Muling nagbahagi si Viy Cortez ng mga nagaganap sa buhay niya bilang new mom ng kanilang son ni Cong TV. Kwento ni Viy Cortez, naranasan pa raw na dalahin sa emergency room si baby Kidlat dahil sa problema niya sa breastfeeding dahilan para ma-dehydrate ang kaniyang anak.
Mababasa sa artikulong ito:
- Viy Cortez kumuha ng personal nurse para kay Kidlat matapos ma-ER ang baby
- Tips para maparami ang breastmilk production
Viy Cortez kumuha ng nurse para kay Kidlat matapos ma-ER ang baby
Ipinasilip ni Viy Cortez sa kaniyang YouTube vlog ang buhay niya ngayon bilang isang mommy.
Naikwento ni Viy Cortez sa nasabing vlog ang struggles niya sa kaniyang breastfeeding journey sa son nila ni Cong TV. Aniya, nagpa-pump daw siya ng gatas tuwing umaga at ito ang iniinom ng kaniyang baby tuwing gabi. Pero dahil konti pa lang ang nalabas na gatas mula sa kaniyang suso ay bumibili sila ng pasteurized milk para hindi kulangin ang gatas na naiinom ni Kidlat.
Tuwing umaga naman daw ay direktang si Viy Cortez ang nakatoka sa breastfeeding para kay baby Kidlat. Ang problema raw ni Viy ngayon ay pakiramdam niya ay kulang ang napa-pump niyang gatas kaya kulang din ang naiinom na gatas ni Kidlat mula sa kaniya.
Larawan mula sa Instagram account ni Viy Cortez
“Parang wala kang kwentang ina. Ganoon ‘yong pakiramdam. Sabihin niyo nang OA pero ganon ‘yong pakiramdan kapag kulang ‘yong breastmilk mo. Nag-aalala ka baka gutom siya, tapos kapag nag-pump ka wala namang nalabas,” pahayag ni Viy.
Ayon kay Viy Cortez, mabuti na lamang daw at marami siyang nakakausap na kapwa mommy kaya naman napapatatag ng mga ito ang kaniyang loob na kayanin ang pagsubok sa kaniyang breastfeeding.
Ibinahagi nga rin ni Viy Cortez na minsang sinugod sa ER ang kaniyang baby dahil sa dehydration at lagnat. Naganap daw ito matapos ang Kidlat homecoming celebration nila.
“Hindi naman malala, pero syempre nakaka-aning yon. Kasi nga kulang pala ‘yong nadedede niya sa akin.”
Dahil daw doon ay napagkasunduan ng Cong TV family na kumuha nga ng nurse na magbabantay kay baby Kidlat para mapanatag ang mag-asawa.
Kaya naman, tuwing umaga ay kaagapay ni Viy Cortez ang yaya ni Kidlat at tuwing gabi naman ay kasama niyang nagbabantay sa baby ang kanilang personal nurse.
“Syempre first time mom ako, hindi ako masyadong maalam. Gusto ko ‘yong may natatanungan ako. Pero 24/7 din akong nag-aalaga, so may umaagapay lang sa akin,” pahayag ni Viy.
Larawan mula sa Instagram ni Viy Cortez
Patuloy din nilang mino-monitor araw-araw ang vital signs ni baby Kidlat. Para umano kapag tinanong sila ng pediatrician ay alam nila kung ilan beses dumudumi at umiihi sa isang araw ang anak.
Mahirap man umano ang kalagayan bilang bagong mommy ay nagsisikap si Viy Cortez na gawin ang lahat para sa kaniyang baby.
“Sa una napakahirap… bigla akong umiiyak na lang. Kasi syempre wala pa kayong routine. Syempre kailangan mong huwag sumuko talaga. Tsaka para sa anak mo gagawin mo di ba?”
Hanga rin daw sila ni Cong TV sa mga magulang na walang yaya o nurse ang mga anak. Dahil kung sila na mayroong kaagapay sa pag-aalaga sa anak ay nahihirapan, mas matindi marahil ang hirap ng mga nanay na mag-isa.
Pagwawakas ni Viy Cortez, ang focus niya ngayon ay nasa kaniyang baby lalo na’t natatakot siyang maulit na madala ito sa ER. Inurong na rin daw muna niya ang mga brand deal at iba pang trabaho para i-prioritize si baby Kidlat.
Tips para maparami ang breastmilk production
Larawan mula sa Instagram account ni Viy Cortez
Nabanggit sa Healthline na ayon sa data ng Centers for Disease and Prevention, tinatayang nasa 75% ng mga bagong mommy ang nangangamba na kulang ang napro-produce nilang breastmilk para sa anak.
Ang mga sumusunod na hakbang ay maaaring makatulong para maparami ang produksyon ng gatas ng nanay:
- Hayaang sumuso ang iyong anak sa magkabilang dibdib. Kung ma-stimulate ang parehong dibdib dahil sa breastfeeding, maaaring madagdagan ang breastmilk production. Gayundin naman sa pag-pump ng gatas mula sa suso, tiyaking ginagawa ito sa magkabilang dibdib.
- Subukang mag-pump ng gatas mula sa suso kapag tila may ilalabas pang gatas matapos pasusuhin ang anak. Ang pag-pump ng gatas sa pagitan ng pagpapasuso sa iyong anak ay makakatulong para tumaas ang milk production.
- Dalasan ang pagpapasuso sa iyong anak. Hayaan ding ang bata ang kusang tumigil sa pagsuso. Kapag sinipsip kasi ng baby ang suso ng mommy, nagpro-produce ang katawan ng hormones na makaka-trigger para magproduce pa lalo ng gatas ang breasts ni mommy.
- Pasusuhin ang iyong anak nang walo hanggang 12 beses sa isang araw. Makakatulong ito para ma-establish ang breastmilk production.
- Nakakatulong ang ilang herbs para dumami ang gatas ng ina. Ilan sa mga herbs na ito ay luya, bawang, malunggay, brewer’s yeast, at iba pa.
Tandaan na kumonsulta sa iyong doktor bago uminom ng ano mang food supplement. Pati na rin kung nais sumubok ng home remedies. Kahit ang mga natural remedies ay may posibleng side effects pa rin kaya mahalagang ipaalam sa doktor ang inyong plano.