Nais mo bang gawan ng socia media account ang iyong anak? Bago mo ito gawin, pag-usapan muna natin kung ano ang masamang epekto ng social media.
Talaan ng Nilalaman
Masamang epekto ng social media
Sa panahon natin ngayon, halos lahat ay mayroong ng sariling smartphone. Siyempre, hindi mawawala rito ang mga application katulad ng mobile games at social media account.
Malaki ang naitutulong ng SNS upang mapanatili ang ating komunikasyon kahit na magkakalayo. Napapanatili nitong konektado ang bawat isa at updated sa latest na happening ng mga kaibigan o kapamilya.
Isang click lang, posible mo nang makita ang iyong malayong kamag-anak na nasa probinsya. Maaari kana ring makabili ng iyong grocery online! Kaya naman masasabi nating convenient talaga ang paggamit ng social media at internet.
Ngunit bukod sa mga benepisyong taglay nito, hindi natin maitatangging marami pa rin ang masasamang loob ang nandito. Ano nga ba ang masamang epekto ng social media lalo na sa iyong anak?
7 rason kung bakit hindi mo dapat gawan ng social media account ang anak mo
Parents, madami mang benepisyong taglay ang social media, laging tatandaan na hindi ito sapat na dahilan upang ibahagi lahat ng nangyayari sa iyong buhay sa platapormang ito.
Sa artikulong ito, ating isa-isahin kung bakit hindi mo dapat basta-bastang i-post sa social media ang litrato ng iyong baby.
1. Digital kidnapping
Delikado ang pagpo-post ng litrato ng iyong baby sa social media dahil ito ay maaaring gamitin sa digital kidnapping. May pagkakatulad ito sa “identity theft” na nangyayari rin madalas sa mga matatanda.
Nangyayari ito kapag kinuha ng walang pahintulot ng ibang tao ang litrato ng iyong anak at may intensyong gamitin sa iba. Kadalasan, nagpapanggap ang mga predator na ito na anak nila ang iyong anak at sasabihing may sakit ang baby. Dito na niya ipapakita ang pangunahing intensyon, ang manghingi ng pera gamit ang litrato ng iyong anak.
2. Pornograpiya
Isa pang nakakabahalang masamang epekto ng pagpo-post ng litrato ng iyong anak sa social media ay ang child pornography. Marami-rami na rin ang mga naitalang kaso sa usaping ito.
Nangyayari ito kapag ninanakaw ng predator ang litrato ng iyong anak at nilalagay ito sa mga disturbing na website o forum na konektado sa pornograpiya.
3. Maagang paggamit ng smartphone
Ang paggawa mo ng social media media ng anak mo ay nagtuturo lamang sa kanila sa maagang paggamit ng telepono. Malaking bagay ito na dapat iwasan muna.
Ang maagang pagkahumaling sa internet o cellphone ay maaaring magturo sa kanila sa paggamit nito sa murang edad. Masasabing isa itong distraction sa kanilang social life pati na rin sa pag-aaral.
4. Online bullying
Ito ay kilala rin bilang ‘cyberbullying’ na sa panahon ngayon, ay marami ang nakakaranas na kabataan. Hindi biro ang epekto ng cyberbullying sa mga biktima dahil sa ibang kaso, ito ang nagiging dahilan ng kanilang self-harm o suicide.
Marupok pa ang damdamin ng mga bata kaya naman madali silang maapektuhan ng mga mababasa o makikita nila sa internet lalo na kung ito ay tungkol sa kanila.
5. Kidnapping
Marami ang mga nakaabang na predator sa internet. Lagi silang nakaabang sa bawat post ng mga magulang katulad na lamang kung nasaan sila, itsura ng baby at iba pang personal na bagay na maaari nilang gamitin. Isa sa tinitignan din nila ay ang estado ng buhay ng baby at dito na pumapasok ang kidnapping na sobrang delikado.
Ang mga litratong ibinahagi mo sa social media ay malaking bagay sa kanila na makakatulong sa kanilang masamang balak. Kaya naman iwasan ang pagpo-post ng sensitibo o personal na bagay sa social media katulad ng home address, personal na dokumento at iba pa.
6. False marketing
Ito ay may pagkakahawig din sa sobrang panonood ng mga bata ng telebisyon. Dito nila nalalaman ang iba’t ibang bagay katulad ng pagkain, laruan at iba pa na maaaring maging dahilan ng pagpapabili nila sa ‘yo ng kung anu-anong bagay.
Pasok din sa usaping ito ang scam na isang uri ng panloloko sa internet. Parents, laging tatandaan na hindi lahat ng nakikita sa internet ay totoo. Maging maingat at mapagmatyag.
7. Privacy ng baby
Kahit na sabihin nating bata pa lang ang iyong anak, hindi maaalis ang katotohanang mayroon pa rin silang privacy na kailangan nating alalahanin. Anuman ang i-post sa social media, habang buhay na itong nandito kahit na burahin pa.
Parents, maging maingat sa lahat ng ibinabahagi na litrato o personal na impormasyon sa internet. Malawak itong lugar at marami rin ang masasamang loob ang nakaabang.
Masamang epekto ng social media sa kalusugan
Hindi lang kaligtasan mula sa masasamang tao ang dapat na isaalang-alang kung iniisip na gawan ng social media ang iyong anak. May kaakibat na banta rin ang social media sa kalusugan ng bata.
Ayon sa article ng American Psychological Association, sa kanilang isinagawang plenary talk, napag-usapan na ang labis na paggamit ng social media ay may negatibong epekto sa kalusugan ng kabataan.
Maaari itong magdulot anxiety, depression, at iba pang psychological disorders. Bukod pa rito, pwede rin itong maging sanhi ng future health problems.
Napagdiskusyunan din ng APA na ang mga teenager na gumagamit ng Facebook ay madalas na nagpapakita ng narcissistic tendencies.
Habang ang mga young adult na may strong social media presence ay nagpapakita ng senyales ng iba pang psychological disorders kabilang na ang antisocial behaviors, mania, at aggressive tendencies.
Bukod pa rito, ang paggamit ng social media ng mga bata ay maaaring makaapekto sa kanilang pag-aaral. Ayon sa study, ang mga kabataang nasa middle school, high school, at college na nagche-check ng kanilang Facebook habang nasa 15-minute study period ay madalas na nakakukuha ng mababang grado.
Ayon naman sa Cleveland clinic, may pag-aaral sa mga 11 taong gulang na bata na gumagamit ng social media. Nabatid sa isinagawang pag-aaral na ang mga kabataang gumagamit ng Instagram at Snapchat ay karaniwang nagkakaroon ng problematic digital behaviors.
Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng online-only friends
- Pagbisita sa mga sites na hindi aprubado ng magulang
- Mataas na tsansa ng pakikisangkot sa online harassment
Mayroon din umanong pag-aaral kung saan ang mga batang madalas gumamit ng Tiktok ay may nade-develop na tics o nagkakaroon ng tic-like attacks.
Ito ay movement disorder dulot ng stress at anxiety. Tinitingnang dahilan ng paglala nito ay ang pandemya at ang pagtaas ng social media consumption ng mga bata.
Dagdag pa rito, maaari ring magresulta ng mga sumusunod ang labis na paggamit ng mga bata ng social media:
- Pagiging irritable
- Pagtaas ng anxiety
- Kakulangan sa self-esteem
Isa pa, ang sobrang paggamit ng social media ay maaaring magdulot ng obesity dahil sa kakulangan sa physical activity. Pwede itong humantong sa pagkakaroon ng iba’t ibang health problems tulad ng diabetes, heart disease, respiratory issues, at depression.
BASAHIN:
Cyber Nightmare: Ang danger signs ng internet at social media
Impluwensya ng social media sa kabataan
Malaki ang epekto ng social media sa mental health ng kabataan. Maaari itong magdulot ng mga negatibong kaisipan sa mga bata tulad ng mga sumusunod:
1. Pagbaba ng self-esteem
Sa dami ng nakikikitang posts ng bata sa social media kung saan ay tila perpekto ang mundo, maaari itong makaapekto sa kaniyang mental health.
Hindi maiiwasang ikompara ng iyong anak ang kaniyang sarili sa ibang tao na nakikita sa social media. Dito mas lalala ang kaniyang insecurities na maaaring magdulot ng pagbaba ng kaniyang self-esteem.
2. Ang sobrang screen time ay maaaring magdulot ng sleep issues.
Inirerekomenda na itigil ang paggamit ng social media isang oras bago matulog. Ang blue light na ine-emit ng ating mobile phones ay nakasisira sa circadian rhythm.
Mahihirapang matulog ang iyong anak kung siya ay babad sa social media. Bukod pa rito, ang stress at anxiety na dulot ng social media sa bata ay pwede ring maging sanhi ng sleeping issues.
Samantala, ang kakulangan sa tulog ay maaaring magresulta ng pagbaba ng academic performance, behavior, at appetite ng iyong anak.
3. May epekto sa development ng iyong anak
Ang labis na paggamit ng social media ay maituturing na passive activities at hindi ito nakatutulong sa development at growth ng isip ng iyong anak.
Hindi nito nae-encourage ang bata na mag-engage sa critical thinking at hands-on learning. Maiuugnay ang pagbabad sa social media sa mga behavioral problems, learning disabilities, at attention deficit disorders.
4. Maaaring magdulot ng fear of missing out (FOMO) ang madalas na paggamit ng social media.
Tinuturing itong new style ng anxiety kung saan ang bata ay nakakaramdam ng takot na baka nahuhuli siya sa trend at anomang impormasyon tuwing siya ay offline. Maaari niyang maramdaman na disconnected siya sa buhay tuwing disconnected siya sa online world.
5. May epekto sa kaniyang physical activity
Kung madalas na nasa-social media ang iyong anak, ibig sabihin ay less ang kaniyang physical activity. Posible ring maging dahilan ito para kumain at uminom sila mindlessly na magreresulta sa pagtaas ng calories na maaaring humantong sa obesity.
Paano mailalayo ang iyong anak sa negatibong epekto ng social media
Kung gumagamit na ng social media ang iyong anak, siguraduhing kausapin sila tungkol sa kanilang expectations at maging sa iyong mga inaasahan. Narito ang ilang maaaring gawin:
- Alamin kung handa na ba ang iyong anak. Bilang magulang, ikaw ang nakakaalam sa maturity level ng iyong anak at kung paano sila makipag-usap sa ibang tao.
- Kausapin ang iyong anak. Simula pa lang, mahalagang magkaroon ng open and honest conversation sa iyong anak kung ano ang social media at kung para saan ito. Tanungin kung bakit interesado sila na magkaroon ng account sa partikular na platform at kung saan nila ito gagamitin.
- Kapag nagsimula nang gumamit ng social media ang iyong anak, patuloy pa rin silang kausapin tungkol sa mga trending o nauusong content sa social media. Alamin kung ano ang naiisip nila sa mga napapanood at nababasa.
- Limitahan ang screen time ng iyong anak nang dalawang oras kada araw.
- I-monitor ang mga kinokonsumong content ng iyong anak sa social media.
- Maging role model. Ipakita sa iyong anak ang safe at healthy social media behaviors na maaari niyang gayahin.
Sa kabilang banda, huwag masyadong mapressure pagdating sa usapin ng social media sa bata. Maaaring makipag-usap din sa ibang magulang at humingi ng tulong sa kung paano ang dapat gawin sa pag navigate ng social media nang ligtas sa iyong anak.
Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan