Kamakailan lang ay naglabas ng pahayag ang American Academy of Pediatrics (AAP) tungkol sa pamamalo. Sabi nila, ang pamamalo ng bata ay hindi raw epektibo sa pagdidisplina. Bagkus, ito pa raw ay posibleng makasama sa mga bata.
Pamamalo ng bata, dapat nang tigilan
Bukod sa pamamalo, sinabi rin ng AAP na hindi tama ang ibang uri ng nonphysical punishment tulad ng pananakot o pagpapahiya sa mga bata.
Ayon sa kanila, nasisira daw ng pamamalo, pananakot, at pagpapahiya ang relasyon ng mga magulang at kanilang mga anak. Dagdag pa ni Dr. Robert D. Sege, isang pediatrician, mahalaga raw na tanggalin ang takot at karahasan sa relasyon ng mga anak at magulang. Mas mabuti pa raw na punuin ito ng pagmamahal dahil importante ang magandang relasyon ng mga anak at magulang.
Sinabi pa niya na kapag pinalo mo ang bata ay siguradong makukuha mo ang kaniyang atensyon. Ngunit hindi ito magandang paraan para ituro sa bata ang tama at mali.
Bukod dito, mas nagiging agresibo daw ang mga batang pinapalo, at mas mataas ang posibilidad na suwayin nila lalo ang kanilang mga magulang. Bumababa rin daw ang IQ ng mga batang pinapalo.
Ang kanilang rekomendasyon ay intindihin ang pag-uugali ng anak, at turuan sila kung ano ang tamang asal. Sa halip na pamamalo, mas mabuti raw ang paggamit ng time out at pag reward ng positibong pag-uugali pagdating sa pagdidisiplina.
Ano ang magandang alternatibo?
Para sa mga magulang na nasanay na pinapalo ang kanilang mga anak, mahirap talagang baguhin ang paraan ng pagdidisiplina. Ngunit para sa ikabubuti ng iyong anak, mabuting tumigil na sa pamamalo at gumamit ng ibang mga paraan.
Heto ang ibang mga alternatibo sa pamamalo:
- Gumamit ng time-out kapag masyadong malikot ang iyong anak. Sa pamamagitan nito, nabibigyan sila ng panahon para kumalma at maging mas relaxed upang makontrol ang kanilang pag-uugali.
- Bigyan sila ng reward kapag may ginawa silang tama. Sa pamamagitan nito, nabibigyan sila ng positive reinforcement, at mas natututo silang gumawa ng mabuti.
- Iwasan silang sigawan o takutin. Dapat kalmado ka kapag kinakausap ang iyong anak, pero mahigpit pagdating sa pagbibigay ng pangaral at disiplina.
- Mahalagang turuan ang iyong anak na magtiwala sa iyo at bigyan ka ng respeto bilang magulang. Makukuha lang ito kapag nakinig ka sa hinaing ng iyong anak, at kapag mahinahon ang iyong pagdidisiplina.
- Tanggalan sila ng mga pribilehiyo tulad ng paggamit ng gadgets o panonood ng TV bilang parusa sa iyong anak.
Source: NY Times
Basahin: Study: Spanking children my lead to anti-social behavior and mental problems in adulthood
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!