Anong dapat gawin kapag nasamid ang baby? Alamin rito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga senyales na dapat bantayan kapag dumedede si baby
- Mga bagay na dapat gawin kapag nasamid ang baby
- Kailan dapat dalhin sa doktor ang iyong anak
Maraming mga bagay tungkol sa ating newborn ang hindi natin maintindihan, lalo na sa mga first-time moms. Ilan rito ay ang madalas na pagsinok, ang paglungad, at minsan pa nga, ang hitsura o pakiramdam na parang nasasamid.
Naalala ko ang mga unang beses na pinapadede ko ang mga anak ko. Labis ang pag-aalala ko kapag nagdedede sila noong bagong panganak sila dahil bigla na lang silang uubo nang malakas na parang nahihirapang huminga at nalulunod sa aking gatas.
Tuwing nangyayari ako, lalo akong nagpa-panic at natatakot na padedehin siya dahil baka mapahamak siya ng hindi ko alam kung bakit.
Subalit bakit nga ba nasasamid ang mga sanggol?
Larawan mula sa Freepik
Bakit nasasamid o nabubulunan si baby?
Kapag napapansin na ang nasasamid si baby habang kumakain o dumedede, huwag magpanic. Ayon kay Dr. Robert Hamilton, isang pediatrician mula sa Providence Saint John’s Health Center sa Santa Monica, ang pagkasamid ay natural lang sa mga sanggol.
Ito ay dahil ipinanganak sila na mayroong “hyper-gag reflex” na pumoprotekta sa kanila habang nagdedede. Dala rin ito ng kanilang neurologic immaturity.
Narito ang ilan sa mga karaniwang sanhi ng pagkasamid ng maliliit na sanggol:
-
Mayroon pang tubig sa kanilang baga.
Habang nasa loob sila ng uterus ng kanilang ina, ang lungs ni baby ay puno ng fluid. Sa mga huling parte ng pagbubuntis at kapag ipinanganak na sila, unti-unti nang nawawala ang fluid mula sa lungs, para mapaghandaan ni baby ang kaniyang unang paghinga sa outside world.
Nakakatulong na mawala ang tubig sa baga kapag lumalabas si baby mula sa birth canal ni mommy. Tuwing nagkakaroon ng contraction, napipiga ang baga ni baby para maalis ang tubig.
At matapos siyang ipanganak, maaaring gumamit ang doktor ng suction para matulungang makalabas ang fluid mula sa baga ng sanggol para lumuwag ang kaniyang paghinga.
Pero minsan, mayroon pa ring fluid na nananatili sa lungs ni baby ilang araw pagkatapos niyang ipanganak. Ito ang dahilan kung bakit parang naririnig mo siyang umuubo, dahil sinisusubukan niyang ilabas ito.
Kapag umuubo siya, umaakyat ang fluid at mucus at napupunta sa likod ng kanilang lalamunan. Isa ito sa dahilan kung bakit parang nasasamid siya.
Mas madalas mapansin ito sa mga sanggol na ipinanganak sa pamamagitan ng cesarean delivery, dahil hindi nila napagdaanan ang prosesong nangyayari sa birth canal. Gayundin sa mga premature babies, na hindi pa agad developed ang kanilang mga baga.
Para sa ilang newborns, marami pa ring fluids ang nanatili sa kanilang baga noong ipanganak sila, kaya nahihirapan silang huminga. Napapansin na mas mabilis ang kanilang paghinga kaysa sa ibang sanggol.
Ang kondisyong ito ay tinatawag na transient tachypnea of the newborn (TTN) orwet lung disease. Kadalasan, ipinapanatili muna ang mga sanggol na ito sa neonatal intensive care unit o NICU para mabantayan at maobserbahan. Sa loob ng 24 hanggang 72 oras ay nagiging normal na ang paghinga ng sanggol.
-
Maling latch o posisyon sa pagdede
May mga pagkakataon din namang nabubulunan ang baby sa tuwing dumedede siya. Paliwanag ng mg eksperto, ito ay maaaring dahil sa maling posisyon habang nagpapasuso.
Pwede ring namang dahil sa mabilis at malakas na paglabas ng gatas mula sa suso o tsupon habang dumedede ang sanggol.
Kung breastfed si baby, maaaring mayroong overactive letdown si Mommy o masyadong marami ang supply ng iyong gatas at hindi makasabay si baby sa pagdede.
Kung sa bote naman niya iniinom ang kaniyang gatas, posible rin na masyadong mabilis ang flow ng gatas sa kaniyang feeding bottle at hindi ito akma sa kaniyang edad.
Posible rin naman sa mga bagong panganak na sanggol, lalo na sa premature babies na makaranas ng acid reflux habang nagdedede. Dahil sa hindi pa gaanong developed ang kanilang digestive tract, ang gatas na naiinom nila ay bumabalik pataas sa esophagus kaya naman lumulungad at parang nasasamid si baby.
Karaniwan ito sa mga sanggol, lalo na sa kanilang unang buwan. Pagdating ng kanilang ika-12 buwan, mas developed na ang kanilang digestive tract kaya nababawasan na rin ang paglungad at pagkasamid.
Kadalasan, normal naman ang pagkakaroon ng acid reflix at mapapansin mo na bagamat siya ay naglulungad, hindi naman masyadong apektado si baby.
Subalit kung parang nahihirapan at nagiging iritable ang sanggol, maaring senyales ito na mas malalang isyu gaya ng gastroesophageal reflux disease (GERD).
Sa mga ganitong pagkakataon, mahalagang alamin ng isang magulang kung ano ang dapat gawin kapag nasamid ang baby. Maaaring normal lang ito nakakalakihan rin, pero sa ilang kaso, pwede rin itong maging delikado at magdulot ng permanent brain damage kung hindi maagapan o kaya naman ay pagkasawi.
Upang maayos na maibigay ang pangunang lunas kapag nabulunan ang baby ay dapat alamin rin ng isang magulang ang mga palatandaan na nabulunan o nasamid na baby.
BASAHIN:
1 month-old, nasawi matapos mabulunan sa gatas
Lungad o Suka? Alamin ang pagkakaiba at kung kailan dapat mabahala
Baby ‘nalunod’ sa gatas; Doktor ito ang paalala sa mga magulang
Mga palatandaan kapag nasamid si baby
Kapag nasasamid ang sanggol sa iyong gatas, maari mong mapansin na titigil siya sa pagdede at parang hihinga nang malalim na parang nalulunod.
Subalit kung nabubulunan naman o nacho-choke si baby, narito ang ilang posibleng senyales:
- Matigas o malakas na pag-ubo habang dumedede o kumakain si baby.
- High-pitched o mataas na tunog sa tuwing humihinga si baby.
- Hindi makahinga, makaiyak o makaubo si baby.
- Namumutla, namumula o nangingitim ang mukha.
- Mahinang pagdede o pagsipsip ng tsupon.
- Mabilis na paghinga habang dumede o kumakain,
Sa oras na makita ang mga palatandaang ito na nabulunan si baby ay dapat gawin ang mga sumusunod upang agad na maligtas siya mula sa peligro.
Dapat gawin kapag nasamid ang baby
Kapag madalas na nasasamid si baby pero parang hindi naman siya nababahala rito, ipaalam pa rin ito sa kaniyang pediatrician sa kasunod na checkup.
Subalit kung sa palagay mo ay hindi lang basta-basta nasasamid si baby at parang kakaiba na ang kaniyang ikinikilos, huwag magdalawang-isip at dalhin agad siya sa pinakamalapit na ospital.
Magkaiba ang nasasamid sa nabubulunan o nahihirapang huminga, at kailangan itong maagapan. Humingi agad ng tulong kapag napansin ang mga sumusunod na senyales:
- Pag-iba ng kulay ng mukha at labi ni baby (bluish ang kaniyang balat)
- Nahihirapang huminga at parang hinihingal
- Hindi makagawa ng ingay
- Nawalan ng malay
- Pumapaloob ang ribs at dibdib kapag humihinga
- Parang may humuhuni kapag humihinga
Sa pagsasagawa ng first aid sa nabulunang baby ay isaisip ang sumusunod na hakbang:
Kung ang bata ay walang malay agad na magsagawa ng CPR. Ihiga muna ang bata sa flat na sahig at tanggalin ang bumabara sa kaniyang lalamunan kung ito ay iyong nakikita.
CPR methods para sa nabubulunang sanggol
Lubhang delikado kapag nabarahan ang daluyan ng hangin sa baga ng sanggol. Kaya naman malaki ang matutulong kung marunong ka ng CPR at alam ang iyong gagawin sa mga ganitong sitwasyon:
Back slaps
Para sa mga batang edad 1 pababa, may malay ngunit hindi humihinga, padapain siya sa iyong braso habang sinusuportahan ng iyong binti ang bigat niya. Dapat kaniyang ulo ay mas mababa kaysa sa kaniyang katawan.
Saka tapikin ng limang beses na may pwersa ang kaniyang likod gamit ang matigas na bahagi ng iyong palad.
Iharap sa iyo ang sanggol upang makita kung lumabas na ang bumarang pagkain sa kaniyang lalamunan.
Chest thrust
Kung hindi parin natatanggal ang bumarang pagkain ay isagawa ang chest thrust. Gawin ito sa pamamagitan ng pagpapahiga sa bata sa isang firm surface. Saka ilagay ang dalawa o tatlo mong daliri sa gitna ng breastbone niya at saka itulak ito ng may pwersa at mabilis ng hanggang limang beses.
Pagkatapos ay tapikin ulit ang likod ng baby hanggang sa lumabas ang bumarang pagkain sa kaniyang lalamunan.
Kung hindi humihinga ang bata ay buksan ang kaniyang bibig gamit ang iyong hinlalaki para itulak pababa ang kaniyang panga.
Huwag subukang sundutin ng iyong daliri ang lalamunan ng baby lalo na kung hindi mo nakikita ang bumarang pagkain dahil maari mo itong matulak na mas magpapalala pa ng sitwasyon.
Abdominal thrust
Para naman sa mga batang nabulunan na lagpas isang taong gulang, pwedeng magsagawa ang abdominal thrust o heimlich maneuver.
Maisasagawa ito sa pamamagitan ng pagtayo sa likod ng bata saka ilagay ang iyong braso sa ilalim ng kaniyang braso at sa paligid ng upper abdomen niya.
Isara ang isa sa iyong kamao saka ilagay sa gitna ng kaniyang pusod at tadyang. Saka ipatong ang isa mo pang palad para may pwersa saka itulak ng papasok at pataas ng limang beses ang tiyan ng bata.
Siguraduhing huwag maglalagay ng labis na pressure sa lower ribcage ng bata dahil ito ay maaring magdulot ng damage at makasama lalo sa kaniyang paghinga.
Tandaan ang mga nabanggit na hakbang ay first aid lamang. Para makasigurado ay kailangan pa rin ang tulong ng mga eksperto na mas alam ang dapat gawin at mas makakabuti para mailigtas ang buhay ng anak mo.
Paano maiiwasang masamid o mabulunan si baby?
Narito ang ilang paalala sa mga magulang para maiwasan ang pagkasamid ni baby habang nagdedede:
- Kung ikaw ay nagbe-breastfeed, padedehin si baby sa kada isang suso tuwing feeding time. Sa ganitong paraan ay nauubos ang laman ng isang suso at makukuha niya ang mga sustansya na kaniyang kailangan.
- Siguraduhing nakakadede o nakalalatch ng maayos si baby sa iyong suso. Dahil kung hindi ay mahihirapan siyang malululon ang gatas na magreresulta sa pagkasamid o choking. Tandaan na dapat ay mas mataas lagi ang ulo ni baby sa kaniyang katawan.
- Subukan ang laidback position. Gawin ito sa pamamagitan ng pagkarga kay baby sa iyong braso at ipwesto siya sa harap mo na bahagyang nakapatayo habang ikaw naman ay bahagyang nakasanda. Ito ay para bumagal ang pagbaba ng iyong gatas at hindi malunod si baby sa dami ng gatas na lumalabas mula sa iyong dede.
- Bigyan rin ng break si baby sa pagitan ng bawat dede. Ito ay para makahinga siya ng maayos at hindi malunod sa iyong gatas.
- Makakatulong rin kung sisiguruhin na hindi barado ang daluyan ng hangin ng sanggol. Makakabuti kung aalisin ang sipon o fluid sa kaniyang ilong bago simulan ang breastfeeding session niyo.
- Kung sa bote naman dumedede ang sanggol, makakatulong ang paggamit ng slow-flow bottles at nipples para maiwasan ang pagkasamid ni baby.
- Huwag rin kalilimutang padighayin si baby pagkatapos dumede para maiwasan ang acid reflux.
Maliban sa mga nabanggit, mabuti ring alam ng isang magulang ang mga dapat gawin upang hindi na muling masamid o mabulunan pa si baby. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:
- Bigyan ng pagkain si baby na angkop para sa kaniyang edad. Iwasan ang pagbibigay sa kaniya ng mga choking hazards na pagkain tulad ng hotdog, popcorn, nuts, candies, grapes at matitigas na gulay at prutas.
- Bantayan at huwag aalisin ang iyong paningin sa tuwing kumakain o dumedede si baby.
- Siguraduhin ring siya ay nakaupo sa tuwing kumakain o umiinom ng kahit anong liquid o fluid. Ganoon rin kapag siya ay dumede o sumususo.
- Ilayo o itaas ang maliliit na bagay na maaring maisubo ni baby.
- Sa pagbibigay ng laruan kay baby piliin ang gawa sa matitibay na material at walang matatalas na kanto at walang maliliit na natatanggal na piyesa o parte.
Subukan ang laidback position para hindi masamid si baby | Larawan mula sa Pixabay
Para sa akin, nakatulong nang malaki ang pagpapadede sa laidback position, at kapag nagdedede sila nang magkatabi kami sa kama. Nabawasan ang pagkasamid ng aking mga babies at nakadede sila nang maayos.
Higit sa lahat, relax! Kapag nararamdaman ni baby na relaxed si Mommy, nagrerelax din sila at naiiwasan ang pagpasok ng hangin sa kanilang bibig at tiyan.
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa tamang paraan ng pagpapadede para hindi masamid ang iyong sanggol, kumonsulta sa inyong pediatrician o magtanong sa isang certified lactation consultant.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
Mayo Clinic, Medline Plus, RedCross UK, CHKD, Very Well Family
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!