Viy Cortez excited nang magpakananay sa baby nila ni Cong. Viy ikinuwento kung ano ang pinagdaanan nila ni Cong noong makunan siya sa unang anak nila at gaano sila kahanda na ni Cong ngayon na magiging magulang na sila.
Mababasa dito ang mga sumusunod:
- Bakit Kidlat ang ipinangalan ni Cong at Viy Cortez sa kanilang magiging baby?
- Mga pagbabago sa buhay nila Cong at Viy ngayong magkakaanak na sila
Bakit Kidlat ang ipinangalan ni Cong at Viy Cortez sa kanilang magiging baby?
Image from Viy Cortez’s Instagram account
Kidlat, ito ang palayaw ng magiging anak nila Viy Cortez at Cong TV o Lincoln Velasquez sa totoong buhay. Marami ang tanong kung bakit ito ang napili nilang ipalayaw sa anak. Sa panayam kay Viy sa YouTube channel ng host na si Toni Gonzaga ay sinabi niya ang dahilan at kuwento sa likod nito.
Ayon kay Viy, ang kapatid ni Cong na si Junnie Boy ang nagbigay ng pangalang Kidlat sa kanilang magiging anak. Ito ay dahil daw si Cong ang nagbigay ng pangalan sa anak ni Junnie at chance naman nito ngayon na bumawi at magbigay ng pangalan ng magiging anak ni Cong.
Ito rin daw sana ang pangalan ng unang anak nila Cong at Viy. Pero sa kasamaang palad ang naunang pagbubuntis ni Viy ay hindi natuloy dahil siya ay nakaranas ng miscarriage.
“’Yong unang baby ko Kidlat din. Feeling ko kasi ngayon, bumalik lang siya eh kaya Kidlat pa rin yung kaniyang nickname.”
Ito ang nangingilid ang luhang kuwento ni Viy tungkol sa pagkawala ng unang baby sana nila ni Cong.
Lungkot sa pagkawala ng unang baby nila Cong at Viy Cortez
Kuwento pa ni Viy, noong una ay hindi nila kayang pag-usapan ni Cong ang kaniyang naging miscarriage. Dahil sa ikling panahon daw na nagdalang-tao siya ay marami na silang plano at pangarap sana ni Cong sa magiging anak nila.
“Yong una hindi namin ini-expect so nung nawalan syempre ‘yon na ‘yong umaasa ka na. Kasi ‘yong feeling mo nun, kahit parang dalawang linggo lang namin na-feel na magiging magulang kami, ang dami na naming pangarap na nabuo noon.”
Ito ang kuwento pa ni Viy tungkol sa kaniyang unang pagbubuntis. Dagdag pa niya, ipinagpasa-Diyos nalang nila ang lahat at nagtiwala siya na ibabalik rin ito sa kanila. At ngayon nga ay naniniwala siya na ito raw ay sa pamamagitan ng kaniyang pagdadalang-tao.
“Malungkot. Hindi nga namin pinag-uusapan ni Cong ‘yon e. Nung nawalan po kami hindi ‘yong after namin manggaling sa ospital pinag-usapan namin hindi eh. Itinulog namin, umiiyak kami.”
“Hindi namin siya pinag-usapan. Nakaya ko siya, nalapagsan ko siya dahil may tiwala ako kay Lord na ibabalik niya rin.”
BASAHIN:
LOOK: Viy Cortez nagmukhang Greek goddess sa kaniyang maternity shoot
Viy Cortez ipinasilip ang itsura ni baby Kidlat sa ultrasound scan: “Anak ko asan po leeg natin.”
Mga pagbabago sa buhay nila Cong at Viy ngayong sila ay magiging magulang na
Image from Viy Cortez’s Instagram account
Ngayon sa nalalapit na panganganak ni Viy ay lalo siyang na-eexcite sa kung paano ba sila magiging magulang ni Cong. May mga naging pagbabago na nga daw sa mga ugali nila biglang paghahanda sa bago nilang role sa buhay.
“Dati nung wala pa kaming anak onting kibot puwede mong gawin issue, parang puwedeng maging problema. Pero since nandiyan na si Kidlat, siya na ‘yong iisipin mo, ‘yong ikabubuti na niya. So kapag meron kaming problema kailangan naming lutasin kasi magkakaanak kami.”
Laking pasalamat nga din daw ni Viy sa suporta at pasensyang ipinapakita ni Cong sa kaniya. Patunay daw ito na talagang gustong-gusto na nitong magkaanak at bumuo ng sarili niyang pamilya.
“Sobrang mas grabe yung pasensya ni Cong. ‘Di ba ang buntis iyakin, konting kibot parang iiyak ka na. Talagang siya ang nag-aadjust, lagi niya akong sinasamahan. Kung anong gusto ko ginagawa niya at nakita ko talaga na gustong gusto niya ng magkaanak.”
Kung si Cong nga daw ang masusunod, gusto nito na magkaroon sila ng limang anak, kuwento ni Viy. At gusto niya ay sunod-sunod ng tulad sa kanilang magkakapatid.
“Ang gusto ni Cong lima tapos gusto niya sunod-sunod. Ako kasi ok lang tatlo, dalawa sana tapos ang gap sana 3 years o 4 years. Kasi silang magkakapatid parang 5 months lang (ang gap) ngayon sobrang close nilang magkakapatid.”
“Sabi niya gusto niya rin rin tulad nilang magkakapatid na sabay-sabay ga-graduate, sabay-sabay magkakapamilya.”
Ito daw ang dahilan ni Cong kung bakit gusto niya ng limang anak na magkakasunod.
Kailan ang kasal?
Ngayon ay 7 taon ng magkarelasyon sina Cong at Viy. Pagdating sa usaping kasal, sabi ni Viy ay nagtitiwala siya sa mga plano ni Cong para sa kanila.
“Ako araw-araw kasama ni Cong at tuwing gumigising ako eh mas minamahal ko parin siya kasi siguro ‘yong trust ko sa kaniya. Nabago niya nga ‘yong buhay ng mga taong nakapaligid sa kaniya.”
“Ibig sabihin, naplano niya ‘yon imposibleng wala siyang plano sa akin at buuin naming pamilya. Alam ko darating ang panahon maitatama namin lahat.”
Ito ang pahayag ni Viy ng matanong kung kailan ang magiging kasal nila ni Cong.
Pagdating naman sa aral na laging ituturo ni Viy sa magiging anak, ang inspirasyon niya parin ay si Cong. Dahil si Cong tinulungan ang mga taong nasa paligid niya na magtagumpay.
Tulad na lang ng ginawa sa kaniya ni Cong na pagsuporta ng nagsisimula palang siyang ma-negosyo at ngayon na successful entrepreneur na siya.
“Ang pinaka-gusto kong madala niya at matutunan niya sa buhay ay ‘yong ang tunay na success ay kapag ‘yong mga taong nakapaligid sayo ay umaangat din. Hindi puwedeng ikaw lang.”
Ito ang sabi pa ni Viy.