Bakit sinisinok ang baby? Narito ang mga bagay na dapat mong malaman tungkol sa paksang ito?
Mababasa sa artikulong ito:
- Bakit sinisinok ang baby?
- Mga pwedeng gawin kapag sinisinok ang sanggol
- Mga pamahiin sa pagsinok ng baby
Hilig nating pagmasdan ang ating mga newborn, kaya naman maging ang maliliit na bagay na ginagawa nila ay talagang napapansin natin. Tulad na lang ng kanilang pagsinok.
Para sa mga bagong magulang, ang madalas na pagsinok ng kanilang sanggol ay isang palaisipan. Ayos lang ba siya, o masama ba ang kaniyang pakiramdam? Bakit laging sinisinok ang baby, at ano bang dapat gawin rito? ‘Yan ang mga aalamin natin ngayon.
Sadyang prone ang mga sanggol sa pagsinok, kahit nasa loob pa lamang sila ng sinapupunan. Ayon sa journal na isinulat ni John Cunha, DO, FACOEP, U.S. board-certified Emergency Medicine Physician, hindi naman talaga apektado ang mga sanggol sa pagsinok nila. Ang totoo nga ay nakakatulog pa sila ng mahimbing kahit sinisinok na. Hindi rin ito nakakaabala sa paghinga.
Normal at natural lamang ang pagsinok at hindi dapat ikabahala. Kadalasan, dahil din ito sa pagiging excited ni baby. Habang lumalaki, mababawasan ang dalas ng pagsinok.
Bakit sinisinok ang baby?
Ayon sa mga doktor, ang dahilan kung bakit sinisinok ang baby ay sanhi ng contraction ng diaphragm at mabilis na pagsara ng vocal cords. Sabi ng ibang pediatrician, minsan ito ay sanhi ng pagpapakain, o di kaya’y paglamig ng temperatura. Pero hindi naman ito dapat ikabahala.
Sumang-ayon naman si Dr. Jennifer Tiglao, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center na ang sinok ay maaring may kinalaman sa diaphragm ni baby.
“Ang hiccups normal naman ‘yan. It happens din and has something to do sa nerves sa diaphragm. Minsan nati-trigger ‘yan, kapag na-trigger iyan, ayan ‘yong nerves sa diaphragm nagkakaroon ng hiccups.” paliwanag niya.
Kapag ang pagsinok ni baby ay nagdudulot na ito ng hirap at pagkabalisa sa kaniya, maaari mayroong ibang dahilan o sakit na nagdudulot nito, gaya ng gastroesophageal reflux disorder o GERD.
Maaring nangyayari ito kapag nakakain si baby ng mga pagkaing maraming acid. Kapag ang fluids na ito ay dumaan sa diaphragm, posibleng mairita ang tiyan at magdulot ng spasms o paghilab.
Anong dapat gawin kapag sinisinok si baby?
Gaya sa’ting matatanda, ang pagsinok ng bata ay normal lang, at kusa naman itong nawawala. Subalit kung nag-aalala ka, narito ang ilang mga paraan na pwede mong subukan para matigil ang pagsinok ng sanggol:
1. Padighayin si baby
Ang pag-burp ay nakakatulong na maalis ang labis na gas sa tiyan, na maaari ring nakakadagdag sa pagsinok. Kung nasa upright position ang sanggol, mas maginhawa ang paghinga. Makakatulong kung padidighayin si baby pagkatapos uminom ng gatas sa bote man o kay Nanay. Itapat ang ulo ng sanggol sa balikat at tapikin ng mahina ang likod niya.
Nirerekomenda rin ng mga eksperto na kargahin muna sa upright position (patayo) ang sanggol pagkatapos niyang dumede, sa loob ng 20 minuto. Ito ay para makababa nang maayos ang gatas sa tiyan, at gayundin para kusang dumighay ang bata at mawala ang hangin na nagdudulot ng sinok.
2. Bigyan ng pacifier
Kung ang pagsinok ay hindi naman pagkatapos ng pagkain o hindi nangyari pagkatapos kumain, maari mong bigyan ng pacifier si baby upang ma-relax ang kaniyang diaphragm. Subalit dapat tandaan na hindi nirerekomenda ng mga pediatrician at breastfeeding experts ang pagbibigay ng pacifier sa mga newborn. Basahin rito kung bakit.
3. Ibaling sa ibang bagay ang atensyon ni baby
Kung ayaw mong bigyan ng pacifier si baby, mas makabubuting padedehin na lang siya kapag siya ay sinisinok. Ito rin ang payo ni Dr. Tiglao:
“I advise mothers to breastfeed. Kapag sinisinok padedehin mo, dire-diretso hanggang sa makalimutan niya na ang suminok.”
Pwede mo rin siyang patawanin o abalahin para hindi niya mapansin na sinisinok na pala sila. Makakatulong rin kung ihehele mo ang iyong sanggol para ma-relax siya.
4. Hayaan na lang tumigil nang kusa
Madalas kasi, tumitigil na ito ng walang kailangang gawin. Kung hindi naman ito nakakairita para kay baby, hayaan na lang. Kung masyado nang matagal at may paglungad o pagsuka na, dapat ay ikonsulta mo na ito sa kaniyang pediatrician.
Mga paniniwala na may kinalaman sa pagsinok ng sanggol
Pagdating sa pag-aalaga sa mga sanggol, mayroong mga pamahiin at paniniwalang sinusunod ang matatanda. Ilan rito ay may kinalaman sa pagsinok ng bata. Iniisip kasi ng ibang magulang na wala namang mawawala kung sundin ito. Kaya kahit walang medikal na basehan, sinusunod na lang nila ito.
Sabi ng iba, dapat ay ginugulat daw ang isang bata kapag sinisinok. Ito ang medyo nakakabahala dahil hindi mabuti para sa isang sanggol ang magulat. Pwede mo sigurong aliwin ang iyong anak para ma-distract siya, pero tandaan na napakasensitibo pa ng kalusugan ng mga sanggol, kaya dapat silang ingatan nang mabuti.
BASAHIN:
Paglalagay ng sinulid sa noo ni baby
Ayon pa sa matatanda, kapag sinisinok ang bata, pwedeng maglagay ng sinulid o kaya sulatan ng lipstick ang kaniyang noo. Pero paglinaw ni Dr. Tiglao, walang medikal na basehan ang paraang ito at paniniwala lang ng matatanda.
Ang sinok ay nanggagaling sa diaphragm at walang kinalaman ang noo. Subalit kung gagawin mo ito para ma-distract ang iyong sanggol, pwede mo namang subukan kung gusto mo.
Dapat bang painumin ng tubig si baby kapag sinisinok?
Bago ang lahat, dapat tandaan na ang pagpapainom ng tubig ay BAWAL sa mga sanggol na 6 na buwan at pababa. Ayon kay Dr. Tiglao, maari itong makasama sa bata. Narito ang kaniyang paliwanag:
“It has something to do- number one, immature pa iyong kidneys ng babies. So hindi niya pa kaya iyong fluid overload. You have fluid already in your breastmilk or formula. Hindi pa kaya ng kidneys ng baby ang maraming water. We call it water intoxication.” aniya.
Kung 6 na buwan o mahigit na si baby, maaari na siya bigyan ng tubig. May mga sumusubok ng tubig, habang ang iba ay pinapainom ng gripe water.
Ang gripe water ay kombinasyon ng herbs at water na sinasabing nakakatulong sa colic at ilang pagsakit ng tiyan. Ito ay may ginger, fennel, chamomile, at cinnamon, at mas karaniwan sa ibang bansa. Tandaan, kumonsulta muna sa iyong pediatrician bago bigyan ang bata ng gripe water.
Dito sa atin, regular na drinking water lang ay ayos na. Katulad ng epekto ng pacifier, nare-relax ng pag-inom ang ating diaphragm.
Paano mapipigilan ito?
Walang siguradong paraan para mapigilan ang pagsinok, ngunit may mga maaaring subukan. Siguraduhing kalmado ang sanggol habang umiinom ng gatas. Huwag hintaying umiyak pa ng sobra bago painumin ng gatas. Pagkakain, iwasan ang aktibong paglalaro tulad ng pagtalon. Buhatin ng patayo ang bata pagkakain.
Kailan dapat tawagin si Dok?
Kailan nga ba dapat mag-alala sa pagsinok? Sinasabing normal ito para sa mga batang wala pang isang taon. Kung napapansin na nagiging mas madalas at naiirita o umiiyak si baby sa tuwing sinisinok, huwag magdalawang-isip na kumonsulta sa kaniyang doktor. Bihira man, maaaring hudyat ito ng isang kondisyong medikal o ibang sakit.
Source:
The Cause and Treatment of Infant Hiccups in Babies and Newborns, ColicCalm.com
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.