandang kaugalian na naituro ni Papa sa amin noon. Ang pag-iipon at pagpapahalaga sa kahit anong maliit na bagay o sa mga barya barya na natatanggap niya o mayroon siya.
13 buwan pa lang noon si Kian nang binilhan ko siya ng sarili niyang piggy bank. Tapos paunti-unti ay tinuturuan ko siya na ang barya ay para kay “Piggy.”
Madalas kasi, kapag nakakita ng barya ang anak ko ay sinusubo niya ito. Delikado pa ‘yon, ‘di ba? Pero dahil sa itinuro ko sa kaniya, naiiwasan niya iyong gawin.
Ngayon, dahil may piggy bank na siya, I always make sure na kapag may barya siyang makita o matanggap, para sa piggy bank niya ‘yon.
Kanina, sinubukan kong maglagay ng 2 pisong barya sa sahig. Tapos hinayaan ko lang siya kung anong gagawin niya.
Pinulot niya ito. Akala ko isusubo niya uli kasi madalas iyon ang ginagawa niya. Pero kanina, natuwa ako dahil hinanap nya si piggy bank kung saan ito nakalagay. Pinuri ko siya, sabi ko, ” Wow! Very good Kian!”
Kailangan kasi i-appreciate at i-acknowledge rin natin sila sa mga ginagawa nila para maisip nila na tama at mabuti ang ginagawa nila.
Tapos, nagpanggap ako na ako si piggy. Sabi ko, “Kian, I’m hungry. Please feed me.. Oink oink oink.” Tapos nilagay na nga niya yung baryang hawak niya.
Medyo hirap pa nga lang siyang ipasok ang mga coins. Minsan nadudulas sa kamay niya at nahuhulog, pero nakakatuwa dahil sinusubukan niya pa rin. Kapag nalagay na niya, sinasabi ko,
“Yehey! Thank you Kian for feeding me! Oink oink oink.”
Hanggang sa ngayon na nakasanayan na niya. Kahit wala pa akong sinasabi, sa tuwing makakakita siya ng barya, kahit hindi ako nakatingin o nagsasalita, pupunta na siya kaagad sa piggy bank niya para ilagay ang barya na mayroon siya.
BASAHIN:
Wala pang ipon sa panganganak? 8 tips para makapagtabi ng pera bago dumating si baby
Ready to start saving? Take the 52 weeks Money Challenge with the whole family
Savings bank account na puwede sa bata para sa ipon challenge ni baby
Nakakatuwa dahil sa murang edad ina-associate na ni Kian ang coins bilang bagay na dapat ilagay kay Piggy. Hindi pa man niya naiintindihan ang salitang ipon o savings, napakalaking bagay na namulat na siya sa ganitong sistema.
Dapat maaga pa lang ay turuan nang mag-ipon ang ating mga anak upang lumaki silang may pagpapahalaga sa perang pinaghirapan natin.
Kaya sa murang edad, simulan na nating ituro at ipamulat sa ating mga anak ang kahalagahan ng pag-iipon at pagpapasalamat sa maliit na bagay o baryang mayroon sila.
Ngayon, 2 taong gulang na si Kian. Talagang nakakatuwa dahil sa tuwing may nakikita siyang barya, kahit 25 cents pa ‘yan, tumatakbo siya kaagad papunta sa piggy bank niya para ilagay ito. Ngayon, malapit na mapuno ang alkansya niya.
Ito ang picture ni Kian na naglalagay ng coins sa piggy bank niya. Nakakatuwa lang kahit nadudulas-dulas yung mga bary sa kamay niya at nahuhulog, sinusubukan niya pa ring ilagay ang mga ito.
Bilang magulang, nakakatuwa lang talaga na sa murang edad ay napapahalagahan na ng ating mga anak ang barya o pera na ating pinaghirapan.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!