Walang pasok announcement March 10-14! Idineklara na ni President Rodrigo Duterte na walang pasok sa lahat ng antas simula March 10 hanggang 14 sa buong Metro Manila.
Walang pasok announcement March 10-14
Dahil nga sa banta ng COVID-19, inanunsyo ni President Rodrigo Duterte ang pag-kansela ng mga klase sa Metro Manila para sa buong linggo. Ito raw ay para maprotektahan ang mga bata sa naturang sakit. Patuloy pa rin kasing umaakyat ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID simula kahapon, March 9.
Bukod sa Metro Manila, nag-anunsyo rin ng suspensyon sa mga sumusunod na lugar:
- Cainta, Rizal — all levels, public and private
- Cavite — all levels, public and private
Samantala, hindi naman sinususpinde ang pasok ng mga government employees dahil ayon sa pangulo, mas kailangan sila ngayon. Kailangan daw kasing mag-function pa rin ng gobyerno. May kumpiyansa naman siyang malalagpasan daw ng ating bansa itong health outbreak na ito.
Para naman sa private companies, wala ring nabanggit ang pangulo tungkol dito. Pero matatandaan na noong nakaraang buwan ay naglabas ang DOLE ng pamantayan para sa pagkakansela ng pasok sa trabaho o di naman kaya ay pag-file ng empleyado ng leave o work from home.
COVID-19 confirmed cases
Sa kasalukuyan ay nasa 24 na ang bilang ng mga nag-positibo sa COVID-19. Ang biglang pagdami raw ng bilang ng mga kasong ito ay bunga ng mas pinahusay na surveillance system. Ngayon ay nagsimula na rin ang contact tracing sa mga nagpositibo sa sakit upang matukoy kung may iba pang nahawa sa mga ito.
Ang 468 katao naman daw na nakasalamuha ng patients 4-10 ay natukoy na at kasalukuyang inoobserbahan. Mayroon na lang din daw tayong 2,000 na test kits ngayon ngunit inaasahan na magbibigay ang World Health Organization ng karagdagang 1,000 kits.
Imbis na pangalanan ang mga nagpositibo sa sakit, nilagyan na lamang ng bilang ang mga pasyente para mas madali itong ma-assess. Karamihan sa mga nagpositibo ay mayroong mga travel history sa Japan at Australia. Mayroon namang ilan na wala talagang travel history kaya nakumpirmang mayroon na ngang local transmission na naganap.
Karamihan sa mga pasyente ay nasa edad 40-pataas. Sila raw kasi ang mga kadalasang mahina na ang immune system. Pero mayroon ding isang pasyente sa Makati Medical Center na edad 24 na walang travel history.
Huwag nang palabasin ang iyong anak
Dahil nga napatunayan ng may local transmission na sa bansa, mas maiging manatili na lamang sa bahay ang mga bata. Mas makasisiguro kasing hindi sila mahahawaan kung hindi sila makikisalamuha sa mga tao sa ngayon. Kaya nga rin nagsuspinde ng mga klase, para maiwasan ang mga crowded places.
Turuan din sila na palaging maghugas ng kamay at maglinis ng katawan. Ang pag-inom ng tubig ay makatutulong din. Ang mga precautionary measures na ito ay mahalagang alam na ng mga magulang.
SOURCE: GMA News
BASAHIN: COVID-19: Paano maiiwasan ang sakit na ito ng iyong pamilya?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!