Online na ang lahat ngayon—bata, matanda, kahit may sariling computer o nagpupunta lang sa computer shop. Hindi na nating pwedeng pigilan ang mga bata lalo’t marunong na silang magbasa o nasa edad na nang pagpasok sa eskwelahan, dahil pati sa eskwela ngayon ay may computer subjects na. Hindi nga ba’t ang worldwide web ang isa sa pangunahing pinagkukuhanan ng impormasyon ngayon ng mga estudyante, guro, at mga propesyonal?
Pero kasama ng magandang dulot ng digital age at pag-usad ng teknolohiya, ay ang mga panganib na dulot nito sa seguridad ng mga bata.
Paano nga ba magiging alisto at ligtas sa mga cyber-risks bilang isang magulang sa panahong ito.
Konektado ka na ba?
Ang social media ay isang instrumento ngayon para sa komunikasyon na gamit ang teknolohiya. Ang kaibahan niya sa dyaryo at radio, ay ang interaksiyon ng mga taong gumagamit nito, kahit nasaan pa sa mundo. Social media ngayon ang pangunahing platform para magkakilala o magkumustahan, kahit nasaan ka pa o kahit anong oras pa. Dagdag pa ang photo at video sharing.
“The next big thing”
Ayon sa Forbes.com contributor na Jayson DeMers, ang social media ang susunod na pinakalamaking bagay sa panahong ito sa lahat ng aspeto. Isinulat niya sa artikulong The Top 10 Benefits of Social Media Marketing, napakaraming benepisyo ng social media, lalo na sa mga kabataan o milenyals.
Ngayon, pwede mo nang hanapin sa internet ang halos lahat ng impormasyon na dati ay hinahanap lang natin sa mga textbook o encyclopedia. Ang mga kabataan ngayon ay hindi lamang mga explorers, kundi mga social at actibong participants ng lipunan—at ng mundo.
Napakalaking instrumento din ito para sa mga batang entrepreneurs, content creators at managers, na natututo ng mga critical thinking at social skills na kailangan nila sa pamumuno sa kinabukasan. Sa Facebook, Twitter, Pinterest, at marami pang ibang social media platforms ay naging pangunahing “lugar” kung saan nagkikita-kita at nagkakausap ang mga kabataan, lalo na.
Ilang cyber jargon at mga panganib nito
Di natin makakaila na ang mga cyber talk at Internet technobabble na naririnig natin sa mga anak natin ay nakakahilo minsan. Pero kailangan nating malaman para hindi tayo mahuli, at hindi makalagpas sa atin ang mga mapanganib na bagay para sa ating mga anak tulad ng predators at bullies.
1. Selfie. Ang trend na dulot ng camera phones, at naging sikat na sikat lalo na nang magkaron ng two-way camera feature ang mga cell phone. Naidagdag na ang salitang ito sa Merriam-Webster Dictionary. Ang depinisyon nito ay ‘pagkuha ng sariling litrato gamit ang digital o mobile phone camera.
Panganib nito: Ano ba naman ang masama sa pagkuha ng sarili mong litrato? Halos lahat naman ay nagseselfie na, maski nga si nanay, tatay, lolo at lola. Ayon sa mga eksperto, ang pagkuha ng napakaraming selfie, o litrato ng lahat ng kilos, anggulo at lugar na pinupuntahan, pati na rin ang mga hilig mo ay maaaring magdulot ng panganib, lalo na sa mga menor de edad, o batang 12 taong gulang pababa.
Marami nang naging kontrobersiya tungkol sa pagkuha ng selfie sa mga nakaraang ilang taon, kasama na ang mga psychological disorders at cyber-bullying sa mga komento, na naging sanhi ng mga suicide. Hudyat nga ba ito ng personality disorders? Mas panganib nga ba ito kaysa masaya?
Ang kahit anong sobra ay makakasama. Payuhan ang anak tungkol sa kung ano ang sobra o sapat lang, kung ano ang masyadong personal na, at kung alin ang ligtas at wala namang makakasama. Pag-usapan kung bakit. Ipaliwanag ito ng simple lang at huwag nang masyadong komplikado.
Para sa mga bata, kailangan lang naman ipaalala na kapag sobrang personal at maraming impormasyon na ang ipinapakita at pinopost sa internet, maaaring may mga masamang tao ang makakita nito at gamitin ito sa masama. Kahit naka-private mode ka pa, pwede pa ring makita yan ng iba. Kaya mas mabuting huwag na lang.
Kasama na dito ang pagpopost ng mga magulang ng baby pictures sa kanilang social media page. Maraming masasamang loob ngayon na hindi natin alam, na kayang kayang pasukin ang mga accounts natin.
Ang selfie ay nakaka-adik din. Kung bata pa lang ay napakaraming beses na agad kung mag-selfie, maaaring makasanayan ito at ang pagtingin na lang sa sarili (kung maganda ba siya o gwapo, o mataba o payat) ang pinapahalagahan. Kaya’t kailangan ng gabay ng magulang. Masaya naman din ang mag-selfie. Pero kailangan lang ng paalala sa sarili at anak na mag-ingat at maghanap ng ibang gawain bukod sa pagseselfie.
2. Checking in. Ito at ang “Happening right now” ay bigla na lang nauso. Kailangan ba talagang malaman ng lahat ng tao kung nasaan ka ngayon minutong ito? Masaya lang kasing ipaalam sa mga kaanak at kaibigan na kumakain ka sa sikat na restawran na ito o namamasyal sa bansang iyon.
Panganib nito: Ayon sa pag-aaral ng National Cyber Security Alliance (NCSA) at McAfee noong 2012, ang statistics ng mga taong nagbigay ng impormasyon tungkol sa lokasyon nila sa social network ay nakakabahala. Sa isang artikulo noong 2012 tungkol sa pag-aaral na ito, payo ng McAfee na huwag gamitin, o bawasan man lamang ang paggamit ng location-based social networking o geotagging, dahil ang new-age app/service na ito ay maaaring maging mitsa ng inggit, o nang pagiging interesado ng mga masasamang loob tulad ng stalkers, Internet trolls, at predators.
Makikita kasi dito ang pattern ng inyong lifestyle at pinupuntahan. Madaling malalaman ng mga predators na wala kayo sa bahay, o naiwan niyo ang bata sa bahay (kapag nakalagay na“Out on a date with my wife”, alam agad na naiwan ang anak sa bahay, di ba?). Napakadaling malaman kung nasasan kayo o saan kayo papunta, o kung kailan kayo babalik sa bahay.
3. Groups. May mga social media sites na maaaring makagawa ng grupo para sa mga taong may pare-parehong interes. Ang Google Plus, Ning, Facebook, MySpace at ilan pang teen-based sites tulad ng DeviantART at WeeWorld ay ilan pa sa mga ganitong grupo. Nakakapaglagay ka ng litrato, updates, artworks, at marami pang iba, at ito ay bukas sa mga gustong sumali.
Panganib nito: Marami nang naibalita na naging problema ukol sa seguridad, una na ang identity theft, dahil sa pagsali sa mga ganitong grupo. Hindi naman lahat ng grupo ay delikado. Kailangan lang maging alisto at mapaalalahanan ang mga bata na huwag basta-basta sumali, o kung sasali man, huwag magbibigay ng mga personal na impormasyon kung hindi naman kailangan.
Huwag din basta maglagay ng mga larawan ng sarili at ng pamilya. Paalalahanan din ang mga bata na iwasang makipagkaibigan sa mga hindi personal na nakikilala. Kung masyado pang bata ang anak, mas mabuting huwag munang pasalihin sa mga grupo. Mas mabuti nang maingat, kaysa malinlang ng mga cyber criminals. Isang pag-aaral noong 2009 pa lang ang nagsabi na na 40 na porsiyento ng lahat ng Facebook at ibang social media profiles ay fake o huwad. Kung may fake news, may fake profile din.
4. Netiquette. Ang ibig sabihin ay “Internet Etiquette”—ang social code of conduct ng network communication. Kapag online, kailangan pa ding maging magalang at may respeto sa mga kapwa online. Napakadaling mag-post at mag komento sa thread kasi hindi ka naman nakikita ng kausap mo. Malamang din hindi ka kilala, kaya kahit pagtawanan o sabihan ng masasamang salita, malakas ang loob dahil nga hindi ka naman siguro hahabulin pa o hahanapin. Yan ang problema sa panahong ito. Sa kanyang librong The Rules of Netiquette, ang may akdang si Julie Spira ay nagpaliwanag ng ilang basic Netiquette rules. Ayon kay Spira, may mga dapat tandaan tuwing ikaw ay online. Ang mga ito ay maaari nang ituro sa anak upang mayron siyang nalalaman tungkol sa etiquette o magandang asal sa social network.
- Iwasan ang self-promotion. Hindi lamang unethical, nakakainis din na palagi na lang may nakasingit na personal ads ng mga produkto o serbisyo sa mga post o komento. Kung gusto mong mag-promote o mag-advertise, may plataporma o paraan para dito—hindi sa isang post ng kaibigan.
- Gawing personal. Kung magpapadala ng friend request sa Facebook o business connection sa Linkedin o iba pang social networking sites, sumulat ng maiklking mensahe o mag-abiso sa taong iniimbita. May personal touch at propesyonal o may paggalang ang dating. Maaaring tulungan ang anak sa pagsulat nito, Magpraktis sa pag-iimbita ng kamag-anak na nasa ibang bansa. Pasulatin siya ng ilang linya na nagpapakilala sa sarili. Ito ay para alam agad ng iniimbita kung sino ka, lalo na’t matagal nang hindi nakikita o nakakausap ang iniimbita.
- Huwag komento ng komento, lalo’t opinyon ito. Sadyang nakakadismaya para sa iba ang ilang mga opinyon o komento tungkol sa politika, relihiyon, o ilan pang kontrobersiyal na paksa. Pati na rin ang mga pang-aaway o personal na atake na nakapost nang walang pasintabi. Turuan ang anak na ang social media post ng isang tao ay nagpapakita ng kaniyang pagkatao o karakter. Kung puro galit o masasamang salita din lang ang ipapahatid, ay huwag nang ilagay. O kung may kaaway ka o sama ng loob, mas mabuting sa personal messages na lang at huwag sa wall posts, dahil hindi naman ito para sa lahat.
- Magtanong, bago mag-post. Huwag maging “tag-happy.” Ito yung post nang post at tag nang tag ng mga litrato ng mga kaibigan, na minsan ay nakakahiya ang itsura. O minsan naman, may mga tao lang na ayaw talagang magpalagay ng litrato nila sa mga social network pages. Magpaalam muna sa mga nasa litrato, o ipaalam bago ilagay, kung alam mong sensitibo ang tao o ang makikita sa litrato. Respeto ito sa privacy ng tao.
- Mag-spell check din. May spell-check at grammar check na sa panahong ito, kaya gamitin sana. Iwasan ang mga salitang maaaring maka-offend sa tao, at magsanay din na magsulat ng tama ang spelling at grammar. Turuan ang mga anak na ang pagsusulat ng posts ay isang magandang pagsasanay sa pagsulat nang tama ang grammar at spelling.
Pangalagaan ang inyong internet privacy
Minsan mahirap ipaunawa sa mga bata at teenagers ang mga konseptong nabanggit sa itaas. Mahirap ding ipaintindi na ang pakikipag-chat at pagpo-post online ay tulad ng pagbubukas ng iyong diary para sa lahat. Obligasyon nating mga magulang ang maging magandang halimbawa, at mapaintindi sa kanila kung bakit at paano gamitin ang privacy settings, at ilan pang mahahalagang bagay na nabanggit na sa itaas.
Tandaan din na ang mga social media apps ay madalas mag-update at upgrade, kaya’t naiiba o narereset ang mga settings. Paalalahanan at tulungan ang mga anak na tingnan palagi ang privacy settings ng account nila, at ng mga pinopost. Siguraduhing hindi ipinagsasabi ang password at binabago ito paminsan-minsan.
Handa na bang mag-online ang iyong anak?
Ayaw man natin, hindi natin maikakaila na ang internet at social media ay mga mahahalagang instrumento para sa ating mga anak sa panahong ito. May mga positibo at negatibong epekto ang pag-oonline. Nasa sa ating paggabay nakasalalay ang ligtas na paggamit nito. Ang sinasabing minimum age requirement para sa isang bata na magbukas ng Facebook account, halimbawa, ay 13 years old. Para sa maraming magulang, kapag umabot na sa -teen years ang anak, mas napagkakatiwalaan na itong mapag-isa. Pero hindi pa rin tuluyang malayang mag-isa.
Para sa paggamit ng computer para sa internet, sinisimulan na ng mga paaralan ang computer education sa pagdating ng middle grade school, o Grade 3. Maaari nang payagang sumubok mag-internet ang anak kung magsasaliksik, o maglalaro ng mga educational games, ngunit sa limitadong oras lamang. Huwag hayaang magbabad ng ilang oras sa internet ang mga bata. Ang 30 minuto sa isang araw ay sapat na.
Hangga’t maaari, mas magandang maghintay pa ng sapat na edad—16 hanggang 18 taong gulang, bago pa tuluyang magkaroon ng free-hand, ika nga, sa social media.
Hikayatin silang maglaro sa labas o magbasa ng libro, makipaglaro sa mga kapwa bata, magluto, maglinis ng bahay, at mag-aral, sa halip na nakatutok lang sa computer.
Kausapin ang anak at alamin din kung ano ang nararamdaman niya tungkol dito. Minsan, sa kanila natin makukuha ang mga sagot o mga bagay na makakatulong sa ating desisyon.
BASAHIN: Street Smart ba ang iyong anak?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!