Panganib ng mataas na lagnat sa baby, narito kung paano maiiwasan.
Mababasa sa artikulong ito:
- Kuwento ng isang sanggol na nasawi dahil sa mataas na lagnat.
- Kailan nagiging mapanganib ang isang lagnat?
- Paano maiiwasan ang panganib ng mataas na lagnat sa baby?
Baby nasawi dahil sa mataas na lagnat
Walang nagawa ang isang ina mula sa Sabah, Malaysia kung hindi umiyak matapos masawi ang 3-buwang gulang niyang anak dahil sa mataas na lagnat.
Ang sanggol hindi nadala sa ospital para mapatingan dahil ayon sa kaniyang ina, sila ay walang-wala. Sa katunayan, matapos masawi ay magdamag lang na tinitingnan ng ina ang sanggol niyang wala ng buhay. Ito ay dahil kahit ang pampalibing nito ay pino-problema niya.
Mabuti na nga lang umano at may isang volunteer mula sa isang non-government organization ang napadaan sa kanilang lugar na tinitirhan.
Narinig nito ang paghagulgol ng ina na hindi na malaman ang gagawin sa nasawi niyang sanggol. Sa tulong nito ay nabigyan ng maayos na libing ang baby na nasawi dahil sa mataas na lagnat.
Ayon pa sa mga report, dumadaan sa labis na hirap ng buhay ang pamilya ng sanggol. Ang ama nito ay nakulong kamakailan lang dahil sa kaso na may kaugnayan sa droga.
Kaya naman ang ina lang nito ang tumataguyod sa nasawing sanggol at dalawang taong gulang pa nitong kapatid. Dahil sa nangyari sa anak, ang naturang ina ay nasa estado parin ng trauma.
Panganib ng mataas na lagnat sa baby
Ang lagnat, ayon sa mga eksperto, ay hindi naman mapanganib hangga’t ito ay hindi umaabot sa 39.4 degrees Celsius at higit pa. Pero para sa mga 3 buwang gulang sanggol, ang bahagyang pagtaas ng kanilang temperatura ay go signal na para dalhin sila sa doktor.
Ito’y para agad na matukoy ang tunay na dahilan nito at matulungan ang kanilang mahinang katawan para malabanan o malunasan ang sakit na nararanasan.
Masasabing may lagnat ang isang sanggol kung ito ang kaniyang body temperature.
- 4°F (38°C) o higit pa kung ang kaniyang temperatura ay kinuha gamit ang rectal thermometer.
- 99°F (37.2°C) o higit pa kung ang kaniyang temperature ay kinuha gamit ang ibang method o sa ibang bahagi ng katawan.
credit to sources
Bakit nilalagnat ang sanggol?
Ang kadalasang dahilan ng lagnat sa mga sanggol ay ang hindi mapanganib na viral infection. Pero may mga pagkakataon din na ang lagnat sa isang sanggol ay maaring dulot ng bacterial infection. Tulad nalang ng pneumonia o lung infection at meningitis.
Marami sa ating mga magulang ang labis na nag-aalala sa tuwing nagkakalagnat ang ating anak. Isa sa pangunahing rason ay sa pag-aakalang maaaring dahil dito ay ma-damage ang kanilang internal organs. Partikular na ang kanilang utak na maaaring maging sanhi ng developmental retardation.
Pero base sa mga pag-aaral, hindi mada-damage ng lagnat ang kahit anumang organ sa katawan. Dahil ang lagnat ay isang paraan ng katawan para labanan ang bacterial infection na nararanasan nito.
Ang bahagyang pagtaas ng temperatura ng katawan kahit 1 degree Celsius lang ay palatandaan na pinipigilan nito ang pag-dami pa ng viruses at germs sa loo ng katawan.
BASAHIN:
#AskDok: Paano malalaman kung may lagnat ang bata?
Pabalik-balik na lagnat: Sanhi, sintomas at gamot para dito
Kombulsyon kapag nilalagnat: Ano ang dapat gawin?
Mataas na lagnat maaring magdulot ng kombulsyon
Pero ang nakakabahala pagdating sa pagkakaroon ng lagnat ay ang pag-kokombulsyon o seizures. Ito ay nangyayari kapag sobrang taas ng lagnat ng bata.
Isa sa mga palatandaan nito ay ang imboluntaryong paggalaw ng mga binti at braso ng sanggol na may bilis na hindi makontrol. Kung nagpapakita ng ganitong sintomas ang iyong sanggol habang may mataas na lagnat ay dapat agad na siyang dalhin sa doktor. Lalo pa kung siya’y hindi na tumatalima o nag-rerespond sa mga tawag mo sa kaniya.
Bagama’t ang seizures o kombulsyon ay nangyayari lang naman sa loob ng ilang minuto, ito ay hindi dapat balewalain.
Walang gamot ang nakakatulong para masigurong makakaiwas sa seizures o kombulsyon ang isang sanggol na may mataas na lagnat. Pero may mga paraan na maaring gawin para maiwasang lumala pa o mapunta sa mataas na lagnat ang temperatura sa katawan ng isang sanggol.
Iba pang sintomas ng lagnat sa baby
Ang unang dapat gawin ay bantayan ang iba pang sintomas ng lagnat na palatandaan na kailangan ng dalhin si baby sa doktor. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:
- Pagiging inactive o matamlay hindi tulad ng normal
- Tulog lang ng tulog ang sanggol at ayaw sumuso.
- Dumudumi o umiihi ng napaka-dalang na palatandaan ng dehydration.
- Iritable o iyak ng iyak sa hindi maipaliwanag na dahilan.
- Hirap sa paghinga.
Ang mga sintomas na ito ay hindi dapat balewalain. Dapat ay agad ng dalhin sa pinaka-malapit na clinic o ospital ang anak. Hindi na kailangang lagnatin pa siya. Ang mahalaga ay matukoy ang dahilan ng pagbabago sa ikinikilos o pakiramdam niya at agad na malusan ito.
People photo created by jcomp – www.freepik.com
Mga dapat gawin kung may lagnat ang isang sanggol
Napaka-halaga na mabigyan agad ng gamot ang isang bata na angkop sa sakit o lagnat na kaniyang nararanasan. Halimbawa, kung ito ay dulot ng bacterial infections siya ay kailangang mabigyan ng antibiotics. Habang antivirals naman ang ibibigay sa kaniya kung ang sakit niya ay dulot ng viral infection tulad nalang ng influenza.
Samantala, para matulungang pababain ang lagnat na nararanasan ng iyong anak, narito ang ilang hakbang na maari mong gawin.
- Punasan siya ng bimpo na binasa sa maligamgam na tubig.
- Suotan siya ng manipis na damit.
- Pilitin siyang pasusuin o painumin ng tubig.
- Bigyan siya ng gamot sa lagnat na ni-reseta ng doktor.
Sources:
Harian Metro, Root of Science, Healthline, WebMD
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!