Bago ka bumili ng pacifier para sa iyong anak, narito muna ang dapat mong malaman tungkol sa epekto ng paggamit ng pacifier sa baby.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mabubuting epekto ng pagbibigay ng pacifier sa sanggol
- Masamang epekto ng paggamit ng pacifier sa baby
- Mga dapat tandaan sa pagbibigay ng pacifier sa iyong anak
Ang paggamit ng pacifier sa baby as isa sa mga paksang pinagmumulan ng debate sa mga nanay. Marami kasing nagsasabi na hindi ito nakakabuti sa sanggol, habang mayroon pa ring mga nagsasabi na nakakatulong ito.
Naniniwala kami na ang magulang ang tanging makakapagdesisyon kung dapat bang gumamit ng pacifier ang kanilang anak. Pero bago mo bigyan nito si baby, dapat ay handa ka sa mga maaring maging epekto nito.
Narito ang mga bagay na dapat malaman ng magulang tungkol sa epekto ng paggamit ng pacifier sa baby.
10 bagay na dapat malaman bago bigyan ng pacifier si baby
Epekto ng paggamit ng pacifier sa baby. | Larawan mula sa iStock
Unahin muna natin ang mga benepisyo ng pagbibigay ng pacifier sa mga sanggol:
1. Nababawasan ang posibilidad ng SIDS.
Ang sudden infant death syndrome o SIDS ay isa sa mga pinakatatakutang pangyayari ng mga magulang na may newborn. Ito ang hindi inaasahan at hindi maipaliwanag na pagkamatay ng sanggol habang siya ay natutulog.
Subalit may mga pag-aaral na nagsasabing nakakatulong na mabawasan ang posibilidad ng SIDS kapag binibigyan ng pacifier si baby, lalo na kapag siya ay natutulog sa gabi.
2. Nakakatulong ito sa paglakas ng mga preterm infants
Napag-alaman sa isang pag-aaral na ang paggamit ng pacifier ng mga preterm baby o mga sanggol na ipinanganak ng hindi pa full-term ang pagbubuntis ng ina ay nakakatulong para lumakas ang sanggol at mapadali ang kanilang pagdedede.
Ipinakita ng pag-aaral na may magandang pagbabago sa digestion o pagkuha ng nutrisyon ng mga sanggol na wala pang 32 linggo kapag gumagamit sila ng pacifier habang sumasailalim sa galvage feeding (o kapag ipinadadaan ang nutrients gamit ang tubo sa ilong papunta sa tiyan ng bata).
3. Napapakalma nito ang baby
Alam ng mga magulang ng mga sanggol kung gaano kahirap magpatahan ng isang baby na umiiyak. Minsan, ang paraan lang tumigil sila umiyak ay kapag mayroon silang sinisipsip.
Para sa ilang sanggol, ito ang dahilan ng kanilang pagdedede. Pero hindi naman sa lahat ng oras ay pwede silang magdede dahil masama rin sa baby kapag nasosobrahan siya sa gatas.
Isa sa mga paraan para kumalma ang bata sa pag-iyak ay kapag binigyan siya ng pacifier na maaari niyang sipsipin ng matagal.
Nakakatulong din ang paggamit ng pacifier sa baby kapag bumibiyahe sila sa malayong lugar. Masama ang air pressure sa loob ng eroplano kaya nakakatulong kung mayroong sinisipsip si baby para hindi siya magkaroon ng problema sa kanyang tenga.
Narito naman ang mga masasamang epekto ng paggamit ng pacifier sa baby:
4. Maari itong magdulot ng impeksyon sa tenga
Ayon sa isang pag-aaral, ang paggamit ng pacifier sa sanggol ay nakakataas ng posibilidad na magkaroon ito ng otitis media, o isang infection na nangyayari sa tenga ng isang bata. Ilan sa mga sintomas na maaring mapansin sa mga sanggol ay ang mas madalas na pag-iyak at pagkabalisa.
5. Tumaas ang posibilidad na maging overweight si baby
Ayon sa isang pag-aaral, ang mga sanggol 4 na buwan at pataas na gumagamit ng pacifier ay may mas malaking posibilidad na lumaking overweight o sobra ang timbang pagdating ng edad na 2 kaysa sa mga batang hindi gumagamit ng pacifier.
Larawan mula sa Freepik
6. Maaaring magkaroon ng problema sa ngipin ang iyong anak
Hindi naman masama ang pacifier sa ngipin ng isang sanggol, pero sa mga batang 2-taong gulang pataas, maaari itong makaapekto sa hugis o hitsura ng kaniyang ngipin.
Malambot pa ang panga at gums ng bata, kaya kapag laging may pacifier na nakasaksak sa kaniyang bibig sa edad na 2 at lalo na kapag lumagpas ng edad na 4 (kung kailan nagsisimulang lumabas ang permanent teeth ng bata), maaaring magdulot ito ng dental problems gaya ng overbite o crossbite.
7. Maaaring makasagabal ito sa pagdede ni baby
Ang maagang pagbibigay ng pacifier sa sanggol ay maaaring magdulot ng nipple confusion kung saan mas mahihirapang mag-latch si baby sa iyong dede. Maaari ring mabilis na mapagod ang sanggol sa pagdedede kaya hindi sapat ang gatas na makukuha niya.
8. Makakapagdulot ito ng impeksyon sa sanggol
Kung hindi nalinis ng maayos ang pacifier bago ibigay kay baby, o kaya naman nahulog ito sa maruming lugar tapos ilalagay ni baby sa kaniyang bibig, maaaring mayroon itong mga virus at nakasasamang mikrobyo na makukuha ni baby at maging sanhi ng viral infection.
9. Maaaring magsimula ng “bad habits” sa magulang
May mga magulang na binibigyan ang kanilang anak ng pacifier tuwing umiiyak ito, kaya minsan, hindi na nila napapansin o nalalaman ang totoong dahilan ng pag-iyak.
Huli na ang lahat kapag nalaman nilang may sakit pala si baby na dapat sana ay naagapan nila. Minsan, nagiging problema rin ito kapag sa halip na padedehin si baby, ay bibigyan na lang siya ng pacifier para kumalma.
10. Maaaring masyadong mawili si baby sa pacifier
Kapag masyadong nasanay sa paggamit ng pacifier, maaaring maging masyadong dependent na siya rito. May mga bata na hindi nakakatulog hangga’t hindi nakasubo ang kanilang pacifier, o kaya hindi na masyadong nagdedede kahit gutom sila.
Minsan din, nahihirapan ang magulang na patigilin ang kanilang anak sa paggamit ng pacifier kahit malaki na ito (edad 2 pataas).
BASAHIN:
Yaya, idinikit ang pacifier kay baby gamit ang tape!
Pacifier ni baby, dapat raw isubo ni mommy para linisin?
10 dahilan kung bakit umiiyak si baby at kung paano siya mapapatahan
Mga dapat tandaan ng magulang sa pagbibigay ng pacifier
Kung nakapagdesisyon kang bigyan ng pacifier ang iyong anak, narito ang mga bagay na dapat mong tandaan sa paggamit ng pacifier kay baby:
-
Huwag ibigay ang pacifier ng masyadong maaga.
Ayon sa American Academy of Pediatrics, dapat antayin muna ng magulang na masanay si baby na magdede sa kaniya o magkaroon sila ng feeding routine bago bigyan si baby na pacifier para makaiwas sa nipple confusion. Kadalasan nangyayari ito 4 na linggo mula nang ipanganak siya.
-
Siguruhing maganda ang quality at ligtas ang pacifier ni baby.
Huwag pumili ng basta-basta. Mayroong mga pacifier na gawa sa BPA na hindi ligtas para sa sanggol. Humanap ng mga brands na matibay at ligtas para kay baby.
-
Huwag maging dependent sa pacifier
Iwasang magbigay agad ng pacifier kapag umiyak si baby. Tingnan muna kung makakalma mo siya sa ibang paraan tulad ng pagpapalit ng posisyon ng sanggol.
Gayundin, huwag gamitin ang pacifier para ipagpaliban o i-delay ang pagpapadede kay baby. Siguruhing hindi gutom si baby bago siya bigyan ng pacifier.
Hindi rin tama na isubo muna ng magulang ang pacifier na ibigay kay baby. Maaari mong ipasa ang germs at virus sa iyong anak sa ganitong paraan.
-
Siguruhing malinis ang pacifier ni baby.
Larawan mula sa iStock
Para makaiwas sa mga sakit, siguruhing nalinis ng maigi ang pacifier ng iyong anak bago ito ipagamit sa kaniya. Kung wala pang 6 na buwan ang bata, laging pakuluan ang pacifier. Tingnan din sa pakete kung ano ang tamang paraan ng paglilinis nito.
-
Huwag isabit sa crib o sa leeg ni baby ang pacifier.
Maaari itong maging sanhi ng aksidente at lubhang delikado para sa sanggol. Bantayan din ang bata habang gumagamit ng pacifier, at sa lahat ng oras.
-
Alamin din kung panahon na para patigilin na si baby sa pacifier.
Para maiwasang maapektuhan ang kaniyang ngipin, patigilin na si baby sa paggamit ng pacifier kapag dumating siya sa edad na 2 hanggang 4. Humingi ng payo sa inyong pediatrician o dentista kung kailangan mo ng tulong para rito.
Sa huli, ang magulang pa rin ang makakapagdesisyon kung gusto nilang gumamit ang kanilang anak ng pacifier o hindi. Siguruhin lang na maging mapagmatyag sa ikinikilos ng iyong anak habang gumagamit ng pacifier para maiwasan ang masasamang epekto nito at masiguro ang kaniyang kaligtasan.
Source:
MayoClinic, WebMD, Healthline, AAP
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!