Ang pagdidisiplina sa anak ay mahalagang bahagi ng kanilang pagkatuto at pag-unlad. Gayunpaman, maraming magulang ang humaharap sa hamon ng pagpapatupad ng epektibong disiplina. Ayon sa isang ulat mula sa Michigan Medicine – University of Michigan na inilathala ng Science Daily noong Disyembre 16, 2024, maraming magulang ang gumagamit ng pagbabanta at suhol upang mapanatili ang mabuting pag-uugali ng kanilang mga anak. Ngunit epektibo ba ang mga paraang ito sa pangmatagalang aspeto?
Mga karaniwang diskarte ng magulang sa pagdidisiplina sa anak
Larawan mula sa Canva
Ayon sa pag-aaral, isa sa apat na magulang ng mga batang may edad tatlo hanggang lima ang gumagamit ng banta na “walang regalo mula kay Santa” bilang paraan ng pagdidisiplina. Marami rin ang nagbabanta na aalis sa isang lugar, kukunin ang mga laruan, o hindi papayagang kumain ng panghimagas upang mapigil ang maling asal ng bata.
Bukod sa pagbabanta, halos kalahati ng mga magulang na lumahok sa pag-aaral ang inamin na gumagamit sila ng suhol o gantimpala upang hikayatin ang mabuting asal. Halimbawa, may mga magulang na nangangakong bibili ng laruan o magbibigay ng espesyal na pagkain kapalit ng mabuting pag-uugali.
Ang kahalagahan ng consistency sa pagdidisiplina sa anak
Ayon kay Dr. Susan Woolford, isang pediatrician at co-director ng Mott Poll, ang disiplina ay dapat makatulong sa mga bata upang matutunan ang pagkakaiba ng tama at mali. Gayunpaman, ang madalas na paggamit ng mga walang saysay na banta ay maaaring humantong sa pagkawala ng tiwala at pagpapahalaga ng bata sa sinasabi ng magulang.
“Ang positibong pagpapalakas at tuloy-tuloy na disiplina ay mas epektibo sa paghubog ng mabuting asal sa mga bata,” ani Woolford sa salitang Ingles.
Bagaman kalahati ng mga magulang ang nagsasabing sila ay laging consistent sa kanilang mga diskarte sa pagdidisiplina, marami pa rin ang umaamin na sila ay nahihirapan sa pagpapanatili ng pagiging consistent. Kabilang sa mga pangunahing dahilan ng kanilang pagiging hindi consistent ay ang mga sumusunod:
- Ang anak ay masyadong bata upang maunawaan ang disiplina.
- Ang estratehiyang ginagamit ay hindi laging epektibo.
- Ang mga magulang ay nais lamang iwasan ang pampublikong tantrum ng anak.
- Napapagod o naiinis na ang magulang bago pa man maipatupad ang tamang disiplina.
Larawan mula sa Canva
Ano ang mas angkop na diskarte sa pagdidisiplina?
Ang pag-aaral ay nagpakita na maraming magulang ang kumukuha ng gabay mula sa kanilang kapwa magulang, pamilya, kaibigan, libro, artikulo, at social media. Ngunit kaunti lamang ang kumukonsulta sa mga propesyonal sa kalusugan upang talakayin ang angkop na paraan ng pagdidisiplina.
Ayon kay Woolford, mahalaga para sa mga magulang na piliin ang diskarte na akma sa edad at antas ng pag-unlad ng bata. Halimbawa:
- Para sa mga batang may edad isa hanggang dalawang taon, ang distraction at redirection ang mas epektibong pamamaraan, dahil nasa yugto pa sila ng pagtuklas at bihirang may malisyosong layunin ang kanilang kilos.
- Para sa mga batang may edad tatlo hanggang lima, mas epektibo ang paggamit ng warnings, firm voice, at timeouts upang bigyan ng pagkakataon ang bata na maunawaan ang kanilang pagkakamali.
Ayon kay Woolford, ang disiplina ay dapat may malinaw na kaugnayan sa maling asal ng bata. Halimbawa, kung ang bata ay nagkalat ng inumin sa sahig nang may intensyong manggulo, isang mas angkop na parusa ay hayaan siyang tumulong sa paglilinis nito.
Larawan mula sa Canva
Dapat iwasan: Pisikal na parusa at walang saysay na banta
Bagaman may mga magulang na gumagamit ng palo bilang paraan ng disiplina, ipinakita ng maraming pag-aaral na ito ay hindi epektibo at maaaring humantong sa mas matinding pagsuway at agresyon sa hinaharap. Sa halip, inirerekomenda ng mga eksperto ang positibong disiplina, tulad ng pagbibigay ng papuri at gantimpala sa mabuting asal.
Ang paghahalili umano ng pagwawasto sa pagkakamali gamit ang positibong reinforcement ay tumutulong sa bata na magkaroon ng tiwala sa sarili at matutong itama ang kanilang mga kilos, ayon pa kay Woolford.
Sa halip na umasa sa banta o suhol upang mapanatili ang mabuting asal ng bata, mahalaga ang pagtuturo ng lohikal na konsekwensya, pagiging consistent, at paggamit ng positibong pagpapalakas. Bilang magulang, ang tamang pagdidisiplina ay hindi lamang tungkol sa pagpigil sa masamang asal kundi sa pagbuo ng matibay na pundasyon ng mabuting pag-uugali sa kanilang paglaki.
Tulad ng sabi ni Woolford, habang lumalaki ang bata, magbabago rin ang kanilang tugon sa disiplina. Kaya’t kailangang manatiling bukas ang mga magulang sa iba’t ibang pamamaraan upang epektibong maturuan ang kanilang anak.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!