Barangay chairman and treasurer scandal sa Dasmariñas, Cavite nag-trending online. DILG iniimbestigahan na ang insidente.
Barangay chairman and treasurer scandal
Ang online Zoom meeting na dapat sana ay ang kapakanan ng barangay ang pag-uusapan, ay naging pawang ebidensya na ang kapitan at treasurer nito ay may ginagawa palang kababalaghan. Dahil sa pamamagitan ng teleconference meeting ay kitang-kita sa camera na nagtatalik ang dalawa. At saksi ang kanilang mga kapwa barangay officials sa kanilang ginagawa.
Sa video ay makikita na pasimula na sana ang Zoom meeting ng mga nasabing barangay officials. Handa na ang ilan nilang mga kasama at ready na rin ang kanilang camera. Ganoon rin ang camera ng barangay captain na imbis na mukha niya ang naka-pronta ay makikita ito sa dulo ng kaniyang kwarto kasama ang kaniyang tresyurera. Doon sila ay nagtatalik na nasaksihan ng lahat na available na sana sa Zoom meeting nila.
Makikita sa video na sinubukang takpan ng Barangay Captain ang camera na nakatutok sa kanila. Ngunit may isa pa palang camera ang nakaka-record ng ginagawa nila. Kaya naman walang nagawa ang mga kapwa opisyales ng dalawa kung hindi panoorin nalang ang kanilang ginagawa.
Matapos ang ilang minuto ay natapos ang kababalaghan na ginagawa ng barangay captain at treasurer nito. Umupo ito at sumalang sa Zoom meeting na parang walang nangyari. Sa kaniyang likuran ay makikita ring umupo ang treasurer nito. Wala silang kaalam-alam na ang kababalaghan nilang ginagawa ay napanood ng live ng kanilang mga kasama. Ito pa ay na-record at napanood pa ng mas marami sa social media.
Petisyon ng mga mamamayang nasasakupan ng kapitan
Dahil dito ay gumawa ng petisyon ang mga mamamayan na nasasakupan ng barangay captain na maalis ito sa pwesto. Ang video scandal daw kasi na kanilang ginawa ay hindi lang napanood ng mga matanda kung hindi pati narin ng mga bata.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang nasabing barangay chairman ukol sa video scandal nito. Pero ayon kay Barangay Fatima SK Chairman Jamil Ibardolaza napanood ng buong konseho ang ginawa ng dalawa.
“Bale dalawa kasi ‘yung device na nagamit n’ya daw, ‘yung isa laptop, ‘yung isa ay phone and then gagawin na nila ang act na ‘yun. Tinakpan n’ya si laptop then nakalimutan niya na patay sa cellphone kaya na broadcast.”
Ito ang pahayag ni Ibardolaza na nagmula sa parehong barangay na pinagseserbisyuhan ng barangay captain at treasurer na nasa video scandal.
Pahayag ng DILG
Ang video scandal ay pumukaw rin sa atensyon ng Department of Interior and Local Government o DILG. Ang insidente nangyari nga raw sa loob pa ng mismong barangay na pinagseserbisyuhan ng dalawa.
“Nakita ko ito sa social media na may ganitong kaganapan sa Dasmariñas, Cavite. This is very unfortunate dahil napanood ng mga ka-barangay at nung mga miyembro ng konseho ng barangay yung nangyari at the same time nangyari pa sa loob ng barangay hall.”
Ito ang pahayag ni DILG spokesman and Undersecretary Jonathan Malaya sa isang panayam. Ayon rin sa kaniya, agad nilang paiimbestigahan ang insidente. Dahil marami umanong posibleng paglabag na nagawa ang barangay captain at treasurer nito sa kanilang sinumpaang tungkulin.
“Kaagad-agad ho paiimbestigahan natin sa ating regional offices kung ano ang mga posibleng violation nito dahil nga po this is conduct unbecoming of a public official, mayroon po tayong code of conduct of public official mukhang marami pong nalabag na mga probisyon doon sa batas na ‘yun.”
Dagdag pa ni Malaya, sa kaniyang nagawa, maaring makasuhan ng administratibo ang barangay captain. At maari rin itong maalis sa kaniyang posisyon.
“If all evidence points to the culpability of the barangay captain, he can be slapped with administrative cases and may even be removed from his position as barangay captain. Public office is a public trust. Hindi kayo binoto ng mga kababayan ninyo para maging source ng iskandalo kundi para maglingkod.”
DILG spokesman and Undersecretary Jonathan Malaya/ Image from Remate
Nagbitiw na sa pwesto ang barangay captain at treasurer nito
Mariin pang sinabi ni Malaya na bilang opisyal ng gobyerno inaasahan ang mga ito na magpakita ng highest moral at ethical standard. At ito ay nakasaad sa Republic Act No. 6713 na kilala rin sa tawag na the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Ayon naman kay Jorge Magno, president ng Association of Barangay Captains sa Dasmariñas, humingi na ng paumanhin ang barangay captain na involved sa insidente. Ito nga rin daw ay nagbitiw na sa kaniyang pwesto. Ganoon rin ang barangay treasurer na kasama niya sa video.
“Si barangay chairman, nagresign na po para sa ikatatahimik po ng lahat. Humihingi po siya ng pang-unawa at pasensya sa lahat na ganoon ang nangyari.”
Ito ang pahayag ni Magno sa isang panayam.
Mula sa nangyaring insidente ay dapat mabigyang paalala tayong mga magulang na bantayan ang pinapanood ng ating mga anak online. Dahil hindi natin masasabi na ang mga malalaswang video tulad ng barangay chairman and treasurer scandal sa Dasmariñas ay maaring lumabas sa social media at mapanood ng ating anak.
Source:
DILG, Inquirer News, ABS-CBN News
BASAHIN:
DOH at DILG hinihikayat ang publiko na magsuot ng face mask kahit nasa loob ng bahay
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!