Sa botong 9-1, inaprubahan ng House committee on justice kahapon, January 21, ang panukalang batas na naglalayong ibaba sa siyam na taong gulang ang minimum age of criminal liability in the Philippines.
Age of criminal liability in the Philippines
Sa kasalulukuyang batas ay nasa 15 taong gulang ang age of criminal liability in the Philippines, ngunit layon ng House Bill no. 505 na ibaba ito sa siyam na taong gulang ang edad ng mga batang maaaring managot sa batas kung nakagawa ng krimen.
Kung maisasabatas ito, ang ilang bagay na kasasangkutan ng iyong anak na 9 anyos pataas, tulad ng pakikipag-away na umabot sa pisikal na pananakit o pagkasira ng gamit ng kalaro, ay maaaring maituring na misdemeanor.
Maaari ring mahuli ang iyong anak na walang warrant of arrest, kung ito ay mapaghihinalaang nakagawa o gagawa ng krimen.
Sa ulat naman ng ABS-CBN News, nilinaw ni Oriental Mindoro Representative Doy Leachon, chair ng House justice committee, na hindi ikukulong kasama ng matatandang preso ang mga bata, kapag natuloy na ang pagbaba ng minimum age of criminal liability sa bansa.
Ipapasok daw ang mga ito sa reformative institutions gaya ng Bahay Pag-Asa na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Let it be understood that with the present bill, we are not putting these children in jail but in reformative institutions to correct their ways and bring them back to the community,” ani Leachon ayon sa ulat ng ABS-CBN.
Dagdag pa ng kongresista, “They are not branded as criminals, but children in conflict with law.”
Ayon pa kay Leachon, ang pagpasok daw sa mga bata sa reformative institutions ay hindi upang parusahan sila, kundi upang tulungang makabalik sa komunidad matapos nilang makagawa ng krimen.
Ang mga batang umabot na sa 18 taong gulang ngunit hindi pa rin nagbabago ay saka lamang isasama sa regular na bilangguan.
Base sa panukalang batas, mapapatawan ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong ang sinomang mapapatunayan na nanamantala sa mga bata upang gumawa ng krimen.
Magkakaroon din ng intervention sa mga magulang ng mga batang mahuhuling lumabag sa batas.
Kabilang sa mga tagasuporta ng panukala sina Pangulong Rodrigo Duterte, House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na dumalo sa pagdinig ng komite, at si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde.
Ayon sa PNP Chief, pabata nang pabata ang mga nasasangkot sa krimen. Nabubuyo rin daw ng mga magulang ang kanilang mga anak sa kriminalidad.
Inalmahan naman ng rights groups at ilang mambabatas ang pag-apruba sa nasabing panukalang batas.
Sa ulat ng Philippine Star, kabilang sa mga kumokondena sa pag-apruba sa House Bill ay ang Commission on Human Rights, Salinlahi Alliance for Children’s Concerns, Senator Francis Pangilinan, at Senate President Pro Tempore Ralph Recto.
“The proposal to lower the minimum age of criminal responsibility calls for evidence-based legislation. We need to read the scholarship behind the proposed policy. In the absence of any, we may be legislating based on superstition,” ani Recto ayon sa ulat ng Star.
Samantala, nasa Senado pa ang panukalang batas na inihain ni Senate President Vicente “Tito” Sotto na naglalayong ibaba sa 13 anyos ang minimum age of criminal liability in the Philippines.
Sources: ABS-CBN News, Philstar
Basahin: Mag-aaral ng Ateneo high school nahuli sa video na binubugbog ang mga kaklase
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!