Mayroon ka na bang US Visa pero kailangan mo nang i-renew? Narito ang step-by-step guide para sa US Visa renewal Philippines.
Pero bago natin alamin kung paano ang US Visa renewal in the Philippines, mahalagang alamin muna kung para saan ba ang US visa.
Mayroong dalawang uri ng US visa. Nakadepende sa rason kung bakit ka pupunta sa United States of America (USA) kung anong uri ng US visa ang kakailanganin mo.
Dalawang uri ng US visa
Non-immigrant visa
Ang non-immigrant visa ay ginagamit ng mga turista, negosyante, mag-aaral, o espesyalista na kailangang pumunta o bumisita sa US sa partikular na tagal ng panahon upang maisagawa ang partikular na hangarin. Ayon sa batas at regulasyon ng US, dapat na ipakita ng mga aplikante ng non-immigrant visa sa opisyal ng konsular ng US na hindi nila planong magtagal sa US. Na sila ay may matinding pagmamahal sa sariling bansa at layunin nilang umalis din ng US pagkatapos ng pansamantala nilang pananatili upang gawin ang specific na layunin.
Immigrant visa
Ang immigrant visa naman ay para sa mga taong nagplaplanong manirahan na nang permanente sa US. Sa pagkakaroon ng immigrant visa, mabibigyan ng pahintulot ang isang tao na maging legal at permanenteng residente ng US. Posibleng makapag-apply ng immigrant visa kung ang isang kwalipikadong myembro ng pamilya na mamamayan na ng US o legal at permanenteng residente ng US ay nagpasa ng petisyon para sa kapamilyang imigrante.
Posible rin naman na magsumite ng petisyon ang employer para sa Pinoy kung nais itong bigyan ng isang permanenteng posisyon sa trabaho.
US Visa renewal Philippines
Ang pagrerenew ng US visa ay maari nang gawin sa mas madaling paraan. Ito ay sa pamamagitan ng tinatawag na “dropbox program” o “interview waiver” na kung saan hindi mo na kailangang magpunta sa US Embassy upang ma-interview at magpakita.
Pero upang magamit mo ang programang ito ay kailangang pasok ka sa mga sumusunod na eligibility criteria.
US Visa renewal Philippines: Eligibility criteria sa interview waiver
- Mayroon kang B1/B2 visa na kailangang i-renew.
- Ang iyong naunang visa ay na-isyu matapos ang July 1, 2007.
- Hindi bababa sa limang taon ang validity ng nauna mong visa.
- Ang nauna mong B1/B2 visa ay valid o nag-expire sa loob ng nakaraang labing-dalawang buwan.
- Ikaw ay isang Filipino citizen.
- Ang iyong naunang visa ay hindi nagtataglay ng mga katagang “Clearance Received” o “Travel with Employer.”
- Nasa iyo o nasa pangangalaga mo ang iyong passport at B1/B2 visa.
- Ang pangalan, birthday at gender sa nauna mong B1/B2 visa ay hindi kailangang palitan o itama.
- Ang iyong pinaka-recent visa ay na-isyu sa araw o matapos ng iyong 14th
- Noong huling beses na nag-apply ka ng B1/B2 visa ito ay naaprubahan.
Kung taglay mo ang lahat ng qualifications na ito ay maari mong gamitin ang interview waiver sa US visa renewal Philippines.
Ngunit kung may isa sa mga ito ang hindi mo taglay o sinagot mo ng hindi ay kailangan mong personal na magpunta sa US Embassy para mag-renew ng iyong visa. At ang unang paraan na dapat mong gawin ay magpa-schedule ng appointment for interview.
Para sa pagpa-schedule ng appointment ay maari mong bisitahin ang website ng ustraveldocs.com/ph.
Pero kung ikaw ay qualified naman sa interview waiver ay narito ang limang steps na dapat mong gawin:
US Visa renewal Philippines steps
Step 1
Bayaran ang visa application fee.
Ang visa application fee para sa mga most common nonimmigrant visa tulad ng tourist, business, student at exchange visas ay $160 o P8,640. Habang ang petition-based visa naman tulad ng work at religious visa ay $190 o P10,260. Ang K visa o fiancé/spouse visa ay nagkakahalaga naman ng $265 o P14,310. Para naman sa E visa o business/investor visa ito ay nagkakahalaga ng $205 o P11,070.
Ang pagbabayad ng application fee ay maaring gawin sa kahit saang BPI branch. Pero dapat pumunta sa banko at i-print muna ang applicable U.S visa application deposit slip. Maaring kumuha ng kopya ng deposit slip sa https://www.ustraveldocs.com/ph/ph-niv-paymentinfo.asp.
Tandaan na pagkabayad ay kailangang mong itago ang resibo ng iyong ginawang pag-deposito.
Maari ring magbayad online kung mayroon kang BPI o BancNet account.
Bisitahin lang muli ang page na ito para sa mga detalye https://www.ustraveldocs.com/ph/ph-niv-paymentinfo.asp..
Step 2
Kumpletuhin ang Nonimmigrant Visa Electronic Application form o DS-160. Saka ito i-print at i-save sa iyong confirmation page.
Step 3
Mag-register at gumawa ng account sa https://cgifederal.secure.force.com/SiteRegister?country=Philippines&language=en_US.
Kung ikaw ay qualified sa interview waiver submission ay makakatanggap ka ng interview waiver confirmation letter kasama ang checklist ng mga dokumentong kailangan mong ihanda.
Mag-print ng dalawang kopya ng interview waiver confirmation letter. Isa para sayo at isa na dapat mong ipasa.
Saka ihulog sa pinakamalapit ng 2GO outlet ang iyong passport at mga required documents na nakasaad sa pinadala sayong interview letter confirmation
Huwag kalimutang ilakip ang mga sumusunod sa iyong ipapadala:
- Interview waiver confirmation letter
- Current at old passport na may B1/B2 visa.
- Dalawang 2×2 colored picture mo sa white background na kinunan sa nakaraang anim na buwan.
- Nasagutang DS-160 application form.
Step 4
Para sa listahan ng mga 2GO outlets ay bisitahin ang pahinang ito, https://express.2go.com.ph/locator.asp?Region=NCR&Province=Metro%20Manila&TownCity=Manila.
Step 5
Sa oras na maaprubahan ang iyong application, ang passport at visa mo ay idedeliver sa address na nakalagay sa iyong DS-160 application form.
Ang pagkakaqualify sa interview waiver submission ng iyong visa renewal ay hindi nagbibigay kasiguraduhan na ito ay maaprubahan. Lalo na kung kulang ang mga dokumentong iyong ipinasa kalakip nito. Kaya naman mahalagang basahing mabuti ang ipinadala sayong sulat at siguraduhing kumpleto ang mga requirements na hinihingi nito.
Kung sakaling may mali o kulang sa application mo, ito ay ibabalik sayo. At ikaw ay kinakailangan ng magpa-schedule ng iyong interview na kung saan kailangan mo ng magpakita ng personal sa U.S Embassy.
Basahin: Passport ni baby: Ano ang mga kailangan para i-apply siya
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!