Sa tagal ng pagsasama ng mga mag-asawa, hindi maiiwasan ang mawala ang feelings sa isa’t isa. Huwag mag-alala, hindi nito literal na sinasabing wala na talagang nararamdaman. Ibig lamang nitong sabihin ay ang pagmamahalan ay natabunan lamang ng mga responsibilidad, prublema, at routine. Ito ang ilang advice para sa mga mag-asawa upang maibalik ang dating pagsasama at lalong tumibay.
8 advice para sa mga mag-asawa para tumibay ang relasyon
1. Muling mag-date
Sinong nagsabing ang date ay para lamang sa mga nagliligawan o magkasintahan? Kahit mag-asawa na ay maaari paring mag-date. Ano man ang gawin niyo o saan man kayo magtungo, ang mahalaga ay magkasama kayong dalawa. Makakabuti ang pagbahagi ng bagong experience sa iyong asawa. Gumagawa ito ng bagong memories at nagpapatibay lalo ng inyong samahan. Kaya, kumuha ng mag-aalaga sa mga anak at lumabas kasama ang iyong asawa!
2. Mag 2nd honeymoon
Kung ang date ay makakabuti sa mag-asawa, ang pagkakaroon ng isa pang honeymoon na hindi kasama ang mga anak ay tiyak na makakabuti rin. Mag out-of-town o kaya naman mag-staycation. Naibabalik nito ang dati ninyong samahan at maaari rin itong gawing tradisyon.
3. Bitawan ang mga gadgets
Magtalaga kayo ng oras kung kailan bawal ang gadgets maging ang panonood ng TV. Italaga ang oras na ito para kayo ay mag-usap ng tungkol sa kahit ano. Ibigay ang kumpletong atensyon sa isa’t isa at siguraduhing walang gagambala sa inyo.
4. Serbisyohan ang isa’t isa
Ang pagseserbisyo ay malaking bagay sa isang relasyon lalo na kung may kaakibat itong sakripisyo. Hindi kailangan na malaking pagsasakripisyo ito. Maaaring gumising ka lang ng masmaaga para ipagluto ng almusal ang iyong asawa. Maaari rin naman na hayaan ang iyong asawa na magpahinga habang ikaw ang maghuhugas ng pinagkainan. Huwag lamang kalimutan na ipakita sa isa’t isa na pinapahalagahan ang serbisyo ng iyong asawa.
5. Extended eye contact
Magbigay ng oras kung saan magtitinginan lamang kayo sa mata. Nang pareho kayong hindi magsasalita, gamitin ang oras na ito para pagmasdan ang mata ng iyong asawa. Maaaring maging awkward ito sa mga unang beses na gawin ito ngunit darating ang panahon na masasanay at ikakatuwa ang mga mararamdaman. Matapos ito ay ibahagi sa isa’t isa ang mga karanasan sa araw na iyon.
6. I-masahe ang isa’t isa
Ang pag-mamasahe sa isa’t isa ay isang paraan para maibalik ang romansa sa inyong pagsasama. Ito ay isa sa mga pribadong aktibidad na pinapaubaya sa mga propesyonal o mga pinagkakatiwalaan lamang. Maganda rin itong paraan para matanggal ang stress sa katawan ng iyong asawa. Hindi kailangan na maging magaling dito para makapagbigay ng mga haplos ng pagmamahal.
7. Sorpresahin ang iyong asawa
Hindi kailangan ng mga bisita o gumastos ng malaki para magbigay ng sorpresa sa iyong asawa. Maaaring gumawa ng mga maliliit na love notes na iyong iiwan sa mga lugar na alam mong makikita niya. Nakakaganda ito ng araw at makakabuti lalo kung personal ang mga mensaheng ilalagay.
8. Makipag-usap nang puno ng pagmamahal
Kausapin ang iyong asawa nang puno ng katapatan at pagpapahalaga. Sabihin sa kanya kung gaano mo siya kamahal at kung gaano ka natutuwa na kayo ang nagsasama. Hayaan mo ang iyong puso na magsalita. Gawin ito ng madalas.
Ang sex, mahalagang aspeto man ng pagsasama, ay hindi ang tanging paraan para maging intimate sa isa’t isa. Ang maganda pa, hindi kailangang antayin na maging boring ang pagsasama para gawin ang mga bagay na ito.
Basahin: Paano nga ba maibabalik ang intimacy ng mag-asawa?
Source: Psychology Today
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!