Kapuso mom Aicelle Santos, nagkwento ng kaniyang karanasan sa pagbubuntis at pagiging first-time mom kay Baby Zandrine.
Mababasa sa artikulong ito:
- Aicelle Santos, nagbuntis sa kaniyang first baby sa simula ng pandemic
- Mga dapat tandaan ng buntis ngayong panahon ng Covid-19
- Aicelle Santos, humarap sa mga pagsubok habang inaalagaan ang kaniyang baby
Mahirap magbuntis. Pero mas mahirap siguro kung pagdadaanan mo ito sa kalagitnaan ng pandemya. Subalit para sa mga nanay na nagbuntis at nagsilang ng kanilang mga sanggol sa panahong ito, sulit lahat ng takot, hirap at pagod.
Isa sa mga nanay na makakapagsabing totoo ito ay ang celebrity mom na si Aicelle Santos. Sa naganap na online press event ng GMA Artist Center tampok kanilang mga mom talents, ibinahabi ni Aicelle ang kaniyang karanasan sa pagbubuntis at panganganak sa panahon ng pandemic.
Pagbubuntis at panganganak sa gitna ng pandemya
Ikinasal si Aicelle Santos sa kaniyang asawa, ang GMA reporter na si Mark Zambrano noong Nobyembre 2019. Marso ng sumunod na taon, nalaman ng mag-asawa na magkaka-baby na sila.
Sa panahon ring iyon nagsimula ang pandemic sa bansa. Kaya naman dahil sa ito ang unang beses niyang magbuntis, binalot ng kaba si Aicelle para sa kaligtasan ng kaniyang baby.
“‘Yong conception ko was around March, April. ‘Yong mga start ng pandemic talaga. Siyempre worried ka, praning ka, na mahawa ka, ‘di ba?
And baka mahawa rin ‘yong baby mo lalo na paglabas sa nursery. Apparently wala na pa lang nursery. Pagkapanganak, diretso na agad sa tabi mo, which is better para less exposure,” kuwento ni Aicelle.
Noong panahong iyon, wala pang lumalabas na bakuna, at hindi pa rin ganoon kadali para malaman kung mayroong Covid-19 ang isang tao.
Larawan mula sa Instagram account ni Aicelle Santos
Kaya naman nakadagdag ito sa pangamba ng first-time mom. Sa takot na mahawa siya o ang kaniyang asawa ng sakit, naging sobrang maingat si Aicelle sa panahon ng kaniyang pagbubuntis.
“Pero ‘yong pagbisita ko sa doktor habang buntis, maingat kasi nga nung time na ‘yon, kasagsagan talaga eh. Wala pa tayong mga vaccines, even the swab wala pa noon. Kaya, if you call it praning, praning talaga.
OA ‘yong proteksyon sa akin. Kahit ‘yong paglabas ng asawa ko, hangga’t maaari, minimal lang para hindi kami ma-expose.”
Ngunit alam naman ni Aicelle na hindi lang siya at hindi lang ang mga buntis ang nakakaramdam ng takot noong panahong iyon. Kaya sa kabila ng kaniyang pag-aalala, pinili niyang manalig at magtiwala na magiging okay sila ng kaniyang anak.
Pahayag ni Aicelle,
“Takot na takot. Pero at the end of the day, hindi lang naman kami ang pregnant na takot, lahat tayo. Buong mundo, takot. So you just pray and tiwala ka lang na the Lord will protect us, especially my baby.”
Nang isilang na niya si baby Zandrine noong December 2020, walang kapantay ang sayang naramdaman ng bagong mommy.
“Kaya naman noong nilabas si baby at walang komplikasyon at nakauwi kami ng maayos, nakakaiyak. Sobrang sarap sa puso.”
Larawan mula sa Instagram account ni Aicelle Santos
Mga dapat tandaan ng buntis ngayong panahon ng COVID-19
Tulad ni Mommy Aicelle, marahil ay nakakaramdam ka rin ng matinding kaba at pag-aalala ngayong nasa kalagitnaan tayo ng isang pandemya.
Subalit hindi ka dapat matakot dahil bukod sa mayroon nang lumabas na bakuna at mas madali nang matukoy kung may COVID-19 ang isang tao ngayon.
Patuloy na sinisiguro ng mga doktor at mga ospital ang kaligtasan ng mga buntis, lalo na sa kanilang mga prenatal checkup at panganganak.
Pero para rin sa kaligtasan niyo ni baby, narito ang ilang mga paalala sa mga buntis ngayong may pandemya:
- Ugaliing maghugas ng kamay gamit ang tubig at sabon. Kung lalabas ka, siguruhing mayroon kang dalang alcohol o alcohol-based sanitizer.
- Magsuot ng face mask at face shield kapag lalabas at pupunta sa ospital para sa iyong prenatal checkup.
- Umiwas sa matataong lugar. Kung wala namang importanteng gagawin sa labas, mas mabuting manatili na lang sa bahay (puwede namang mag-online shopping na lang)
- Para mabawasan ang iyong exposure sa sakit, tanungin rin ang iyong OB-GYN kung kailan kayo pwedeng mag-teleconsult o gawing online ang pagkonsulta sa kaniya.
- Paalalahanan rin ang mga tao sa bahay na maging maingat at limitahan ang kanilang paglabas kung maaari.
Tandaan din, kapag nakakaranas ka ng sintomas ng COVID-19 o kapag may napansin kang kakaiba sa iyong nararamdaman, huwag mag-atubiling kumonsulta sa iyong doktor.
BASAHIN:
#TAPTalks: Aicelle Santos-Zambrano: “Wear your stretch marks proudly”
Coleen Garcia on postpartum anxiety: “No matter how much I try, I wasn’t doing good enough&”
Check-up ng buntis: Mga pagbabago dahil sa COVID-19 pandemic
Aicelle Santos bilang isang bagong mommy
Larawan mula sa Instagram account ni Aicelle Santos
Matapos ang kapanganakan ni baby Zandrine, panibagong hamon naman ang hinarap ni Aicelle – ang hamon ng pagiging first-time mom.
Ayon sa kaniya, ang mga unang linggo ng pag-aaalaga sa kanyang newborn ang pinakamahirap. Naranasan niya ang labis na pag-aalala at magduda sa kaniyang kakayahan bilang isang ina.
“Yong first few weeks talaga, I’d say ‘yon ang pinakamahirap. Kasi iyon ‘yong transition mo ng being just you. And then biglang may bagong tao sa buhay mo and you want everything to be perfect.
Gusto mo gawin lahat pero feeling mo hindi mo nagagawa ng tama. But maybe you’re just learning. So that was the hardest part,” pag-amin niya.
Ngunit sa kabila ng mga pag-aalinlangan, hinarap ni Aicelle ang hamon na ito. Dahil ang kapalit naman nito ay ang makitang masaya at malusog ang kaniyang anak.
“Pero kung hardship nating tatawagin, inembrace ko ‘yon. Because ‘yong reward mo naman is your baby’s very healthy.
Despite the pandemic and all, sheltered kayo. So sabi ko, ‘yong hardships, wala ‘yon eh. Kapalit nito. ‘Yong ngiti lang ng anak mo, okay ka na,” aniya.
Ngayong lumalaki na si Baby Zandrine, unti-unti na ring nae-enjoy ni Mommy Aicelle ang pag-aalaga sa kaniya.
“Now kasi that my baby’s in her fifth month, mas nae-enjoy ko na kasi tawa na siya ng tawa. Dumadali na.”
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!