Maraming nagsasabi na ‘di pa raw ako pwede maging isang ina sapagkat kesyo ang payat ko raw, mabibigatan ako sa baby ko, bata pa ako, mukha akong menor-de-edad, kaya ko na ba daw mag-alaga ng baby. Sa dinami-rami ng mga tao sa paligid ko na may masabi lang, pasensya na po at walang perpektong tao.
Ang aking kwento
Tulad ko na nga lang, isinilang ko ang aking unang anak noong ika-13 ng Marso 2017, bale 26 ako noon turning 27 ng ika-19 ng Marso. Pwede naman na, nasa wastong edad na ako para magkaanak. Ngunit marahil sa aking itsura o postura, mukha pa rin daw akong menor-de-edad kaya tuwing nasa labas kami ng aking baby, panigurado maraming matang nakatingin, nakamasid, at pinag-tsitsismisan ako.
Breastfeeding incident
Mayroong isang insidente na kailangan kong magpa-breastfeed sa aking baby, nagpunta naman ako ng breastfeeding station mayroon ding nagpapa-breastfeed doon at pwede kasing magsama ng kasama basta babae. Mistulang minamata ako ng matanda sa aking pag-breastfeed sa aking baby at dahil mukhang hindi niya napigilan ang kanyang pagka-curious at kaysa bulong siya ng bulong sa katabi, tinanong niya ako ng diretsahan, “Baby mo ‘yan? Bakit ang payat? Ikaw din ang medyo payat ka rin, sigurado ka bang may napapadede ka sa anak mo? Sa ang bata mo pa ata para magka-anak.”
Unang-una sa lahat hindi ko kailangan magpaliwanag sa kanya pero ginawa ko para tumigil na lang siya. “Opo baby ko po. Kaya po payat kasi preemie ko siya ipinanganak. Tumaba na nga po siya, e, kasi po malakas pong dumede sa akin. Every hour po siya nadede at okay lang din naman po sa akin kasi po marami po akong gatas. At ganito na po talaga ako simula noong bata pa, payat na ang pangangatawan ko pero malakas po ako kumain, hindi lang po halata. At saka po 27 na po ako, nasa tamang edad po ako nagka-anak. Hindi po ako tulad ng iba dyan na nabuntis ng maaga,” aking nasambit.
Aking saloobin
Sa sama ng loob ko at sakit ng mga titig nila nasambit ko ‘yong mga salitang ‘yon… “Hindi po ako tulad ng iba dyan na nabuntis ng maaga.” Wala naman akong against sa mga maagang naging ina, marahil masama lang talaga loob ko noon dahil sa mga taong katulad niya.
Naramdaman niyo na rin ba ‘yon? ‘Yong para bang nangmamata sa inyo at feel na feel mo na ikaw ‘yon tapos confirm nga na ikaw sapagkat talagang lalapitan ka to ask you.
Elevator incident
Naalala ko pa na isang insidente, sasakay kami sa elevator ng baby ko tapos may mag-asawa. Una ang tanong nila kung anak ko ba ang dala ko, syempre sagot naman ako ng proud na ako. ‘Tapos nasambit nila na walang halong hiya-hiya, “Mommy ka na pala noh? Bakit ang payat mo? Saka mukha ka pang bata iha may anak ka na agad. Nasaan Daddy niya?”
Oh ‘di ba? In fairness din naman sa kanila consistent sila. Sa totoo lang noong una naaasar ako, nagagalit, at umiiyak pero ngayon hindi ko na lamang pinapansin. Inisip ko na lang paglumaki o tumanda na baby ko, maging teenager o adult, at least mukha pa rin kaming magkapatid sapagkat mukha akong batang tingnan. Inisip ko na lang na no matter what alam ko kung ano ‘yong totoo at alam din ng Diyos ‘yon.
Sa sariling pamilya/kamag-anak
Sa totoo lang hindi lang naman sa labas ng bahay o sa ibang taong ‘di kilala natin naririnig ang mga panghuhusga o pangmamata, e, kahit sa sarili nating mga pamilya maririnig at maririnig natin iyon.
Bilang new Mom ako syempre maraming nangmamata sakin o ‘di kaya naman maraming paalala sa ‘kin mga tao sa paligid ko kung paano ko dapat pakaiinin si baby, paano paliguan, paano paglaruin, paano painumin, paano ipadede, paano turuan, paano palakihin, at marami pa. Pero sa totoo lang I just accept all the advices at ‘di ko lahat sinusunod kasi syempre for me as a new parent gusto mo ring matuto sa sarili mo.
Every single day is a learning process kapag dumating ang araw na maging parent ka na. Hindi talaga tumitigil ang natututunan natin bilang mga magulang at kung paano maging magulang sa ating anak. Saka kapag nagkamali naman tayo, dun tayo natututo, e.
Nasasabi ko na nga lang kapag tinatama ako ng mga tao sa paligid ko ay “Thank you. Don’t worry kaya ko ito. Okay naman. Hayaan mo akong matuto.” May mga iba nagsasabi paano raw ako matututo kung hindi ako tuturuan, hindi naman kasi kailangan laging turuan kung paano. Basta gabayan ka lang okay na minsan.
Pagiging ina
Simula nang maging ina ako, I always make sure naman na maayos at tama ang ginagawa ko for my baby, yung ikakabuti niya talaga ng kalusugan niya, ng brain development niya, ng motor skills niya, at iba pa.
Full-time hands-on Mom ako sa baby ko kahit sabihin na nating marami akong pinagkakaabalahan sa buhay. Naisasabay ko pa rin ang pagbibigay atensyon sa baby ko kasi siya ang top priority ko pa rin kahit na may mga iba akong ginagawa. Sinisigurado ko lagi siyang kumakain ng tama at healthy, buti na nga lang at vegetarian ang baby ko kahit ako hindi. Sinisigurado ko rin na lagi kaming may learning time every day para maibahagi ko sa kanya ang kaalaman ko at mahasa ko ang kaalaman din niya. I make sure din na kapag ayaw na niya magpaturo o magpabasa ng libro at gusto ng maglaro, hinahayaan ko siya para naman hindi siya ma-bore kasi hinahasa pa rin naman ang brain ng baby sa paglalaro, e, basta kailangan lamang nakikipaglaro ako sa kanya o nakikipag-interact.
You go Mommy!
Basta Mommies, you should parent in whatever way works for you and your family. Iwasan at bawasan ang pag-iisip sa mga iniisip ng ibang tao sa paligid mo sa kung paano mo pinapalaki ang anak mo. Stop being so hard on yourselves at mag-pokus na lamang sa magandang ginawa mo sa pagpapalaki sa anak mo ‘coz believe me hindi maiiwasan na may masabi talaga ang ibang tao dahil nature na nila ‘yon. You are doing great Mommy, you are!
Related source: Time
Basahin: Open letter to the invisible mother who feels ignored
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!