Mahilig ka bang humigop ng sabaw? Subukan ang recipe ng Batchoy Tagalog na ituturo namin sa’yo!
Sa pamilya namin, walang duda na mas magaling at mas masarap magluto ang tatay ko sa nanay ko. Pero noong lumalaki na ako, may isang putahe na niluluto ang nanay ko na gustung-gusto ko. Natatandaan ko, ang tawag niya sa ulam na ‘yon na nilalagyan niya ng miswa noodle ay batchoy.
Mababasa sa artikulong ito:
- Pagkakaiba ng Batchoy Tagalog sa La Paz Batchoy
- Sangkap sa pagluluto ng Batchoy Tagalog recipe
- Paraan ng pagluluto sa Batchoy Tagalog recipe
Kailan ko lang nalaman na ang batchoy pala na niluluto ng nanay ko ay hindi pareho ng mas sikat na La Paz batchoy.
La Paz Batchoy o Batchoy Tagalog?
Meron palang iba-ibang klase ng batchoy sa Pilipinas. Ang mas sikat ay ang bersyon ng mga Ilonggo, ang La Paz Batchoy. Dito raw kasi talaga nagsimula ang batchoy.
Paano nila niluluto ang batchoy nila? Nilalagyan nila ito ng guinamos (bagoong na isda) na nagbibigay ng umami o halo-halong lasa ng alat, asim, tamis at pait. Gumagamit rin sila ng makapal na noodles (o miki) na binabanlian ng malapot at mainit na sabaw. Kapag kakainin na, nilalagyan ng nilagang itlog at chicharon sa ibabaw.
Meron ring sariling istilo ng pagluluto ng batchoy ang mga Kapampangan. Tinatawag nila itong Batsui, at ‘di tulad sa dalawang klase ng batchoy, kadalasan walang nilalagay na noodles sa recipe ng batchoy na ito. Pwede rin naman ito lagyan ng maninipis na noodles o bihon. Medyo may pagkakalapit ito sa tinola, pero sa halip na manok, ang sangkap ng batsui ay mga lamang loob (innards) ng baboy.
Napansin na ang tatlong klase ng batchoy ay gumagamit ng baboy at mga lamang loob. Pero mas madaling lutuin ang Batchoy Tagalog. Mas magaan rin ito sa tiyan kaysa sa La Paz batchoy.
Dahil mas pamilyar ako sa lasa at sarap ng niluluto ng nanay ko na taga-Laguna, ang recipe ng batchoy na ituturo ko ngayon sa inyo ay ang Batchoy Tagalog.
BASAHIN:
Chicharon bulaklak recipe: Extra crispy!
Easy to make Beef Mechado recipe na mae-enjoy ng buong pamilya!
Halaan soup o tinolang halaan swak sa mga breastfeeding moms pati na rin sa buong pamilya
Batchoy recipe
*apat na tao ang makakakain sa recipe na ito
Mga sangkap:
- 1½ tasang tubig
- 1 kutsarang mantika
- 6-8 tasang tubig (nakahiwalay sa una)
- 1 kutsarang pinitpit na luya, tinadtad
- 1 kutsarang tinadtad na bawang
- ¼ kilo sariwang dugo ng baboy na binudburan ng konting asin
- 1 sibuyas na puti (katamtaman ang laki), tinadtad
- ¼ kilo laman ng baboy, hiniwa ng manipis
- ¼ kilo puso ng baboy, hiniwa ng manipis
- 1 pork bouillon cube
- 1 kutsarang patis
- ¼ kilo ng lapay (spleen) ng baboy, hiniwa ng maliliit na cubes
- 3 piraso ng miswa (mga 4 ounces)
- 2 tali ng sariwang dahon ng sili
Sundin ang mga hakbang na ito:
- Sa maliit na kaserola, pagsamahin ang dugo ng baboy at isang tasang tubig. Huwag hahaluin. Pakuluin muna ng ilang minuto hanggang mamuo. Salain ang tubig. Hiwain ng maliliit ang namuong dugo.
- Sa malaking kaldero, painitin ang mantika at igisa ang luya, bawang, sibuyas. Ihalo ang hiniwang laman at puso ng baboy. Lutuin ng ilang minuto hanggang maging light brown na ang kulay ng baboy.
- Lagyan ng 6 hanggang 8 tasa ng tubig at pork buillon cube. Haluin. Pakuluin at lutuin sa loob ng 20 minuto o hanggang lumambot ang baboy.
- Ilagay ang dugo, lapay, atay ng baboy at lutuin sa loob ng 5-8 minuto.
- Timplahan ng asin at pamintang durog. Ilagay ang miswa. Pakuluin muli. Haluin.
- Ilagay ang dahon ng sili at patayin na ang apoy ng kalan.
***Kung hindi ka makahanap ng lapay (spleen), pwedeng mong palitan ng atay ng baboy.
Tulad ng lahat ng ulam na may sabaw, pinakamasarap itong kainin kapag bagong luto.
Nasundan mo ba ang recipe ng Batchoy Tagalog na ito? Subukan mong lutuin kapag maulan!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!