Isang grade 9 student mula sa Ateneo Junior high school ang lumantad at dinepensahan ang Ateneo bully. Ayon sa mag-aaral, hindi raw totoong bullying ang nangyaring insidente. Bagkus, ang biktima pa raw ang naunang pumatol sa bully kaya’t nangyari ang insidente.
Ateneo bully, dinepensahan ng kamag-aral
Sa isang panayaman sa 24 Oras sa, ibinahagi ng mag-aaral na naging saksi raw siya sa pangyayari sa loob ng CR ng Ateneo Junior High School. Aniya, hindi raw buo ang kuwentong kumalat sa social media, at gusto raw niyang malaman ng mga tao ang katotohanan.
Sabi niya, nagsimula raw ang alitan sa dalawa nang binunggo raw ng biktima ang bully. Dahil sa nangyari, tinanong raw ng bully ang biktima kung ano ang problema niya. Matapos nito, tinulak raw ito ng biktima, at nanghamon na ng suntukan ang bully.
Nangyari daw ang insidente pagkatapos ng huling klase, matapos tanggapin ng biktima ang naging hamon ng bully. Doon na nangyari ang insidente na nakuhanan sa video.
Siya raw ay binastos at binully ng biktima
Dagdag pa niya na wala raw pumilit sa kaniya na magsabi ng kaniyang kuwento. Bukod dito, siya rin daw ay minsan nang inaway at nabully ng biktima sa video.
Ayon sa kaniya, noong grade 7 daw sila ay madalas raw siyang bastusin ng biktima. Aminado naman ang mag-aaral na parehas may pagkakamali ang dalawang estudyante sa video.
Ngunit para sa kaniya, mahalaga raw na malaman ng publiko ang tunay na kuwento. Sinabi pa niya na nalungkot raw siya sa naging desisyon ng Ateneo, at posible raw na na-pressure lamang sila ng publiko.
Nalungkot pa raw siya sa naging reaksyon ng mga tao na kinukundena ang bullying, ngunit sila rin ay bully din. Matatandaan na naging biktima ng cyber bullying ang Ateneo bully matapos kumalat ang video sa social media.
Nagbigay na rin daw siya ng pahayag sa opisina ng president ng Ateneo na si Father Jose Ramon Villarin SJ. Umaasa siyang suriin muli ng Ateneo ang kaso, at bigyan raw ng pangalawang pagkakataon ang kaniyang kaklase.
Bagama’t di natin masabi kung ano ba talaga ang tunay na nangyari noong araw na iyon, magsilbi sana itong importanteng leksyon sa mga mag-aaral. Kahit kailan ay hindi tama ang bullying, at hindi tama ang manakit ng iyong kapwa.
Source: GMA News
Basahin: Magulang ng biktima ng Ateneo bully, nagsalita na
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!