Nagdadalamhati ang isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) nang mabalitaang nasawi ang kaniyang dalawang taong gulang na anak sa kamay mismo ng kanyang tinuturing na kaibigan.
Mababasa sa artikulong ito ang mga sumusunod:
- Bata nasawi dahil sa pananakit ng kaniyang tagapag-alaga
- Pag-amin ng suspek sa krimen
- Pagkakakilanlan ng suspek
Larawan mula sa Pexels
Bata nasawi dahil sa pananakit ng kaniyang tagapag-alaga
Nasawi ang isang batang babae sa kamay mismo ng nag-aalaga sa kanya noong Huwebes. Nangyari ang insidente sa bahay ng suspek na si Rowena Daud, 37 years old, kinilalang nag-aalaga sa batang edad 2 taong gulang.
Ang bata ay anak ng isang Filipina overseas Filipino worker (OFW) na kinailangang magtungo sa Libya para doon magtrabaho. Namasukan bilang kasambahay sa Libya ang ina ng nasawing bata.
Sa report ng ABS-CBN, makikitang emosyonal at hindi makausap ang ina dahil sa sinapit ng kanyang anak. Nakauwi na ito sa Pilipinas noong weekend para masulyapan ang kanyang anak sa huling sandali.
Sinundo ng mga pulis mula sa Quezon City Police District (QCPD) ang ina ng bata mula sa airport. Ito ay dahil wala nang sapat na pera ang nanay na nagmula pa sa abroad.
Kaagad nilang pinuntahan ang labi ng biktima sa ospital at dinala na ito sa mosque sa Quezon City. Makikitang hawak ng ina ang kanyang pumanaw na anak.
Para naman matugunan ang pangpalibing ng bata, nagtulong-tulong muna ang mga pulis para maituloy ang paglilibing dito.
Nanawagan din ang tribal leader ng tribong Tausug na matulungan ang ina ng biktima.
Ayon sa pulisya, nasawi ang bata dahil sa umano’y pananakit ng nag-aalaga dito. Napag-alaman na mismong si Daud ang nagsugod sa ospital sa bata para mapagamot ito.
Ngunit hindi na naagapan ang mga sugat na natamo ng bata at pumanaw rin kinalaunan. Batay sa report ng Philippine National Police (PNP), nakitaan ng sugat at pasa ang bata sa ilang parte ng katawan nito.
Pag-amin ng suspek sa krimen
Paliwanag naman ni Daud, nahulog umano ang bata kaya may mga pasa at sugat sa katawan. Ngunit sa patuloy na pag-iimbestiga ng mga awtoridad ay umamin din ang tagapag-alaga ng bata na nasaktan niya ito.
Pag-amin ni Daud, naibalibag daw niya ang bata, dahilan para mapuruhan ang ulo nito. Dahil daw sa ‘stress’ kaya nasasaktan ng suspek ang biktima.
Larawan mula sa Pexels
Batay sa spot report ng pulisya nakitaan ang bata ng “suspected intentional inflicted bruises and injury as seen in different parts of her body and it was later discovered that herein victim was maltreated by herein suspect.”
Samantala, hindi na dumaan sa autopsy ang labi ng bata dahil hindi ito pinahihintulutan sa relihiyon ng Islam. Kinailangan ding mailibing agad ang labi nito batay pa rin sa kanilang relihiyon.
Bukod kay Rowena ay pinaghahanap din ng pulisya ang lalaking anak ng suspek. Ito’y matapos makita sa imbestigasyon ang posibilidad ng pangmomolestiya sa nasawing 2-taong gulang.
Samantala, na-rescue naman ang kapatid ng biktima at anak din ng Filipina OFW na pinaalaga kay Daud. Mas nakababata ang kapatid nito na edad 8 buwang gulang pa lamang.
Nasa pangangalaga na ng mga social worker ang isa pang anak ng OFW.
BASAHIN:
Ina ng batang nasawi sa aksidente sa bouncy castle: “You wouldn’t dream a fun activity day would end like this”
3-month-old baby, pumanaw dahil sa mataas na lagnat
What is stranger anxiety and how can you help your baby deal with strangers
Larawan mula sa Pexels
Pagkakakilanlan ng suspek
December 2021 nang makapagdesisyon ang ina ng bata na mangibang bansa para matustusan ang kanilang pangangailangan bilang pamilya.
Noong una ay iniwan sa recruiter ang mga anak ng OFW. Nagpapadala ang ina ng bata ng abot sa P5,000 para matugunan ang mga gastusin para sa kanyang mga anak.
Ngunit nagkaroon umano ng hindi pagkakaintindihan ang OFW at kanyang recruiter. Kaya naman napunta kay Daud ang mga anak ng kasambahay sa Libya.
Kaibigan kasi ng OFW si Daud kaya pinagkatiwala niya rito ang kanyang mga anak.
Nasampahan na ng kaso ang suspek na si Daud, kung saan posibleng mapanagot ito sa kasong murder at child abuse. Tinitingnan din ng mga awtoridad na posibleng mapanagot sa rape ang suspek dahil sa nakitang ilang senyales ng mga doktor.
Ayon naman sa ina ng suspek, maging sila ay nabigla sa nagawa ng kanilang kapamilya dahil kilala raw nila bilang matulungin ito.
Ayon kay QCPD district director Police Brigadier General Remus Medina, tinitingnan nila ang posibilidad na isalang ang suspek sa drug test. Patitingnan din ito sa psychiatrist at eksperto para malaman kung ano ang sanhi kung bakit nagawa nito ang krimen.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!