Mga mommies, narito ang kasagutan sa inyong tanong tungkol sa sinat ng bata.
Mababasa sa artikulong ito:
- Paano malalaman kung may lagnat ang bata?
- Mga posibleng sanhi ng sinat
- Kailan dapat pumunta sa doktor kapag may sinat ang bata?
Isa sa mga karaniwang binabantayan ng mga magulang kapag parang matamlay o may sakit ang kanilang anak ay ang lagnat o kapag tumataas ang temperatura nito.
Ilalagay natin ang ating kamay sa kanilang leeg at pakikiramdaman kung mainit ito. Kung oo, kukunin natin ang thermometer para tingnan ang temperatura ng bata. Pero paano kung ayon sa kaniyang temperature, wala namang lagnat ang bata?
Dito sa atin, sinat ang tawag natin dito. Pero bakit nga ba nangyayari ito?
Bago natin talakayin ang tungkol dito, alamin muna natin kung paano natutukoy ang lagnat sa mga bata.
Paano malalaman kung may lagnat ang bata?
Mayroon nang nakasanayang paraan ang bawat magulang para matukoy kung may lagnat ang kanilang mga anak. Kadalasan, napapansin nating matamlay ang bata, kakapain natin ang bahagi ng kanilang leeg para tingnan kung mainit ito o hindi.
Pero ayon kay Dr. Nicole Perreras, isang pediatrician at eksperto sa infectious diseases mula sa Makati Medical Center, ang ganitong paraan hindi maaasahan para malaman kung mayroon talagang lagnat ang bata.“‘Yong tactile kasi, it’s not reliable because it depends on the skin of the person touching the child.” aniya.
Maaari lamang itong magsilbing babala na maaring mayroong lagnat. “Kung feeling mo mainit siya, that’s the time to really check it with a thermometer.” dagdag niya.
Depende sa ginagamit na thermometer at sa bahagi ng katawan kung saan ito inilalagay ang maging pagbasa ng temperatura ng bata. “Kasi malalaki ng variations ng temperature per area na kinukuhaan ng reading (ng bata).” aniya.
Kung gagamit ng digital thermometer sa axillary method (o iyong iniipit sa kilikili ang thermometer), na siyang pinakakaraniwan at kinasanayan natin, masasabing may lagnat ang bata kapag umabot sa 37.8 o higit pa ang kaniyang temperature.
Tingnang maigi ang thermometer
Ayon kay Dr. Perreras, maaring hindi lang nasusukat ng magulang ang temperatura ng anak sa kasagsagan ng kaniyang lagnat kaya parang iba ang nararamdaman niya sa nababasang temperatura. “Baka hindi nasusukat (ang temperature) in time when the fever is at its height,” aniya.
Paalala rin ni Dr. Perreras, tingnan kung gumagana ng maayos ang thermometer. “Baka mamaya matagal na pa lang hindi nagagamit kaya hindi na nagbabasa ng maayos ‘yong thermometer.” aniya.
Nauuso rin ngayon ang mga non-contact thermometer kung saan itinututok lang ito sa noo ng tao para malaman ang temperature. Subalit ayon sa doktora, hindi maaasahan ang ganitong uri ng thermometer na matukoy kung talagang may lagnat ang isang tao.
“Hindi siya masyadong accurate, but it’s a good screening test to check if the temperature is high.”aniya.
Payo ni Dr. Perreras, para makasiguro kung mayroong lagnat ang iyong anak, dalawang beses kunin ang kaniyang temperature mula sa magkaibang bahagi ng katawan. “If in doubt, you can check the temperature in two different areas.” aniya.
Makakatulong din kung sisimulan mo nang i-monitor ang temperature (i-check sa pagitan ng 4 na oras) at mga sintomas sa iyong anak para makumpirma kung mayroon nga siyang sakit.
Pero kung gumagana naman nang maayos ang inyong thermometer, pero ganoon pa rin ang sinasabi, maaaring may ibang dahilan ng sinat ng bata.
BASAHIN:
#AskDok: Totoo bang nagkakasakit ang bata kapag natuyuan ng pawis?
Mga posibleng dahilan ng sinat sa mga bata
Kung mainit ang pakiramdam kapag hinahawakan mo ang iyong anak subalit wala naman siyang lagnat, maaring may mga bagay o pangyayari na nakakapagdulot nito:
-
Init ng panahon
Kapag mainit ang panahon, maari nitong maapektuhan ang pakiramdam ng isang tao. Gayundin, puwede itong magdulot ng mga sakit gaya ng sunburn, heat exhaustion, at heatstroke.
Kapag sobrang init, mas mabilis ring madehydrate, at kapag nawawalan ng sapat na tubig sa katawan, tumataas din ang ating body temperature. Kaya importante na uminom ng maraming tubig lalo na kapag tag-init.
-
Pananamit
Lalo na sa mga sanggol, mabilis tumaas ang kanilang temperature kapag masyadong makapal o masyado silang nababalot ng damit.
-
Nagngingipin
Kapag nagsisimula nang tumubo ang mga ngipin ng sanggol, maaaring tumaas din ang kanilang temperature, subalit hindi naman sapat para magkaroon sila ng lagnat.
-
Pisikal na gawain
Kapag nag-eehersisyo, naglalaro o anumang pisikal na gawain, bumibilis ang daloy ng dugo papunta sa ating ulo at tumataas ang ating body temperature.
-
Anxiety
Kapag ang bata ay nakakaramdam ng stress o anxiety, ang utak ay naglalabas ng “fight o flight response” na nagdudulot ng pagbilis ng tibok ng puso at pagbilis din ng blood circulation na siyang nagpapa-angat ng body temperature.
Bagama’t hindi ka naman dapat mag-alala kung may sinat ang iyong anak, maaring senyales na rin ito na dapat mo siyang bantayan at obserbahan.
I-monitor na ang kaniyang body temperature, at siguruhing maayos ang kaniyang kalusugan at umiinom ng maraming tubig.
Kailan dapat pumunta sa doktor kapag may sinat ang bata
Subalit kung may sinat ang iyong anak na sinasamahan ng mga sintomas na ito, tumawag na rin agad sa kaniyang pediatrician:
- Matamlay ang bata
- Siya ay parang nababalisa at hindi mapakali
- Mayroong senyales ng dehydration (hindi masyadong umiihi, walang luha kapag umiiyak)
- Nagsusuka o nagtatae
- Mayroong viral infection (gaya ng ubo o sipon) ang bata na tumatagal na ng mahigit 7 araw
Paalala rin ni Dr. Perreras, “Assess talaga if may fever ang bata. Check using a thermometer. Don’t use your hand, don’t use your cheek. Best talaga is to measure it properly.”
Mas mabuti nang maging maingat. Kung mayroon kang katanungan tungkol sa sinat o kung may napapansing kakaiba sa ikinikilos ng iyong anak, huwag mahiyang kumonsulta sa inyong doktor.
Source:
Healthline, WebMD, Medical News Today
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.