Ang “Anti-palo” bill, o batas na pinipigilan ang mga magulang sa pamamalo sa kanilang mga anak, ay hinarang kamakailan ng Pangulo bago pa ito maisabatas. Nangyari raw ito noong Peb. 23, ayon sa mga dokumentong inilabas ng Malacañang.
Ano ang “anti-palo” bill?
Sa ilalim ng batas na ito, mapoprotektahan dapat ang mga bata laban sa pamamalo, pamamahiya, at iba pang katulad na paraan ng parusa. Layon nitong i-promote ang “positive and non-violent discipline” para sa mga bata.
Ngunit ayon sa Pangulo, posible naman daw magsagawa ang mga magulang ng corporal punishment, o pamamalo na hindi marahas. Dagdag pa niya, posible raw itong maging paraan ng pagmamahal at disiplina na makakatulong sa mga bata.
Dagdag pa ng Pangulo, “I believe as much as Congress does that every child should be protected from humiliating forms of punishment. It is a salutary piece of legislation.”
“However, I am gravely concerned that the bill goes much further than this act as it would proscribe all forms of corporal punishment, humiliating or not, including those done within the confines of the family home. I do not share such an overly sweeping condemnation of the practice,” aniya.
Bukod dito, sinabi pa ng Pangulo na nakakatulong raw ang corporal punishment, basta hindi sumosobra. Natuturuan raw nito na maging disiplinadong mamamayan ang mga bata.
Dagdag pa niya, posible raw na labagin ng batas ang karapatan ng mga magulang. Ito ay dahil posible itong manghimasok sa pamamaraan ng pagpapalaki ng mga magulang.
Dagdag pa niya, “I strongly believe that we should resist this trend in favor of a more balanced and nuanced approach, one that is both protective of the child as well as cognizant of the prerogatives of devoted parents who believe in the merits of corporal punishment rightly administered.”
Tama ba o mali ang pamamalo ng bata?
Mabuti sana ang “anti-palo” bill upang mapigilan ang ibang mga magulang na sumosobra sa pamamalo ng kanilang mga anak. Ngunit sa ating bansa, tradisyonal nang ginagawa ang pamamalo upang disiplinahin ang mga bata.
Pero maraming mga pag-aaral na ang isinagawa na ipinapakitang mali at mayroong masamang epekto ang pamamalo. Heto ang ilan sa mga ito:
- Pagtaas ng aggression o pagiging agresibo ng mga bata
- Depresyon at anxiety
- Pananakit o pambubully ng ibang mga bata
- Pagkakaroon ng masasamang ugali
- Pagbaba ng IQ
May ilan rin namang mga magulang na nagsasabing walang naging masamang epekto ang pamamalo sa mga bata. Kadalasan, sila rin mismo ay pinalo ng kanilang mga magulang, at nararamdaman nilang nakabuti pa ito sa kanila.
Kaya’t mahirap sagutin ang tanong kung tama ba o mali ang pamamalo ng bata. Dahil iba-iba ang nagiging karanasan ng mga tao dito. Ang tanging maipapayo namin sa mga magulang ay pairalin ang pagmamahal, pag-unawa, at pagiging pasensyoso sa kanilang mga anak. Hindi nila dapat isipin na pamamalo ang pangunahing paraan ng pagdidisiplina, dahil marami namang epektibong paraan ng pagdidisiplina ang hindi kinakailangan ng pamamalo.
Source: Philippine Star
Basahin: Hindi raw epektibo ang pamamalo ng bata, ayon sa mga pediatrician
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!